Chapter One

15.7K 437 67
                                    


HINDI napigilan ni Kayla Alcantara ang mapahikab nang malakas habang nakapangalumbabang pinakikinggan ang nakababagot na talumpati ni Brennen sa harap sa Filipino class. Nakaupo siya sa unahang row sa tabi ng binatana kung kaya na-distract niya si Brennen.

Napairap lang siya nang pagtinginan siya ng mga kaklase niya. Mabuti na lamang at mahina na ang pandinig ng mahigit sisenta anyos na guro nilang si Ginang Gener na tila bagot na bagot na nakatayo sa pintuan.

Napatingin siya sa bilog na wallclock sa itaas ng blackboard. Parang napakatagal ng limang minuto bago humudyat ang bell. Huling klase na nila iyon.

Iyon ang pangalawang araw ng muling pagbabalik sa eskwela matapos ang halos dalawang linggong semestral break. Bakante ang upan sa tabi niya. Hindi pa pumapasok si Melissa at noong huling araw ng second quarterly exam pa niya ito nakausap. Dalawang araw na itong absent. Bahagya tuloy na nag-aalala siya. Dahil sa apat na taon na naging classmate niya si Melissa ay hindi ito uma-absent kung hindi lang din ito may sakit.

Pero wala pang may balita kung bakit hindi pa ito pumapasok.

Maging ang boyfriend nitong si Rico ay wala ring balita. Hindi raw ma-contact ang cellphone ni Melissa. Gayundin si Kate na bestfriend ni Melissa ay wala ring balita rito. Ang huling update pa ng Facebook ni Melissa ay no'ng nakaraang sem pa. Ang lahat ay nagkaroon ng kanya-kanyang bakasyon at nitong pasukan na lamang muli nagkita-kita.

Naputol ang iniisip ni Kayla nang may dumapong maya sa bintana sa mismong gilid niya. Noon lamang siya nakakita ng maya na ganoong malapitan. Ang alam niya'y mailap ang mga iyon.

Ngunit ang isang iyon ay wari ba'y nakamasid sa kanya. Ang mga mata'y ng ibo'y pipikit-pikit na tila nagpapapungay sa kanya. Naisipan niyang ilapit ang kamay rito, iniisip kung lilipad iyon o likas iyong maamo.

Ngunit natigilan si Kayla nang maglikha ang maya ng nakapanghihilakbot na ingay. Bumuka ang mga pakpak nito na para bang aatake iyon.

Napaatras siya mula sa ibon. Maging si Brennen ay nahinto sa talumpati nito. Pinuno ng maliit ngunit nakapanghihilakbot na iyak ng ibon ang buong silid. Noon lamang siya nakarinig ng gano'ng pag-iyak ng ibon. Ang lahat ay nakalingon sa direksyon ng maya.

Mayamaya ay lumipad ang maya papasok sa classroom. Naglililipad iyon na tila naghahanap ng madadapuan o nang muling malalabasan. May ilang estudyante ang nagtangkang itaboy ang ibon. Maging si Ginang Gener ay nabahala at binugaw ng hawak na libro ang ibon.

Ngunit tumama ang maya sa elisi ng umiikot na ceiling fan. Sumambulat ang bawat bahagi ng ibon at dinala ng malakas na ikot ng elesi sa iba't ibang bahagi ng classroom ang nagkawatak-watak na katawan niyon.

May panghihilakbot at pandidiring nagsigawan ang ilang mga estudyante nang humagis sa mga ito ang ilang parte ng ibon. Nagmantsa ang malansa at mapulang dugo niyon sa puting uniporme nila.

Napatayo si Kayla nang humagis sa mismong armrest niya ang ulo ng maya. Napatakip siya ng bibig nang pakiramdam niya'y tila may humigpit sa sikmura niya na parang masusuka siya. Nakabuka ang mga tuka ng ibon at dilat ang mga mata na wari ba'y nakatingin sa kanya.

Ang ilan namang mga kaklase niyang lalaki ay pinagtawanan lamang ang pangyayari. Nangingibabaw ang tawa ni Rico sa lahat na para bang isang nakatatawang prank iyon.

Tumayo si Gilbert at nagtungo sa switch ng ceiling fan at pinatay iyon. Ilang sandali pa ay naging kalmado na ang lahat.

"Merong mamamatay..."

Nilingon ni Kayla ang nakaringgan niyang nagsabi niyon mula sa likod niya.

Sinalubong ni Mark Agregado ang tingin niya. "Merong mamamatay. Merong mamamatay," paulit-ulit na sabi nito sa mahinang tinig.

"Weirdo," sabi niya rito kahit na hindi niya maipaliwanag kung bakit bahagya siyang kinilabutan. Tahimik at madalas na mag-isa lang si Mark sa section nila. Duda siya kung may kaibigan din ito sa campus.

Binawi nang pag-ring ng bell ang atensyon niya rito. Ngunit bago magpulasan ang lahat ay nagsalita si Ginang Gener sa tapat ng klase.

Napahinto ang lahat sa ginagawa.

"Class, huwag ninyo kalimutan ang magdasal bago umuwi," anito at bakas sa anyo ang pagkabahala.

"Bakit po, ma'am?" tanong ni Irene bago tuluyang lumabas ng classroom ang guro.

Huminto sandali si Ginang Gener sa pintuan. "May mga lumang paniniwala o pamahiin kaming mga matatanda na kapag may pumasok na ibon sa silid..." tila nag-aalangan pa ito na ituloy ang sinasabi. "May hindi magandang mangyayari."

"May hindi agad magandang mangyayari? Hindi ba pwedeng iniwan lang ng syota 'yong ibon kaya nagpakamatay?" pagbibiro ni Gilbert na sinundan ng tawanan ng mga kaklase nila.

"Basta. Magdasal na lang." Iyon lang at nagtuloy-tuloy na ang guro sa labas.

Hindi mapagpaniwala si Kayla sa pamahiin. Ngunit hindi niya maipaliwanag nang sandaling iyon kung bakit parang kinukutuban siya ng masama.

Isinantabi niya ang masamang kutob at mabilis na pumilas ng dalawang pahina sa spiral notes niya at itinakip sa ulo ng ibon sa ibabaw ng armchair niya. Inayos niya ang mga gamit niya at hinabol si Rico na nakalabas na. Gusto niyang tanungin muli ito tungkol kay Melissa. Baka may balita na ito.

Ngunit napigilan siyang lapitan si Rico nang mapansin niyang may kausap ito sa cellphone sa corridor. Sa tabi nito ay si Kate.

"Kadiri naman..." nandidiring sabi ni Irene mula sa likuran niya habang pinapahid nito ng panyo ang dugong tumilamsik sa manggas nito.

"Mas exciting pa nga 'yong nangyari kesa sa talumpati ni Brennen," pabirong sabi ni Gilbert. Binatukan ito ni Brennen.

"Shit, d're, iyong ilong mo?" itinuro ni Gilbert si Brennen.

Lahat sila ay napatingin dito.

"O, bakit?" nagtatakang tanong ni Brennen sa nakitang reaksyon ng lahat. Huminto ang lahat sa paglalakad liban kay Rico na abalang may kausap sa cell phone at pati rin si Kate na hindi ito iniwan.

"May mens ang ilong mo, dre," natatawang pahayag ni Gilbert.

"Eew," pandidiri ni Irene. "May napkin ako rito. Gusto mo?"

Mabilis na dinukot ni Kayla ang compact nito sa bag at inabot kay Brennen upang makita nito ang sarili.

"Ay shit," sambit ni Brennen at pinahid ng likuran ng palad ang ilalim ng ilong nito.

Ngunit ang atensyon ng lahat kay Brennen ay mabilis na nabawi nang magkalaskalas ang cellphone ni Rico sa sahig sa corridor. Napatingin dito ang lahat ng naroon.

Nagtatakang nilapitan nila si Rico. Ngunit tila naparalisa ito sa kinatatayuan. Bakas din sa mukha ni Kate ang pagtataka.

Napansin ni Kayla ang panginginig ng mga labi ni Rico. Alam niyang si Rico ang pinakasiga sa kanilang magbabarkada ngunit nang sandaling iyon ay para itong maiiyak. Kapuna-puna ang pamumutla nito.







Forget Me NotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon