"KINAKABAHAN ako sa gagawin natin," pabulong na sabi ni Melissa Abalos, sapu-sapo ng kamay nito ang dibdib at panay ang pagbu-buntong-hininga nito.
Ramdam ni Melissa sa dibdib ang malakas na kabog doon. Napahigpit ang kapit nito sa braso ng bestfriend nitong si Kate Guzman na halatang kabado rin.
Hinarap ni Rico Gatchallian ang girlfriend nito. "Relax ka lang, Melissa," anito na hinawakan si Melissa sa kamay. Ramdam nito ang panlalamig ng girlfriend.
Pagkatapos ay binalingan ni Rico si Gilbert Ilagan na may hawak ng penlight na nakatutok sa key hole ng pinto ng faculty room. "Itapat mo naman nang maayos 'yong liwanag, pare." Halatang pinanginginigan ng kamay si Gilbert.
Si Brennen Legazpi naman at si Irene Aquino ay nasa dulo ng corridor bilang mga lookout.
"Bilisan ni'yo naman diyan," pasigaw na sabi ni Brennen. Umalingawngaw ang boses nito sa kadiliman at katahimikan ng corridor. "Hahanapin na ako sa amin."
Pasado alas siete na ng gabi at madilim na sa buong St. Michael's Academy. Sila na lamang na magkakaklase ang tanging tao roon sa high school building. Hindi pa sila umuuwi at mga naka-school uniform pa.
Hindi maalis-alis ang kaba ni Melissa na kanina pa nito nilalabanan. Alam nitong isang malaking kamalian ang gagawin nila. Ngunit wala itong choice. Ang lahat ay sang-ayon sa planong iyon ni Rico. Ang tanging dasal na lamang nito ay walang makahuli sa kanila. At na sana ay matapos na ang gabing iyon.
Nanganganib ang grado ni Melissa sa eskuwela. At hindi ito katulad ng mga kaibigan nito na mula sa mayayamang pamilya. Isang sastre lamang ang biyuda nitong ina. Pinalad lamang makapasok si Melissa sa St. Michael's Academy dahil sa nakapasa ito sa scholarship program ng paaralan. At hindi nito gustong maiwala iyon alang-alang sa ina nito na ang tanging pangarap ay makapagtapos ito sa isang magandang paaralan.
Ngunit naging isang malaking kalbaryo kay Melissa ang pagdating sa St. Michael's Academy ng bagong teacher nila sa Physics. At wari ba na isang malaking kaligayahan sa terror nilang teacher na makitang bumagsak silang magkakaibigan. At hindi maaari iyon dahil pwede maiwala ni Melissa ang scholarship nito. Kapag naalis ito sa scholarship ay paniguradong pauuwiin ito ng nanay nito sa probinsya. Malalayo ito kina, Irene, Kate, Kayla, Brennen at Gilbert na apat na taon na nitong mga kaibigan. At higit sa lahat, hindi nito gusto na malayo sa first boyfriend nitong si Rico.
Bukas ay ang huling araw ng second quarterly assessment ng mga ito bago mag-semestral break. At hindi maaaring ibagsak ni Melissa ang exam. At hindi iyon madali para dito. Kailangang makakuha ito ng 80% na marka para mahatak niyon ang mga mababang grades nito sa mga nakaraang quiz.
Napatid sandali ang paghinga ni Melissa nang may tumunog na bakal sa knob ng pinto. Halos umalingawngaw iyon sa katahimikan ng school corridor.
"Yes..." anas ni Rico nang sa wakas ay mabuksan ni Gilbert ang pinto sa faculty room. Pumalatak ito bilang senyales kina Irene at Brennen.
Nagtuloy silang apat sa faculty room. Napahimas sa braso nito si Melissa dahil maginaw ang gabi at dala na rin ng labis na kaba.
Nakikipagpaligsahan ang yabag ng mga paa ng mga ito sa malakas na kabog ng dibidb ni Melissa.
"Ibaba mo lang ang ilaw mo, Gilbert," babala ni Rico habang maingat na tinutunton ng mga ito ang desk ni Mr. Barde. "Baka mapansin sa guard house ang liwanag dito."
Mabilis na sumunod si Gilbert at itinutok na lamang sa sahig ang liwanag na nagmumula sa penlight nito.
Ngunit umalingawngaw sa katahimikan ng buong faculty room ang pagbagsak ng penholder sa isang mesa nang hindi sinasadya ay matabig iyon ni Gilbert.
Halos lumabas na ang puso ni Melissa sa labis na gulat. Pakiramdam nito'y nanigas na ito sa kinatatayuan nito.
"Sorry, sorry," mabilis na paumahin ni Gilbert na napakamot sa batok.
"Pare, mag-iingat ka naman," ani Rico na sinundan ng mura. Umi-squat ito sa sahig upang pulutin ang mga humagis na laman ng penholder at ibalik iyon sa dating pagkakaayos.
"Ano'ng nangyari?" pabulong na tanong ni Brennen sa pintuan. "Matagal pa ba 'yan?" Bakas sa tinig nito ang labis na kaba at pagkabahala. Nagtuloy-tuloy ito sa loob.
"Oo na, 'eto na," tugon ni Gilbert nang i-on nito ang computer sa mesa ni Mr. Barde. Nagliwanag sa madilim na faculty room nang mag-on ang computer monitor. Hinubad ni Gilbert mula sa pagkakuwintas ang USB flash drive upang ihanda na kopyahin ang naka-save mula roon na file na lalabas sa exam ng mga ito.
"Shit," anas ni Gilbert nang makapag-boot ang PC. "May password! Pa'no na 'to?"
"Ano?" hindi makapaniwalang tanong ni Rico. Lumapit na rin si Brennen sa tapat ng computer.
Naglaho ang lahat ng pag-asa ni Melissa. Nakabalandra sa computer monitor na nangangailangan iyon ng password para maka-access.
"Umuwi na tayo please," may takot na sabi ni Melissa. Ayaw mawala ng kaba nito na para bang may hindi magandang mangyayari.
"Nandito na tayo. Isipin n'yo na lang na nasa loob ng computer na 'to ang pag-asa nating makapasa kay Mr. Barde," pahayag ni Rico, hinatak nito si Brennen. "Bren, 'di ba magaling ka naman sa computer. Baka kaya mong—" nahinto ito sa pagsasalita nang makarinig ang mga ito na may kumaluskos sa pintuan.
Nang itapat doon ni Gilbert ang liwanag ng penlight ay bumungad sa mga ito si Irene.
"Bakit ka nandito? Sino magbabantay sa labas?" paasik na sabi ni Rico.
Ngunit walang naging imik si Irene na parang nanigas na sa kinatatayuan nito. Bakas sa pinagpapawisang mukha ang takot.
"Well, well, well..." sabi ng pamilyar na boses mula sa likuran ni Irene. "Look who we got here. Ang mga patapon ng Section 4D."
Nang iangat ni Gilbert ang liwanag mula sa penlight patungo sa nagsalita ay halos matumba ito sa kinatatayuan nito.
Napasinghap nang malakas si Melissa na halos mapatiran ito ng hininga. Napakapit ito nang mahigpit sa braso ni Rico nang masalubong nito ang nanlilisik na mga mata ng terror teacher na si Mr. Barde.
Wala sa mga ito ang nakapasalita. Napipi na ang lahat at nanginginig sa takot.
Si Melissa ay parang ipinako ang mga paa sa kinatatayuan nito. Parang anumang sandali ay hihimatayin ito.
Nang sandaling iyon, alam na ni Mellisa na naglaho na ang lahat ng pangarap nito. Isang malaking iskandalo ang mangyayari. Isang malaking kahihiyan sa nanay nito. At ang lahat ng paghihirap ng nanay nito ay nasayang na.
BINABASA MO ANG
Forget Me Not
HorrorSimula nang dalawin ng magkakaibigan na sina Kayla, Rico, Brennen, Irene, Kate at Gilbert ang burol ng kaibigan nilang si Melissa ay sunod-sunod na kababalaghan na ang naganap sa paligid nila. Maging sa Section 4D. Iyon na ang simula ng mga araw na...