SA isang memorial homes sa Pasig ang naging tuloy ng magkakaibigan kinagabihan nang matanggap nila ang balita. Napagplanuhan na dapat kinabukasan ay makikipaglibing sila kay Melissa kasama ng mga magulang nila at ilang mga guro at kaklase nila. Ngunit paano gayong isang kaibigan naman nila ang pinaglalamayan naman?
Kasama ni Irene ang mga magulang nito. Tanging si Brennen lamang ang nagsabing hindi makararating dahil hindi pa nito handang harapin ang nangyari sa matalik na kaibigan.
Hindi makapaniwala si Kayla na sa loob lamang nang maikling panahon ay dalawang burol na ng kaibigan niya ang dinaluhan niya. Natagpuan niya si Irene na umiiyak habang inaalo ni Rico at Kate. Unang taon pa lang yata nila sa high school ay may gusto na si Irene kay Gilbert.
Magkakasamang nakaupo ang mga ito sa unahang upuan sa tapat ng kabaong ni Gilbert. Kaunti pa lamang ang mga bisita at karamihan ay mga kamag-anak ni Gilbert at ilang mga guro sa St. Michael's Academy ang naroon.
Kausap ng mga magulang ni Irene ang naghihinagpis na ina ni Gilbert. Habang ang ama naman ni Gilbert ay abalang nakikipag-usap sa dalawang pulis sa labas ng memorial homes. Ayon kay Rico ay hindi pa rin natutuklasan kung sino ang pumatay kay Gilbert.
Nilingon siya ni Irene nang ilapat niya ang kamay sa ibabaw ng balikat nito nang makalapit siya. Tumayo ito at niyakap siya nang mahigpit at saka marahang ibinulong sa kanya, "Natatakot ako, Kayla..."
Napasinghot siya nang maramdaman niyang malapit na rin siyang maiyak. Hinamas niya ang likod nito nang maramdaman niya ang panginginig nito. Tumayo rin si Kate at niyakap silang dalawa.
Tuluyan nang hindi napigilan ni Kayla ang mapaluha na mabilis din niyang tinuyo nang pakawalan nila ang isa't isa. Nilingon niya ang kinahihimlayan ni Gilbert. Pagkuwan ay marahan siyang humakbang palapit doon.
Tinipon niya ang lahat ng tibay ng loob niya upang masilayan ang nasa loob ng kabaong. Napatakip siya ng bibig at tuluyan na siyang naiyak. Halos hindi na niya makilala si Gilbert. May mga punit ito sa mga labi nito na hindi nagawang ayusin ng makapal na makeup. Halata rin ang mga malalalim na galos nito sa mukha.
Ano'ng nangyari sa iyo, Gilbert...?
Iglap niyang hinarap si Rico. "B-bakit gano'n ang hitsura niya?" humihikbing tanong niya.
"Ang sabi ng dad niya natagpuan siya ng mga tanod kagabi 'di kalayuan sa labasan ng subdivision nila," paliwanag ni Rico na humakbang palapit sa kanya. Inabot nito ang isang picture frame, iyon ang kaparehong larawan nilang magkakaibigan na naka-display din sa ibabaw ng kabaong noon ni Melissa. Matagal na sandaling pinakatitigan niya iyon at napayuko. Nagtagis ang mga bagang nito.
"Tinahi nang maraming ulit ang mga labi niya..." patuloy ni Rico sa mapait na tinig. Napakuyom ang isang palad nito. "Maraming ulit at mahigpit na halos mapunit na ang mga labi ni Gilbert nang tanggalin iyon. Posibleng buhay pa raw si Gilbert no'ng ginagawa iyon sa kanya."
"Mga sinulid at karayom." Napalingon sila sa biglang lumapit; papa ni Gilbert na inalapat ang mga palad sa ibabaw ng kabaong. Nakatingin sa yumaong anak habang namumugto ang mga mata. "Nakatagpo sila ng maraming mga sinulid na nakabara sa lalamunan niya. They tortured my son," galit ang nasa tinig nito sa huling sinabi nito.
"Oh, God..." sambit ni Kayla, mabilis niyang dinala ang sarili sa upuan. Pakiramdam niya'y igugupo na siya ng kanyang mga tuhod sa labis na panlalambot na kanyang nararamdaman.
BINABASA MO ANG
Forget Me Not
HorrorSimula nang dalawin ng magkakaibigan na sina Kayla, Rico, Brennen, Irene, Kate at Gilbert ang burol ng kaibigan nilang si Melissa ay sunod-sunod na kababalaghan na ang naganap sa paligid nila. Maging sa Section 4D. Iyon na ang simula ng mga araw na...