Chapter Four

11.1K 357 92
                                    


NAIIDLIP na si Kayla ngunit naagaw ng ingay ng shutter sa camera ng cellphone ni Brennen ang antok niya. Pasado alas onse na at magkakasama silang natutulog sa silid ng ina ni Melissa. Magkakatabi silang mga babae sa matigas na papag habang sa banig sa sahig naman ay magkakatabi ang mga lalaki. Si Aling Telma ay sala na nagpahinga.

Sinungaw ni Kayla si Brennen sa sahig. Doon niya nalaman na nagse-selfie pala ito. "Brennen, gusto ko nang matulog, pero ang ingay niyang camera mo. Maaga pa tayong gigising para hindi tayo maiwanan ng biyahe."

"Pare, tama bang mag-selfie ka sa lamay?" ani Rico na deretso lang ang tingin sa kisame, nakaunan ang ulo sa mga braso. Halatang malalim ang iniisip at hindi rin makatulog. Naisip ni Kayla na sa kanilang lahat ay ito marahil ang pinaka-apektado sa pagkamatay Melissa. Halos isang taon din na naging magnobyo ang dalawa.

Nakapikit na kinuhanan muna ni Brennen ang sarili bago sumagot. "Gusto ko lang makita kung ano ang hitsura ko kapag pinaglamayan ako," tugon nito.

"Ang gago mo," pairap na sabi ni Kayla. Ibinalik na lamang niya ang sarili sa pagtulog. Inayos ang sarili sa pagkakumot. Malamig masyado ang gabi.

"Bakit? Anong masama sa sinabi ko?" ungol ni Brennen na tila batang paslit.

"Hindi ko makakalimutan ang gabing ito," nagsalita si Gilbert. Halatang wala pang natutulog sa sinoman sa kanila. Liban kay Irene na nagsisimula nang maghilik. Si Kate na bagaman nakatalikod patagilid kay Kayla ay alam niyang hindi pa rin ito tulog. Napapansin niya ang madalas nitong pagpapakawala ng malalalim na hininga na wari ba'y may bumabagabag dito.

"'Eto 'yong unang overnight na magkakamasama tayong lahat... pero iyong isa sa atin nasa labas," dugtong ni Gilbert.

Sinundan ng mahabang katahimikan ang sinabing iyon ni Gilbert. Naramdaman ng lahat ang lungkot. Natahimik din ang shutter ng camera sa cellphone ni Brennen.

Nang wala nang magsalita pa'y tuluyan nang sinikap ni Kayla na matulog. Ngunit iglap siyang napadilat nang biglang humiyaw ng "fuck shit!" si Brennen. Pagkatapos ay nakarinig siya ng tila may humagis sa dingding.

Napabangon ang lahat maging ang tulog na tulog nang si Irene. Si Brennen ay mabilis na napatayo at napaatras sa dulo ng silid habang tila tinakasan ng kulay ang mukha. Naglilikot ang mga mata nito na waring may nakita itong gumimbal dito.

"O, anong nangyari sa iyo, dre?" buong pagtatakang tanong ni Rico. Silang anim na naroon sa silid ay nakatingin kay Brennen. Si Irene ay halatang nailimpungatan at kung ano-ano ang sinasabi.

Nakahawak ang isang kamay ni Brennen sa ulo na waring sinasabunutan ang sarili habang titig-na-titig sa cellphone nitong nagkakalaskalas sa sahig.

Tumayo si Rico at pinulot ang cellphone nito. Sinuri nito iyon. "Shit. Basag ang LCD, pare." Napatingin ito kay Brennen na hindi pa rin magawang makapagsalita. Bakas sa buong anyo ang matinding takot.

Ngunit takot saan?

Unti-unting napaupo si Brennen na waring tinakasan ng lakas. Nasa hitsura nito na anumang sandali ay maiiyak ito. Nanginginig ang mga labi nito.

"Pare, ano ba?" Nilapitan ito ni Gilbert at hinawakan sa magkabilang mga balikat. "Ano'ng nangyari sa iyo?"

Nag-angat ng tingin dito si Brennen. Bakas pa rin sa mga mata ang takot. Nanginginig ang boses nito nang magsalita. "K-kanina... habang binu-view ko sa cellphone iyong mga shot ko..." Pinutol nito ang sinasabi at isa-isa silang tinapunan ng tingin. Para bang nagsusumamong paniwalaan ito sa sasabihin nito. "May selfie ako ro'n... ako na nasa kabaong tapos dilat ang mga mata ko at nakanganga..."

Forget Me NotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon