Chapter Three

9.5K 342 62
                                    


NAGISING si Kate nang makaramdam siya ng panlalamig. Parang may nakakumot na malamig na bagay sa kanya.

Nang magmulat siya nang mga mata'y doon niya napagtanto na siya na lamang ang tao roon. Sandaling inikot niya ng tingin ang paligid. Naroon siya sa maliit na sala na pinagbuburulan ni Melissa. Napagtanto rin niyang palubog na ang araw sa labas.

Napayakap siya sa sarili at tumayo. Hinahanap ng tingin sa paligid ang mga kaibigan niya.

Naisipan niyang lumabas upang hanapin ang mga kaibigan nang matigilan siya sa narinig niya.

Iglap siyang napalingon sa kabaong ni Melissa nang tumumba sa ibabaw ng salamin ang isang picture frame. 

Nilapitan niya iyon. Itinayo niya ang picture frame at sandaling napatitig sa larawan at nabalot ng kalungkutan ang dibdib niya.

Napasinghot siya nang maramdaman niyang malapit na siyang maluha. Polaroid shot iyon nilang magkakaibigan bago sila maghiwahiwalay noong nakaraang semester. Pitong shots ang ginawa ni Melissa para lahat sila'y may tig-iisang kopya bilang remembrance. Hindi niya lubos akalain na iyon na ang huling larawan na makakasama niya ito.

Mabilis na pinahid niya ang luhang nangilid sa mga mata niya at ibinalik sa ayos ang picture frame. Muli ay sinulyapan niya ang kaibigan na nakahimlay sa kabaong.

"I'm sorry, Melissa..." bulong niya. Hindi pa rin niya mapaniwalaan na wala na talaga ang bestfriend niya. Inilapat niya ang palad sa ibabaw ng salamin, na tila ba sa pamamagitan niyon ay gusto niyang iparating dito ang nararamdaman niya. "Mami-miss kita..."

Napatid ang sinasabi niya nang may mapuna siyang kakaibang bagay sa likurang bahagi ng ulo ni Melissa. Niyuko niya iyon upang tingnan nang mainam kung ano iyon. Hindi siya sigurado, o kung imahinasyon man niya iyon, ngunit tila may naaaninag siyang tila nakasungaw sa maitim at makapal na buhok nito.

Bigla na lang ay napasigaw siya nang mapagtanto niyang mata iyon at nanlilisik sa kanya!

Mabilis siyang napaatras palayo mula sa kabaong habang sinasaniban siya ng matinding takot.

Nahinto siya nang mabangga niya si Kayla. Kaagad niya itong niyakap.

"O, anong nangyari sa iyo?" nag-aalalang tanong nito. "Nanginginig ka..."

Napalunok siya nang mariin. Tinangka niyang lingunin ang kabaong ni Melissa ngunit mabilis niyang binawi ang tingin doon sa takot. Nanlalambot ang mga tuhod niya kapag naaalala niya ang nakita niya.

"Anong nangyari sa iyo, iha?" nagtatakang tanong ng ina ni Melissa na kasunod lamang ni Kayla. "Bakit ka sumigaw?"

Nag-angat siya ng tingin dito. Paano niya sasabihin ang nakita niya? Pero nakita ba talaga niya ang nakita niya o marahil ay hindi pa tuluyang gising ang diwa niya? Ngunit bakit nahihirapan siyang huminga sa matinding takot?

"Anong nangyari? Sino 'yong sumigaw?" ani Rico na nagmamadali mula sa labas. Kasunod nito sina Gilbert, Irene at Brennen.

Sunud-sunod ang naging pag-iling ni Kate, naihilamos niya ang mga palad sa mukha. Doon niya napagtanto na pinagpapawisan siya ng malamig.

"S-sorry. Nakatulog kasi ako at... nanaginip ako ng masama..." paliwanag niya sa namamaos na tinig.

"'Sus, akala ko kung ano na ang nangyari—" ani Gilbert na pinatid ng isang ingay ang sinasabi. Ang lahat ay napalingon sa kabaong ni Melissa. Bigla na lamang tumumbang muli ang picture frame na kaninang itinayo lamang ni Kate.

Lumapit doon si Aling Telma at itinayong muli iyon. Ngunit ang pagsinghap nito ang nagpangyaring maglingunan sa matandang babae ang lahat.

"Dios ko..." anas nito, bakas sa tinig ang biglang pagkabahala. May ilang segundong napatitig lamang ito sa hawak at saka sandaling sinulyapan silang magkakaibigan.

Hindi maipaliwanag ni Kate kung bakit mas lalong nagtibay ang takot na naghahari sa dibdib niya sa nababasa niya sa mga mata ng ina ni Melissa.

"Bakit po...?" si Kayla ang nakuhang magtanong.

"Makinig kayo sa akin," pabulong ngunit malinaw na wika ni Aling Telma. "Bago kayo matulog ngayon gabi, huwag na huwag ninyo kalilimutang manalangin."

Naguguluhang napatingin lamang si Kate sa matandang babae. Doon niya napansin na nag-crack ang salamin sa picture frame. 





Forget Me NotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon