Chapter Fourteen

7.9K 277 30
                                    


HANGGANG sa makabalik sa Maynila ay labis pa rin ang pasasalamat ni Rico sa diyos na buhay pa siya. Gahibla lamang ng buhok ang pagitan ng matulis na nabaling mabigat na sanga ng kahoy sa kanya nang maiwasan niya iyon. Alam niyang kamatayan ang aabutin niya kung nagkataon.

Nakaiwas lamang ba siya? O pinatatawad na siya ni Melissa? Iyon ang paulit-ulit na tinatanong niya sa sarili habang nakatitig lamang siya sa kisame ng silid niya. Bukas ay babalik na sila sa klase. Bukas ay apat na upuan na ang bakante sa klase.

"I'm sorry, Melissa..." naisatinig niya kasabay ng malalim na buntong-hininga. Inuusig siya ng kanyang konsensya. Hindi dapat niya pinahintulutang mangyari iyon sa dating girlfriend. Hindi pa rin niya mapaniwalaan ang lahat. Parang isang masamang panaginip lamang.

Ngunit nangyari ang mga nangyari. Wala na ang mga kaibigan niya. Sina Gilbert, Brennen at Irene... nagwakas na ang lahat para sa mga ito. Magkasabay na pinaglalamayan ang tatlo ngayon.

Hindi pa niya gustong mamatay. Marami pa siyang gustong gawin. Marami pa siyang pangarap. Sana nga ay napatawad na siya ng tuluyan ni Melissa.

Mariing napapikit siya. Inisip niya na sana ay nasa isang masamang panaginip lamang siya. Magigising din siya sa bangungot na iyon.

Hindi namalayan ni Rico na nakatulog pala siya nang gisingin siya ng pag-ring ng cell phone niya. Inabot niya iyon mula sa ibabaw ng unan niya. At halos panawan siya ng kulay nang makita niya kung sino ang tumawag. Number ni Gilbert ang naka-register sa cell phone niya.

Ngunit kaagad niya ring naisip na baka ang mga magulang ni Gilbert ang tumatawag.

Tumayo siya at pumuwesto paupo sa gilid ng kama nang sagutin niya ang tawag.

"Pare, kanina ka pa namin hinihintay!"

Kamuntik nang humulas sa kamay niya ang cell phone kung hindi kaagad humigpit ang pagkakahawak niya roon. Ang nasa kabilang linya ay walang dudang boses ni Gilbert.

"Oy, Rico, nasa inyo ka pa ba? Itutuloy pa ba natin ang plano? 'Andito na kami sa campus ni Brennen."

Sinubukan niyang magsalita ngunit walang tinig na lumalabas sa bibig niya.

"G-Gilbert...?"

"Teka, ano bang nangyayari sa iyo? Anong oras na, dre? Wala ka pa. Hindi raw pwedeng gabihin si Brennen kasi hahanapin siya sa kanila."

Napalunok siya nang mariin. Napatayo siya at pinindot ang digital clock sa end table niya. Nagliwanag ang oras na nagsasabi na alas siete na ng gabi. Pakiramdam niya'y naalimpungatan siya.

"Gilbert?" hindi niya mapigilan ang panginginig sa tinig niya. Nasapo niya ang ulo niya.

Totoo bang nangyayari ang nangyayari?

Hindi kaya sa wakas ay nagising siya sa isang masamang panaginip?

"May problema ba?" may pag-aalala sa tinig ni Gilbert.

"Wa-wala..." tugon niya. Gusto niyang maiyak na naririnig niya ang tinig ng kaibigan sa telepono. Buhay ito. "Si Brennen? Si Irene? At si... Melissa? Magkakasama ba kayo?"

"Kami pa lang ni Brennen ang magkasama. On their way na ang mga girls."

Napabuga siya ng hininga. "Pakisabi..."

"Pare? Umiiyak ka ba? Ang weird mo ngayon..."

"Gilbert makinig ka sa akin," mariing sabi niya. "'Wag na natin ituloy ang plano—Gilbert? Gilbert?" Naputol ang linya. Mabilis na tiniwagan niya ito ngunit hindi na siya maka-connect pa.

Forget Me NotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon