MATAGAL na katahimikan ang namayani sa kanilang magbabarkada matapos maglahad ng kanya-kanyang karanasan ang bawat isa nang magtipon-tipon silang anim sa school cafeteria.
Pinangingilabutan si Kayla sa bawat kuwento ng isa.
"Ikaw, Kayla..." Ang lahat ay napatingin kay Rico na bumagsag sa katahimikan. "Wala bang kakaibang nangyari sa iyo kahapon?"
Sunud-sunod ang naging pag-iling niya. Sa isip ay sinasabing hindi niya nanaisin na makaranas din ng gayon. Napansin niya ang pagpapalitan ng tingin ng lima. Si Kate ay tila maiiyak anomang sandali.
Iyon din ang tinatanong niya sa sarili bagaman hindi niya gustong danasin din ang dinanas ng mga ito: bakit bukod tanging siya lamang ang hindi nakaranas ng kagaya ng naranasan ng mga ito?
"Halos pare-pareho nating nakita ang karo ng patay at 'yong babae..." mahinang sabi ni Gilbert. Nakayuko lamang ito.
"Upang hindi kayo sundan ng patay..." sambit ni Irene.
Ang lahat ay binalingan ito ng pansin.
"Iyon ang sabi no'ng matanda bago tayo umalis kina Melissa, hindi ba?" patuloy nito.
"Sandali, sandali," ani Kayla sa lahat. Kinuha niya ang atensyon ng mga ito. "Makinig kayo. Hindi na nagbabalik pa ang patay. At kung totoo man... bakit kayo mumultuhin ni Melissa? Mga kaibigan niya tayo, hindi ba?"
Sunud-sunod ang naging pagtango ni Kate. Ngunit hindi nakatakas sa paningin ni Kayla ang mabilis na pagbulong ni Gilbert kay Rico.
Biglang nag-igting ang mga bagang ni Rico sa kung anoman ang sinabi Gilbert dito.
Muling naghari ang katahimikan sa magkakaibigan. Hindi maiwasan ni Kayla na isiping may bagay na hindi siya alam at hindi sinasabi ng mga ito sa kanya.
"May nangyari ba sa inyo ni Melissa, Rico?" Tuwid ang tingin ni Kayla kay Rico nang tanungin niya ito. Natatandaan niyang sinabi ng ina ni Melissa na kakaiba ang ikinikilos ni Melissa nang umuwi ito noong bakasyon.
Ngunit naputol ang akmang pagsagot ni Rico nang may nagsigawan mula sa high school building sa labas. Halos ang lahat ay nagmadaling makiusyoso sa kung ano ang nagaganap doon.
Maging sila man ay nagmadaling tumayo sa puwesto nila at sinundan kung saan nagkakatipon-tipon ang maraming mga estudyante.
Habang papalapit sila'y lalong nagiging mas malinaw ang sigaw ni Mrs. Capistrano na Algebra teacher nila.
"Anong meron?" tanong ni Rico sa mga nagsisiksikang mga estudyante sa tapat ng Home Economics Room.
"Si Mr. Barde raw..." isang lalaking estudyante ang tumugon. "Nagpakamatay sa loob."
Napasinghap nang malakas si Kayla sa narinig niya. Si Kate ay napakapit nang mahigpit sa kamay niya.
"Shit..." usal naman ni Brennen.
Mayamaya'y humawi ang mga kulumpon ng mga estudyanteng nakikiusyoso at lumabas mula roon ang umiiyak na estudyanteng babae mula sa lower year. Ang anyo nito'y tila ba nalulunod na kailangang makasagap ng hangin. Binigyang daan ito ng lahat at tumakbo ito sa quadrangle at doon sumuka.
Classmate ng kapatid ni Rico ang babae kung kaya tinakbo ito ni Rico upang lapitan.
Sumunod silang lahat dito.
BINABASA MO ANG
Forget Me Not
HorrorSimula nang dalawin ng magkakaibigan na sina Kayla, Rico, Brennen, Irene, Kate at Gilbert ang burol ng kaibigan nilang si Melissa ay sunod-sunod na kababalaghan na ang naganap sa paligid nila. Maging sa Section 4D. Iyon na ang simula ng mga araw na...