Kung kanina ay atat na atat na makapunta sa kanila si Carla, ngayong naroon na at nakatigil ang kotse ni Chad sa kanto papasok sa kanila ay nangingimi at nag-aalinlangan naman siyang bumaba.
Ilang araw rin siyang nawala at siguradong nag-aalala na ang tatay niya. Ano na lang kaya ang magiging reaksyon nito kapag nakita siya nito na ganito ang kasuotan at may kasama pa siyang lalake. Baka mag-isip ng masama ang tatay niya. Hindi tuloy niya maiwasang mag-alala.
"Hindi pa ba tayo bababa?"tanong ng binata ng makitang di siya kumikilos.
Hindi tuloy siya mapakali. Nariyang bubuksan na sana niya ang pintuan ng kotse pero hindi rin niya itutuloy saka lilinga sa paligid.
"May problema ba?"kunut-noong tanong ng binata na nawiwirduhan sa kilos niya.
"H-Ha?"wala sa sariling tanong niya.
Nakaramdam naman ng pagkairita ang binata. "Para kang wala sa sarili mo. Bumaba na tayo at puntahan na natin ang tatay mo. Pagod na ako at gusto ko ng magpahinga."sabi nito at nauna ng bumaba sa kotse.
Siya naman ay napabuntung-hininga at sinundan ng tingin ang binata. Hindi na siya nagtaka ng makitang pinagtitinginan ng mga ka-lugar nila ang binata. Malayong malayo nga naman ang postura nito sa kanila. Halata na mayaman ito, hindi tulad nila na mahirap lamang at nakatira sa mahirap na lugar. Napansin din niya ang mga babaeng sinusundan ng tingin si Chad. Hindi na siya magtataka kung bakit ganun sila makatingin sa binata. Gwapo kasi ito, matangkad at mayaman.
Natigilan lang siya ng makitang nakasimangot na naman ang binata. Oo nga pala, pinapababa na pala siya nito. Kailangan na niyang bumaba sa kotse kung hindi ay tiyak na di na naman maipinta ang mukha nito.
Pero habang pababa siya ng kotse ay hindi niya alam kung paano hihilahin pababa ang miniskirt niya para hindi siya masilipan. Hinding hindi na talaga siya magsusuot ng ganun kahit kailan.
******
"Akala ko nakatulog ka na sa kotse."yamot na sabi ni Chad habang pinagmamasdan ang dalaga na nakalapit na sa kanya pero abala sa paghila ng suot na palda na parang sa ganung paraan ay hahaba ito.
"Puntahan na natin ang tatay mo. Gusto ko ring siyang makumusta."sabi niya at nagpatiuna na sa paglalakad.
"T-Teka lang Sir."narinig niyang sabi ng dalaga pero binalewala na lamang niya ito.
Sa sulok ng mata niya ay nakita niya ang mabagal na pagsunod ng dalaga. Bahagya siyang nagtaka ng makitang nakatungo ito.
"Si Carla ba yun?"narinig niyang tanong at ng lumingon siya ay nakita niya ang umpukan ng mga babaeng nagsusugal.
"Hindi si Carla yan. Kita mo nang nakadamit pambabae eh."sagot ng isang babaeng kasama nila.
"Si Carla yan. Sa kilos pa lang alam kong si Carla yan."sabat naman ng babaeng may kargang bata.
"Pero ba't may kasamang lalake? At mayaman at gwapo pa ha?"
Sabay-sabay namang nagkibit-balikat ang mga ito na tila walang maisip na sagot.
Natatawa na naiiling naman si Chad sa nakitang eksena. "May pagka-tsismosa pala ang mga tao dito."anya sa sarili.
Ibinaling niya ang kanyang atensyon kay Carla na nakatungo pa rin habang naglalakad at tila iniiwas na mapatingin sa mga babaeng iyon.
"Ba't ba nahihiya ka sa kanila? Hayaan mo lang sila. Wala kang dapat ikahiya dahil bagay naman sa'yo yang suot mo."sabi niya rito.
Napatingin ito sa kanya pero maya-maya lang ay umirap ito sa kanya. "K-Kasalanan mo 'to eh. Kung hindi mo ako pinagsuot ng ganito, hindi nila ako pagtsi-tsismisan."saka ito nauna na sa paglalakad at hindi siya hinintay.

BINABASA MO ANG
Just The Way You AreBy Camille Belmonte
HumorBABALA: Ang kwentong ito ay kathang-isip lang ng may-akda at hindi hinango sa tunay na buhay o karanasan. Anumang pagkakahawig sa ibang akda, sa pangalan ng mga tauhan, buhay man o patay, sa mga lugar at mga pangyayari sa kwentong ito ay nagkataon l...