Entry #7

1.4K 16 8
                                    

IKAW PA RIN

Naalala ko pa ang mga kahapon,
Tayo'y nangarap at paraiso'y layon.
Sana'y sumagi sa y'ong isipan ngayon,
Ang sinumpaan nating pag-ibig roon.

Isang pader ang kanilang itinayo!
Pilit sinira ngunit ako'y nabigo.
Iyong ama ay pilit kang inilayo,
Dusa't sakit ay tumimo sa'king puso.

Umiyak ang langit ng ika'y umalis.
Sa'king mga mata'y luha'y bumalisbis,
Pilit na hinuhugasan ang hinagpis.
Kapighatian ko'y pilit tinitiis.

Ikapapatid ng buhay sa daigdig,
Kung hindi ko mamamasdan ang y'ong titig.
Irog ko, sana ay iyong nadidinig,
Pintig ng puso'y ikaw ay sinasambit.

Sa panahong hindi nagtatanaw- tama,
Sa mata ay pumatak ang mga luha.
Hinanap ka upang dalita'y mawala.
Sana'y makamit ang pag-ibig na nasa.

Ngayon ay ikakasal ka na sa iba.
Pag-ibig ko ay kinalimutan mo na.
Nasayang ang luha't puso ay dinaya.
Nilimot ako't iba na ang y'ong nasa

Sa huling sandaling ating pagkikita,
Nais kong ipaalam na mahal kita.
Ipagpaumanhin ang munting abala,
Sa kasal na pinigilan ko kanina.

Mga paa'y naisipan ng umalis,
Matapos kong sabihin ang aking nais.
Lason sa puso'y naramdaman ang bangis,
Yaring puso'y naghihimutok ng labis.

Ngunit ng marinig ang y'ong munting tinig,
Na ako'y, y'ong muling ipinababalik.
Ang aking puso ay bumilis ang pintig.
Niyakap ako at hinagkan ang bibig.

Labis na kasiyahan ang naramdaman,
Nang iyong damdamin saki'y ipaalam.
Dusa'y unti-unti ng namamaalam.
Kapiling ay langit ng ika'y halikan.

Tula ng Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon