Chapter 13 *Nikela Double Zero*

1.4K 60 3
                                    


HINDI MAKAPANIWALA si Emerald. Bigla kasi siyang inatake ng kakambal ni Nikela. Bakit? Pero wala nang oras para pag-isipan pa ang sagot. Kailangan niyang tumakas.

Agad siyang tumakbo palayo. Nikela... nasaan ka. Tulungan mo ko.

"Nasisiraan ka na ba?" Biglang sumigaw si Dustin. "Bakit mo ginawa yon? Paano kung napuruhan mo siya? Siguradong hindi matutuwa si 01!"

"Wala akong pakialam. Papatayin ko siya!" buo ang tinig na sabi ni S-00. Nanlilisik ang mga mata nito.

"Ano?" Napapakunot ng noo si Dustin.

"Ako ang commander ng mga Hashke kaya tungkulin ko na tiyakin ang pagpapatupad ng batas. Lumampas siya sa teritoryo kaya kailangan niyang mamatay."

"Hindi mo man lang ba bibigyan ng konsiderasyon si 01?" pagpapatuloy ni Dustin. "Hindi niya ito magugustuhan..." dagdag pa nito.

Ngunit tila wala nang naririnig si 00.

"Dustin, pabayaan mo na siya!" Sa wakas nasalita na si Echezen. "Hindi na ito bago kaya siguradong maiintindihan ito ni 01," dagdag nito.

Nagkibit-balikat si Dustin. "Ano pa nga bang magagawa ko?" sabi nito.

"Mauna na kayo sa Selection, sandali lang 'to," sabi ni S-00 bago ito parang hangin na nawala.

NAKASAKAY na si Emerald kay Beam.

"Patawad, pero puwede bang bilisan mo pa?" sabi niya sa kabayo. Alam niya na mabilis na ang takbo nito ngunit gusto niyang mas bilisan pa dahil pakiramdam niya may humahabol sa kanya.

Ang gusto lang naman ni Emerald ay makita si Nikela- para panoorin ang laban nito at dalan ito ng Sweet Juice. Hindi niya alam na meron pala itong kakambal-at kabilang pa sa Superior. Kung pagbabasehan ang ginawa nito masasabi niya na hindi ito mabuting tao. Ibang-iba ito kay Nikela na kaibigan niya.

Hindi na dapat ako nagpunta rito. Naisip iyon ni Emerald, ngunit huli na. Wala nang magagawa ang pagsisisi niya. Ang kailangan niya ngayong gawin ay bilisan upang makabalik na siya agad sa teritoryo nila.

Napangiti na si Emerald nang matanaw ang hangganan ng First Region. Sa wakas, malapit na siyang makalampas.

Subalit biglang namilog ang mga mata niya nang matanaw ang isang lalaki na tila nag-aabang.

Agad hinila ni Emerald ang renda ni Beam upang mapahinto ito.

"I-Ikaw..." Hindi makapaniwala si Emerald. Ang nakita niya kasi ay ang kakambal ni Nikela.

Ngumisi ito bago binigyan ng matalim na titig si Emerald.

Natigilan si Emerald. Nakadama siya ng kung anong masamang aura mula sa lalaki.

Kasunod noon ang biglang pagwawala ni Beam.

"Teka...anong nangyayari sayo... huminahon ka!" sabi ni Emerald, hindi na kasi niya makontrol ang kabayo kahit hawak pa niya ang renda nito. Sa palagay niya, naramdaman din nito ang masamang aura ng lalaki kaya ito biglang nagwala. "Sandali lang... huminahon ka!" Patuloy si Emerald sa pagpapakalma sa kabayo ngunit bigo siya. Nabitawan niya ang renda at tuluyan siyang nahulog.

Bumagsak siya sa mabuhanging lupa.

Kasunod noon ang pagtakbo ng kabayo palayo.

Muling napangisi ang kakambal ni Nikela. "Yung kabayo mo, iniwan ka na," sabi nito.

Bigla namang nanginig si Emerald, ni hindi niya magawang kumilos mula sa pagkakahiga niya sa lupa.

A-Anong gagawin ko?

Prisoners in VenusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon