May tatlong klase ng hayop sa Venus. Una ang mga maliliit o normal na mga hayop. Pangalawa ay ang mga malalaking hayop. Malalaki sila dahil sa epekto ng salamangka na nakapaloob sa tarangkahan ng Venus. Pangatlo ang mga hayop na pinag eksperimentuhan ng mga tao at ipinatapon sa loob ng kulungan."Wala masyadong maliliit na hayop dito," simula ni Mary. "Kaya ang huhulihin natin ay iyong malalaki."
Napangiti si Emerald, mas sanay siya sa panghuhuli ng malalaking hayop.
"Pero kailangang mag-ingat dahil marami ritong mga hayop na pinag eksperimentuhan," dagdag ni Mary. Ito mismo ang dahilan kung bakit hindi niya binalak mangaso sa lugar na ito... dahil sa mga kakaibang hayop na iyon. "Sina Nikela at Baron ang haharap sa mga kakaibang hayop. Tayo naman, Emerald ang manghuhuli sa mga hayop na puwedeng kainin," direksyon ni Mary.
Tumango si Emerald. "Sige."
"Zero One?" tawag ni Mary kay Nikela.
Ngumiti si Nikela at naglakad papunta sa bandang gitna. Huminga ito ng malalim bago sinuntok ang lupa.
Bahagyang yumanig.
Ilang saglit pa ay may narinig silang malalakas na yabag."Ayan na sila!" sigaw ni Mary.
Doon naintindihan ni Emerald na ang pagsuntok na ginawa ni Nikela ay upang kunin ang atensiyon ng mga hayop.
"Lima ang huhulihin natin... kaya mo ba iyon, Emerald?" tanong ni Mary.
"Walang problema!" sagot ni Emerald bago nito inihanda ang kanyang katana. "Ayan na sila."
Nakita na ni Emerald ang papalapit na mga hayop. Mga malalaking baboy ramo, oso, lobo, usa at iba pang klase ng hayop ang mga ito.
Isang malaking baboy ramo ang unang sumugod sa kanila.
"Ayos, may isa na agad!" sabi ni Emerald.
"Hindi! Sa amin yan!" sabi ni Nikela, bago nito binigyan ng malakas na suntok ang baboy ramo. Agad iyong bumagsak.
"Bakit mo siya pinabagsak?" nagtatakang tanong ni Emerald. Sa pagkakaalam niya kasi ay sila ni Mary ang bahala sa mga hayop na puwede nilang kainin.
Hindi naman siya nasagot ni Nikela dahil naging abala na ito sa pagsalakay sa iba pang mga hayop.
"Hindi normal ang baboy ramo na iyon. Isa iyong eksperimento," tugon ni Mary sa katanungan niya.
"Ano, eksperimento?" Napakunot ng noo si Emerald.
Tuloy naman si Nikela sa pagpapatulog sa mga hayop. Katulong niya roon si Baron. Kamao lamang ang gamit ni Nikela, samantalang si Baron ay gumagamit ng sibat.
"Sandali... paano natin malalaman kung ano ang mga hayop na puwedeng kainin? Parang lahat ay kakaiba..." sabi ni Emerald. Gusto na niyang gamitin ang kanyang katana ngunit hindi niya alam kung kanino.
"Mahirap talaga iyong malaman, kaya nga hindi kami nangangaso sa lugar na ito. Pero kasama natin si Nikela. May kakayahan siya na malaman kung ano ang hayop na puwede at hindi puwedeng kainin," paliwanag ni Mary.
"Talaga, kaya niya iyong gawin?"
"Oo. Isa iyon sa katangian niya. Sa ngayon ang magagawa natin ay ang obserbahan siya. Kung ano ang hayop na iiwasan niya, iyon ang huhulihin natin."
"Kung gayon..." Tiningnan ni Emerald si Nikela. Nakita niya na may iniwasan itong baboy ramo.
"Tayo na, Emerald!" hudyat ni Mary.
"Oo!" Agad nilang sinugod ang baboy ramo na iyon.
Pansin ang malalim na paghinga ni Baron pagkatapos nilang mapabagsak ang halos isang daang mga hayop, habang si Nikela ay tila ba hindi man lang pinagpawisan.
Masaya namang nakahuli ng limang hayop sina Emerald at Mary. Hawak nila ngayon ang mga lubid na ginamit nila upang itali ang mga ito.
"Tagumpay tayo,"masayang sabi ni Emerald.
"Bumalik na tayo ngayon sa Den," utos ni Mary.
Iyon na nga ang ginawa nila. Bumalik na sila sa Den.
Tuwang-tuwa ang mga naroon nang makita ang mga hayop.
Bukod sa may makakain na sila ay meron pa silang puwedeng alagaan. Hindi na sila ngayon mamumrublema sa karne.
"Bumalik na si Nikela!" sabi ng isang bilanggo.
Malinaw iyong narinig ni Emerald. Bumalik na si Nikela?
Bakit naman iyon nasabi ng bilanggo na iyon? tanong niya sa isip.Ilang saglit pa ay nakita na niya ang mga bilanggo na lumapit kay Nikela.
"Mukhang naayos na ni Zero One ang gulong ginawa ni Double Zero," sabi ni Baron. "Sa totoo lang kahit nakakatakot si Nikela noon, marami pa rin humahanga sa kanya dahil sa mga bagay na nadala niya sa lugar na ito. Sa katunayan kung hindi siya naging Hashke siya dapat ang pinuno ng Seventh Region."
"Talaga?" Napangiti si Emerald. At lalo pa siyang natuwa nang makita si Nikela na masayang nakikipag-usap sa mga bilanggo ng Region nila. "Nikela. .."
"Ah, ang tinutukoy ko pala ay si Double Zero," biglang sabi ni Baron. "Si Double Zero ang Nikela na unang nakilala ng mga tao rito. Nakilala lang namin si Zero One nang magpakilala sina Dustin, Echezen at Nikela bilang mga bagong superior.
Naalala ni Baron ang tagpong iyon, kung saan biglang lumabas sa repleksyon ng mga tubig at salamin ang imahe nina Echezen, Dustin at Nikela. Doon sila nagpakilala bilang mga bagong Superior. Sinabi rin nila ang mga pagbabagong gagawin nila sa Venus. Bukod doon ay ipinakilala nila ang bagong katauhan ni Nikela.
"Baron..." Ang pagtawag na iyon ni Emerald ang nagpabalik sa kasalukuyan kay Baron.
"Ano iyon?"
"Talaga bang, hindi totoo si Nikela... ibig kong sabihin, si Zero One.. nabuhay lang ba talaga siya ng dahil lang sa kapangyarihan?"
"Nasabi ko na iyon sayo, hindi ba? Likha lamang ng kapangyarihan si Zero One kaya anomang oras maaari siyang mawala."
"Pero... mas mabuti si Zero One. Naisip ko, maaring siya ang totoo at hindi si Double Zero."
"Sinasabi mo ba yan para pagaanin ang loob mo?"
Hindi nakapagsalita si Emerald.
Wala na namang sinabi si Baron. Lumukso ito sa tree house (sa Den nila) at pumasok na sa loob.
Naiwan si Emerald na napapaisip.
Nagpasya siya na maglakad lakad muna.Nagpunta si Emerald sa lugar kung saan nagpakita si Double Zero. Lumapit siya sa mga kable na naroon. Ang mga kableng ito ang nagsisilbing hanggangan ng kanilang teritoryo.
Alam ni Emerald na sa oras na lumagpas siya rito ay katapusan na niya. Katulad iyon ng posibleng mangyari sa kanya kapag pinilit niya na maging sila ni Nikela.
Bakit kailangan niya itong maranasan? Bakit hindi sila hayaan ng pagkakataon na magmahalan?
Iyon ang mga tanong ng isip niya.
"Emerald! "
Si Nikela.
Nang lingonin ito ni Emerald nakita niya ito na may hawak na mga bulaklak.
Namilog ang mga mata ni Emerald lalo na nang iabot sa kanya ng lalaki ang mga bulaklak.
"Para sayo..." sabi nito.
Habang nakikita ni Emerald ang maamong mukha ni Nikela ay parang gusto niyang maiyak. Gusto niya ang taong ito pero alam niya na kahit kailan hindi ito magiging sa kanya.
Tinanggap niya ang bulaklak.
"Nagustuhan mo ba? Nakita ko iyan sa teritoryo nyo. Maganda, hindi ba?"
"Oo..." sagot ni Emerald bago siya tumungo.
"May problema ba?" tanong ni Nikela.
"H-Hindi ko alam kung anong sasabihin ko..."
"Ha?"
"Naguguluhan ako... pero isa lang ang malinaw... Nikela, ayaw na kitang makita."
"Ano?"
"Pakiusap... lumayo ka na sa akin."
BINABASA MO ANG
Prisoners in Venus
Fantasia"Kaya mo bang mabuhay sa bilangguang pati ang umibig ay ipinagbabawal?" Si Emerald Euxine ay isang dalaga na mula sa marangyang pamilya. Wala siyang ibang hangad kundi ang makasama si Gerad, ang lalaking nagligtas sa kanya noong bata pa siya. Magb...