Chapter 10

52 4 0
                                    

Nagsimula bilang isang ordinaryong araw ang weekend ni Kyle. Gumising siya ng late at kumain ng almusal thirty minutes bago ihanda ang pananghalian. Pagkatapos kumain ay siya ang naghugas ng mga pinagkainan habang naglalaba naman ng mga damit ang kaniyang ina, nangangalikot ng makina ng motor bike ang kaniyang ama habang gumagawa ng requirements ang kaniyang ate bago ito bumalik sa Baguio kung saan siya nagkokolehiyo.

Inilagay ni Kyle sa garbage bag ang mga gamit at basurang hindi na mapakikinabangan pa. Ikinahon naman niya ang mga damit na kaniyang napagliitan at hindi na ginagamit upang ipahingi sa kaniyang mga pamangkin na nasa probinsiya.

Tila hindi maubos-ubos ang libag ng sahig ng kaniyang kwarto, kahit anong gawin niyang pag-mop dito ay madumi parin at halos putik na ang kaniyang nama-mop. Ano bang ginagawa ko sa buhay ko't ganito karumi ang kwarto ko? anito.

Kung anu-ano ang nahanap niya sa ilalim ng kaniyang kama – quiz paper noong second year high school siya, wrapper ng candy, ballpen na nag-tae, dalawang naninigas na eraser at isang inaamag na pantalon. Aba, nandito pala ito. Hindi ko man lang naalalang nawawala ka pala, ang sabi niya sa kaniyang sarili.

Makalipas ang halos apat na oras na paglilinis ay natapos din sa wakas si Kyle. Inalis niya ang kaniyang damit na basa ng pawis at tubig na ginamit sa pagtatrapo ng sahig at pinunasan ang kaniyang katawan. Kumuha siya ng bagong damit upang maligo at makapagpahinga. Nang papasok na sana siya sa banyo ay biglang nag-ring ang kaniyang cellphone.

Hindi niya ito pinansin dahil na rin sa pagod at panlilimahid. Dumiretso parin siya sa banyo at naligo.

Ilang beses pang nagring ang kaniyang cellphone, ngunit ni minsan ay hindi niya ito pinansin. Hindi nagtagal ay tila nagsawa ang nasa kabilang linya at tumigil ito sa pagtawag.

Nang makapagbihis at nahiga sa kaniyang kama na may bagong bed sheet ay kinuha niya ang kaniyang cellphone. Halos madrain ang battery nito dahil sa siyam na missed calls. Agad siyang napatayo sa kaniyang pagkakahiga nang makitang si Sam pala ang tumatawag.

Agad niyang idinial ang numero ni Sam at agad namang sumagot ang dalaga. "Kyle..." ang sabi nito.

"Napatawag ka?"

"Oo," ang sabi ni Sam at nagsimula itong humagulgol.

"Anong nangyari?"

"Si Mama..."

* * *

Tulad sa mga eksena sa pelikula at mga teleserye, tumatakbong pumasok sa hospital si Kyle – hindi hinihingal dahil nakakasira ng gwapo niyang image, with matching slow motion at mute background.

"Inatake sa puso si Mama, nandito kami sa hospital," ang sabi ni Sam sa kaniya sa telepono kaya't agad siyang sumugod sa hospital.

Ang tanga ko, ang sabi niya. Ngayon niya ako kailangan na kailangan at hindi ko man lang pinansin ang mga tawag niya.

Agad siyang pumunta sa Coronary Unit ng hospital upang puntahan si Sam. Muli, tulad sa mga pelikula ay agad niyang nakita si Sam. Slow motion parin ang paligid. Ngunit dahil sa kaniyang nasaksihan ay ang malakas na tibok ng puso niya ang tangi niyang narinig – naroon si Sam sa labas ng ICU, kasama si Gino at sila'y magkayakap.

Akala ni Kyle ay aatakihin din siya sa puso oh di kaya'y baka siya ma-stroke. Naramdaman ni Kyle ang panghihina ng kaniyang mga paa. Isa, dalawa... hanggang tatlong hakbang. Nakatitig lamang si Kyle sa dalawa. Ang masakit pa dito tila panatag na ang loob ni Sam. Hindi na niya ako kailangan, ang sabi ni Kyle.

* * *

Tila bumalik sa nakaraan si Kyle nang ikwento niya ang parteng iyon ng kanilang istorya ni Sam. Nanginginig ang kaniyang mga kamay nang kunin niya ang pangalawang tasa niya ng kape, hindi ko alam kung dahil dala ito ng masakit na alaala o dahil sobra lamang siya sa kape.

Tears and RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon