MAB 10-Mang Borong

33 0 0
                                    

Cara's P.O.V

Pagkalipas ng isang oras na biyahe ay kinailangan na naming iwan ni Tane ang kotse.

Hindi na kasi niyon kayang pasukin ang kakahuyan.

Itinago namin ang kotse sa pamamagitan ng pagtatakip ng mga dahon ng puno at talahib doon.

Nagpasya akong iwan na ang iba pang bagahe ko.

Sa tulong ni Tane ay ibinaon namin sa lupa ang mga iyon.

Ang tanging dinala ko ay isang bag na naglalaman ng mga gamit ko at ilang damit ni daddy para magamit ni Tane.

"Don't worry about food. Natitiyak kong may mga prutas at hayop sa kakahuyang ito. Imposible ring walang mapagkukuhanan dito ng tubig," kompiyansang sabi nito.

Bago sumapit ang alas-dose ng tanghali ay nakakita kami ng ilang native na manok.

Gumawa ng isang trap si Tane para sa mga iyon gamit ang mga baging ng mga puno.

Mula sa mga dahon ng mga halaman naman ay nakakuha kami ng tubig na inilagay namin sa basyo ng mineral water.

"Sigurado kang maaari nating inumin ito?" Tanong ko.

Tumango siya. "Pakukuluan nga lang natin."

"Paano 'yan? Wala tayong lutuan."

"Maraming kawayan dito. Puwede nating gamitin iyon para maging lutuan."

Nang balikan namin ang trap ay nakita naming may nahuli kaming isang manok. "Sa wakas ay napakinabangan ko rin ang mga itinurong survival tips ni Durant," tatawa-tawang sabi ni Tane bago ito natigilan. "It seems Durant is also real," wika nito kapagkuwan.

Hindi ako umimik. Sa kung anong dahilan ay may naramdaman akong takot sa unti-unting pagbabalik ng alaala nito.

"Huwag kang mag-alala, Cara. Tutuparin ko ang pangako ko kahit na magbalik na ang alaala ko. Tutulungan kitang makaligtas sa tiyuhin mo at mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga magulang mo," sabi nitong animo nabasa ang naglalaro sa isip ko.

Inihaw na manok ang naging tanghalian namin.

Sa palagay ko, kung hindi ko nadala ang lighter ni daddy ay makakaya ni Tane na gumawa ng apoy gamit ang mga bagay sa paligid namin.

Mabagal ang naging paglalakbay namin dahil madawag ang paligid.

Madilim na ay hindi pa rin kami nakakarating sa paanan ng bundok.

Magkatabi kaming natulog ni Tane.

Ang munting siga na ginawa namin ang naging bantay namin sa magdamag.

Kinabukasan ay todong lakaran pa rin ang ginawa namin.

Gumamit ng malaking kahoy si Tane para hawiin ang mga halaman at damo sa daraanan namin.

Pareho kaming nagulat nang makarating kami sa paanan ng bundok.

Isang maliit na sakahan ang nakita namin roon.

Isang matandang lalaki ang nasa gitna ng taniman at abala sa pagkukumpuni sa lumang traktora nito.

Ang akala ko ay iiwas kami at hindi magpapakita kaya nagulat ako nang lumapit dito si Tane.

Napasunod na lamang ako rito.

"Ano ho ba'ng nangyari?" Tanong nito sa matandang lalaki.

"Ewan ko rito. Bigla na lang tumigil. Maayos naman kanina ang takbo nito. Siguro ay masyado nang luma at kailangan nang palitan. Ang kaso, wala akong pambili."

My Amnesia BoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon