Hugot ng Isang Papel

70 2 1
                                    


Isa akong papel, isang bagay na sayo'y walang halaga pero lagi mong kasama

Yung laging nandyan pero nakikita mo lang pag kailangan mo na

Iniingatan mo nung una pero habang tumatagal ay tinatapon mo na

Dating tinatago dahil ayaw maagaw pero ngayo'y binabasura


Naalala ko pa nung bago palang tayo...

Sinusulatan mo ng 'yong pangalan ang bawat pahina upang mapakita sa lahat na sayo lang ako

Madami man ang lumapit at tangkang hingin at agawin ako sayo ay pinagdadamot mo

Dahil kelangan mo ako... na kahit mura ang papel ay mahal ako para sayo... na MAHAL mo ako


Dahil sayo nagkaroon ng rason kung bakit ako nilikha

Binigyan mo ako ng kulay at sinulatan ng tadhana

Sa pagdating mo'y napuno ng mga letra ang aking blangkong pahina

Ang nagpuno sa espasyo ng aking mga linya


Ako ang naging takbuhan twing ika'y may problema

Ang nagiisang nakakaalam sayong mga lihim at istorya

Papel na sumasalo sa lahat ng iyong inis at galit

At hinahayaang madungisan ang mga piraso upang mabawasan ang pait


Ginawa ko naman ang lahat upang ikaw ay maging masaya

Pinupunasan ang pawis mo kapag wala kang twalya at pinapaypayan ka

Hinahayaang tupi-tupiin at baguhin ang anyo para malibang ka

Minsan nga'y sa mga kalat mo ay pinagtatakpan ka pa


Pero marahil nga'y kahit gawin ko na ang lahat

Ang paglupi mo sakin upang maging ibang bagay ay di parin sapat

Ginawa mo akong bulaklak noon at ngayo'y ginawang papel na eroplano

Matapos na ipakitang importante, sa ere'y binitiwan ako


Isa akong papel na dati'y pinagdadamot ngunit ngayo'y pinapamigay na

Hinahayaan nalang makuha ng iba dahil may bago ka na

Matapos punuin ng ala-ala ay binasura ako

Ngayo'y tapos na ang pagpapakatanga dahil ubos na ako...


Dito Na LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon