Chapter 19

275 18 5
                                    

Chapter 19

"Abby, Ma, sa isang araw na ang alis namin papuntang Madrid. Mamimiss ko po kayo." Hinaplos ko ang lapida nila Mama habang pilit pinipigil ang luha ko sa pagpatak. Ilang araw na ba akong umiiyak? Bakit hanggang ngayon may nailalabas pa rin ang katawan ko? Normal pa ba ako? Mukhang hindi na. Abnormal na yata ako. Nagagawa kong ipagpilitan ang sarili ko sa taong abot langit ang galit sa akin.

Humigop ako ng hangin saka pilit tinatagan ang loob ko. Dalawang araw na lang ang natitira sa akin pero hanggang ngayon, hindi pa rin napapapayag ni Johan si Jomyl.

Napaupo ako sa damuhan saka napayakap sa tuhod ko.

Isang araw lang naman. Hindi ba pwedeng tiisin na lang niya ang galit niya ng isang araw? Yun lang naman ang hinihingi ko, kapalit ang habambuhay na pangungulila sa kanya.

Nakagat ko ang ibabang labi ko nang maramdaman ang matinding pag-init ng gilid ng mata ko.

Inilabas ko na lang ang cellphone at earphones ko. Makikinig na lang ako ng kanta para hindi ko maisip si Jomyl.

 Nang makapili na ako ng papakinggan ay ihinilig ko na lang ang ulo ko sa mga tuhod ko. Niyakap ko ang mga ito, iisipin ko na lang na si Jomyl ang yakap yakap ko.

Lalong uminit ang gilid ng mata ko hanggang sa tuluyan ko nang hindi napigilan ang mga luha ko sa pagpatak. "Miss na miss na kita." Sambit ko sa kawalan. Kahit anong pigil ko sa emosyon ko, hindi ko talaga kayang lokohin ang sarili kong kaya ko. Masyadong malakas ang epekto sa akin ng pangungulila ko sa kanya.

Sabi niya bitaw na. Bumitaw naman ako eh. Hindi nga lang lahat. Mahirap kasing bitawan lalo siya ang unang kumapit. Pero yun nga yata ang panget doon. Siya kasi ang kumapit. Siya ang nakapwersa, at anumang oras, kayang-kaya niyang basta na lang ibukas ang palad niya para mabitiwan ako. Kung alam ko lang na mangyayari ito, sana kumapit na lang din ako para kahit anong mangyari, hindi siya makakabitaw.

Ayaw ko siyang bumitaw...

Napahigpit ang yakap ko sa mga binti ko. Sasabog na talaga ang dibdib ko kapag hindi ko ito nailabas. Wala na akong ibang choice kundi ibuhos ang sama ng loob ko. Hinayaan kong humagulgol ako para gumaan kahit paano ang pakiramdam ko.

"Valeen." Tila huminto sa pagtibok ang puso ko nang marinig ang isang pamilyar na boses. Dahan-dahan kong iniangat ang ulo ko upang kumpirmahing hindi ako nagkamali ng dinig.

Lalong bumuhos ang luha ko nang makita si Jomyl na nakatayo sa gilid ko. Napakagwapo niya sa suot niya kahit nakasimpleng V-neck na gray lang naman at maong pants lang siya. Idagdag pa ang walang kaemo-emosyon niyang ekspresyon.

Wala sa sarili akong napatayo at napayakap sa kanya. Patuloy sa pagbaha ang luha sa magkabila kong pisngi. Ipinikit ko ang mga mata ko at buong pusong dinama ang presensya niya. Kung pwede ko lang ihinto ang oras, kahit kaluluwa ko handa kong ipambayad mamanipula ko lang ang panahon.

Ang sarap sa pakiramdam na tanging ang tibok lang ng puso niya ang nadidinig ko. Hindi siya umangal, hinayaan niya lang akong yakapin siya ngunit hindi niya ako niyakap pabalik.

"Salamat. Salamat nagpakita ka sa akin. Konti na lang masisiraan na ako ng ulo." Usal ko sa basag na boses. Hindi siya nagsalita. Okay lang. Okay lang kahit walang magsalita sa atin. Ang mahalaga ganito ka kalapit sa akin. Nararamdaman ko ang tibok ng puso mo.

Sandali siyang hindi kumibo ngunit maya-maya'y nagpakawala siya ng buntong hininga saka pilit kinalas ang pagkakayakap ko. Hinawakan niya ako sa pagkabilang balikat saka ako seryosong tinignan. Napalunok ako dala ng takot.

"Listen, gagawin ko lang ito dahil pinakiusapan ako ni Johan. Ang sabi niya, samahan lang kita ng isang buong araw, tatantanan mo na ako." Seryoso niyang sabi. Nakagat ko ang ibabang labi ko. Heto na naman ang mga luha ko. Umiinit na naman ang gilid ng mata ko dahil sa narinig. This is the monster I've created.

His Untold FairytaleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon