Chapter 4

717 20 1
                                    

Chapter 4


Hindi ko magawang makapagsalita habang nasa iisang mesa kaming lahat, naghahapunan. Nawala ang pagiging komportable ko sa presensiya ni Geoff na halatang hindi rin komportable sa presensiya ko.

Madalas ring napapadako ang tingin ko sa bisitang si Phoebe. Kaibigan ang pagpapakilala ni Geoff sa babae. Bagaman hindi niya pa ito girlfriend, hindi naman makakailang natitipuhan siya ni Geoff. A special one.

"Ang sarap naman ng luto mo, tita." Puri ni Phoebe sa gitna ng hapunan. "Mukhang masisira ang diet ko dito."

Mukhang walang pagpapanggap sa pagpuri ni Phoebe dahil kita rin naman talaga na sarap na sarap siya sa luto ko. Wala nga lang akong lakas na sabihing ako talaga ang nagluto... at mukhang 'di ko na rin 'yon kailangan pang sabihin nang marinig kong tumikhim si Georgina.

"Actually, hindi si mommy ang nagluto. Si ate Jade." Sabat ni George na maluwang ang ngiting binibigay sa'kin para simpleng iparating na sa panig ko siya.

"Oh." Sambit ni Phoebe na bumaling sa'kin na malapad rin ang ngiti. "Kung ganoon, magpapasalamat na ako ngayon palang sa'yo, Jade. Tiyak mabubugsog kasi ako nito."

Ngiti lang ang nagawa kong isukli sa kanya.

"You know what," muling saad ni Phoebe na iniisip kong masyadong nag-eefort sa pakikipaglapit sa bawat isa sa amin. "Masaya siguro dito sa bahay niyo lalo na't puro kayo babae. Too bad para kay Geoff, he's the only man... walang kabonding."

Mukhang wala siyang ideya na hindi ako kabilang sa pamilyang kakikilala lang niya. At mukhang mas lalong wala siyang ideya na Ex lang naman ako ng lalaking nagugustuhan niya.

"Tama ka nga, iba talaga girl-bonding naming tatlo. We're inseparable nga eh. At never kong ipagpapalit si ate Jade kahit kanino." Sagot ni Georgina kay Phoebe, saka lumingon kay Geoff. "Right kuya?"

Sumama ang tingin ni Geoff sa kapatid niya para sabihing tumahimik na lang. Gusto ko man ang pag-asta ni Georgina pero alam kong nalalagay naman ako sa alanganin pagdating sa mata ni Geoff.

"Wow. That's awesome." Balik ni Phoebe na hindi maramdaman ang tension sa hapag-kaininan. "Parang gusto ko rin tuloy makisali sa girl-bonding niyo, if you would allow me."

"Hindi pwe-"

"George!" maagap na pag-awat ni Geoff sa matabil na dila ng kapatid. Sadyang prangka at suplada si Georgina, pero hindi siya naging maldita sa'kin noon kahit noong unang pinakilala ako sa pamilya ni Geoff.

"Oo naman. Bakit naman hindi." Singit ni tita Angie para mapagtakpan na rin ang pinakikitang kagaspangan ng sariling anak.

Nagpatuloy ang hapunan at ganoon na rin ang pagbibida ni Phoebe habang wala na rin akong ginawang pagsasalita. Ayokong dumagdag pa sa rason ng pagiging bad mood ni Geoff. Alam ko ang lugar ko ngayon, isang extra.

Nagpaalam din agad si Geoff matapos ang hapunan na ihahatid niya pauwi si Phoebe. Parang dinaganan na naman ang dibdib ko sa mga oras na 'yon. Parang kailan lang kasi, ako ang hinahatid-sundo niya...

"George, Tita... mauna na rin po ako." paalam ko sa kanila matapos lang na makaalis ng dalawa. Alam kong pumayag ako sa kanila na matutulog ako dito sa bahay nila, pero matapos ang nangyaring pagsulpot ni Geoff, mukhang hindi na dapat.

"No. Hindi kita hahayaan." Agad na sagot ni tita na may pag-iling. "Gabi na. Baka kung ano pang mangyari sa'yo. Dito kana matulog."

"Pero si Geoff. Baka-"

"Don't worry about him. Bisita kita. At ako ang nagpatuloy sa'yo dito. Kung magagalit siya sa'yo, ako ang makakalaban niya."

Wala na rin akong nagawa nang pinagpilitan ni tita ang gusto niya. Sa kwarto ako ni George natulog tulad rin ng dati na kami pa ni Geoff. Mahaba-habang kwentuhan din ang pinagsaluhan namin ni George bago kami dinalaw ng antok.

Kinaumagahan, maaga akong nagising. Plano ko rin kasing umalis ng maaga ng bahay na hindi nakikita ni Geoff. Pero mukhang mali ang naging diskarte ko nang eksaktong makasalubong ko siya na kagigising rin lang tulad ko.

Nagulat siya nang makita ko. Mukhang hindi na naman niya inaasahan na nakitulog pa talaga ako sa mismong bahay niya.

"Jade, Bakit ka ba nandito?! Ano na naman ba 'to?"

Nababanaagan ko ng inis ang tono niya na hindi ko naman masisisi. Iniisip siguro niyang nandito ako para ipagsiksikan ko ulit ang sarili kong makipagbalikan sa kanya na siyang ginawa ko noong unang buwan matapos siyang makipaghiwalay sa'kin. Naging possessive ex ako noon na parang hindi mabubuhay na wala siya. Halos masakal siya sa'kin noong panahong naghahabol ako sa kanya na makipagbalikan siya sa'kin.

"A-alam kong hindi dapat ako nandito. Pero maniwala ka, wala akong ibang intensiyon. Di ko rin naman inaasahan 'yong kagabi na uuwi ka at..."

Di ko madugtungan ang sasabihin ko tungkol sa pagpapakilala niya kay Phoebe.

"Look, Jade... Tapos na tayo. Sana naman malinaw na sayo-"

"Alam ko. Malinaw na sa'kin ang bagay na 'yon." Biglaang sabi ko para isalba ang natitirang pride ko. Hindi naman ako tanga para ipagsiksikan ko pa ang sarili ko lalo na't alam kong may bago na siya. Kahit sabihing hindi pa niya girlfriend si Phoebe, parang ganoon na rin 'yon.

"Kung ganoon, ba't nandito ka?"

"Pinagbigyan ko lang si tita at George. At tulad nila, namimiss ko rin silang dalawa." Pag-aamin ko na alam kong paniniwalaan niya dahil alam naman niya kung gaano na sila napalapit sa'kin na itinuring na akong kapamilya.

"Pwede bang huwag mo akong pagbawalan na makita sila." Pakiusap ko sa kanya bago pa man niya ako maunahan. "Alam kong wala na akong papel sa buhay mo pero, napamahal na sila sa'kin. Pwede ba?"

Sinalubong ko ang bawat tingin ni Geoff para iparamdam sa kanya ang sinseridad ko. Ayokong maputol ang koneksyon ko sa pamilya niya... Ang tanging bagay na nag-uugnay na lang sa'min ngayon.

Bumalik na rin sa pagiging mahinahon ang mukha ni Geoff. "Just make sure na wala kang gagawing bagay na hindi ko magugustuhan."





©POPLE


EX to the Nth PowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon