Chapter 10
Malalim na ang gabi pero 'di ko pa magawang makatulog dahil sa tuwing tinatangka ko naaalala ko ang sinabi sa'kin kanina ni Kean bago siya umalis... "Huwag ka munang matutulog, Jade. Maya-maya lang, may bisita kang darating..."
Kahit itanggi ko pa sa sarili ko, alam ko kung anong ibig sabihin ng sinabi niyang 'yon. Darating si Geoff.
Umiling ako ng ilang ulit. Hindi. Kung darating siya, sana kanina pa. Limang oras na ang nakalipas pero wala pa rin. Parang gusto ko tuloy upakan si Kean kapag nakita ko siya ulit. Siya ang may kasalanan kung bakit ako umaasa ngayon sa bagay na hindi na mangyayari. Hindi na kami magkakabalikan. Wala na siyang nararamdaman para sa'kin. Pinaglalaruan lang ako ni Kean na sadyang maloko sa lahat ng bagay, at heto naman akong si tanga na naniwala sa estratehiya niyang magkabalikan kami.
Habang tinititigan ko ang malaking orasan na nagsasabing lagpas hating-gabi na, unti-unting lumabo ang paningin ko na gawa ng mga luhang nagsusulputan sa mata ko. Napaiyak na lang ako.
Pinayagan ko ang sarili kong umiyak ng umiyak para mapakawala ang sakit na nararamdaman ko. Binuhos ko ang lahat hanggang sa mapagod ako, hanggang sa maubos ang luha ko, hanggang sa 'di ko namalayang nakatulog na pala ako...
Sunod-sunod na malakas na ingay ang nagpadilat sa mga mata ko sa kalagitnaan ng pagka-idlip ko. Hirap ako sa una na matukoy kung anong ingay na 'yon dahil sa puyat at bahagyang hilong nararamdaman ko.
Nagpatuloy ang ingay sa labas na napagtanto kong malalakas na katok pala 'yon mula sa pinto ng apartment. Hirap man akong bumangon, pinilit ko dahil baka emergency tulad ng sunog o kung ano pa man lalo na't mag-aalas tres na ng madaling araw.
"G-Geoff?" gulat na sambit ko nang siya ang mapagbuksan ko. Wala sa'kin ang tingin niya kundi sa loob na parang may hinahanap.
Hindi ko pa man nagagawang yayain siya sa loob, pumasok na siya na muling ginalugad ang tingin sa halos bawat sulok na maaabot ng tingin niya. "Mag-isa ka na lang ngayon dito?"
Ramdam ko ang titig ni Geoff na naghihintay ng sagot ko. Nang hindi ako agarang nakasagot, naalarma siya't lumakad papunta sa kwarto na mukhang para icheck... pero bago pa man siya makalapit, humarang ako sa dadaanan niya.
"Bakit ba?" pagtatanong ko sa ikinikilos niya kahit na may ideya ako kung bakit. Sadyang ayoko lang munang umasa ulit.
"May tinatago ka ba?" mapagsuspetsang tanong niya dahil sa pagharang na ginagawa ko. "Huwag mong sabihing nandiyan si Kean?"
Para akong nabuhayan ng loob sa naririnig ko mula sa kanya. Gumana ba talaga ang estratehiya ni Kean? Nagseselos ba si Geoff?
Kumilos siya para alamin ang sagot sa sarili niyang tanong. Hindi ko na siya napigilan sa pagpasok niya sa kwarto. Nang wala siyang nakitang kahit sino, humarap siya sa'kin. "Bakit siya pumunta dito? Anong ginawa niya?"
"Pumunta lang naman siya dito para... para..." Di ko matapos ang sasabihin ko dahil 'di ko rin naman alam kung anong idudugtong ko. Ano nga ba ang isasagot ko sa kanya?
"Para ano?" naiinip na sita niya na mababakasan ng pagkairita sa kung ano mang iniisip niyang pwedeng sagot sa tanong niya.
"Wala." Tanging tugon ko na walang maidahilan. "Ikaw? Bakit ka nandito?"
Siya naman itong natigilan na parang ayaw sagutin ang tanong ko.
Muli akong nagsalita. "Geoff, bakit ka nandito? Pwede bang sagutin mo ang tanong ko?"
Sa halip na sumagot, tinalikuran niya ako na akmang aalis. "Uuwi na ako. Bumalik ka na sa pagtulog."
Napa-uwang ang bibig ko. "Wala ka man lang bang sasabihin? Ganoon na lang ba na walang dahilan ang biglaang pagsulpot mo dito ng alas tres ng umaga? Geoff naman..."
"Hindi na dapat ako pumunta pa dito."
Parang umusok ang ilong ko sa galit sa narinig ko hanggang sa tuluyan na ako nawalan ng kontrol sa sarili ko. "Nagseselos ka diba? Selos ang dahilan kung bakit ka nandito... diba?"
Napapalunok ako habang hinihintay siyang magsalita. Wala akong ibang gustong marinig sa kanya kundi ang pag-amin niya... dahil kung may nararamdaman siyang kahit katiting na selos, nangangahulugan rin 'yong...
"May girlfriend na ako, Jade." Mahinang sabi niya na parang halos bulong na lang.
Biglang parang nanghina ang tuhod ko sa sinabi niya. Kung ganoon sinagot na siya ni Phoebe.
Iniwas ko ang tingin ko sa kanya at binaling ko sa nakabukas na pinto. "Tama ka, hindi ka na dapat pang pumunta dito."
©POPLE
BINABASA MO ANG
EX to the Nth Power
Короткий рассказHiwalay na si Jade kay Geoff. Ex na lang niya ito. Pero hindi sa paningin ng ina at kapatid nito. Kaya kahit anong pilit niyang magmove-on, nahihirapan siya dahil sa koneksyong hindi maputol-putol sa pamilya nito na sila na mismo ang gumagawa ng par...