5 / 1 / 2016

9 1 1
                                    

Araw ng Paggawa

Ng mga manggagawa

Kumakayod hanggang magdamagan

Walang tulugan kung kinakailangan


Umagang naging gabi, gabing naging umaga

Ugaling ating nakikita sa kanila tuwina

Mga bisig at binting pinatatag ng panahon

Para sa kinabukasan, sa kahirapan ay makabangon


Ngunit minsan nakakalungkot isipin

At kadalasa'y nakakainis na rin

Sa kabila ng pagod, pagbayad ng buwis,

Pag-alay ng serbisyo, perwisyo ang kapalit?


Uuwi rito sa Perlas ng Silanganan

Galing sa ibang bansa, trabaho'y sandaling nilisan

Makakapiling na ang pamilya, isasalubong sa kanya

Malaking abala, bagahe niya pala'y tinamnan ng bala


Dati naman, habang nagpapakapagod

Pinupuno ang kahon ng mga pasalubong

Laman ay sakripisyo at pagmamahal

Pagdating dito, 'di kaano-ano ang nagkalkal


Dito rin sa bansa, may mga bayani

Kapayapaan at proteksyon, pinapanatili

Kaya nga lang, mayroong problema

Mga gamit nila, luma't minsa'y may diperensya


Mayroon din tayong mga matatalinong tagapagturo

Tagalinang ng kaisipan, tagabuo ng pagkatao

Nakakabilib ang kanilang diskarte sa pagtuturo

Ang mga klase nila minsan, nasa ilalim ng puno


Nagtuturo pa rin kahit kulang ang mga libro

Ang kanilang mga mag-aaral, sa sahig nakaupo

Naging faculty pa ang kanilang banyo

Pero tuloy pa rin ang kanilang serbisyo


Ilan lang yan sa mga katotohanan

Ang ating bansa, kaliwa't kanan ang kulang

Sa kabila nito, tungkulin nila'y ginagampanan

Para sa pamilya, sa bansa, at sa kinabukasan


Ngunit sana 'wag nating abusuhin

Ang kanilang paglilingkod para sa atin

Respeto at karapatan, 'wag ipagkait

Simple lang naman 'yan, ibigay na nating kapalit


Ang araw na ito, ibigay na natin sa kanila

Makapagpahinga kahit pansamantala

Ang mga magulang mo, samahan mo muna

Ilibre mo sila kahit fishball lang sa plaza

Bigyan Mo ng Title ang TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon