Noong bata ako napapaisip ako
Bakit kaya dumidilim ang kalangitan
Sabay buhos ng malamig na ulan
Na nagdadala ng ginaw sa'kin kalamnan
Siguro dahil katulad lang natin ang langit
Nagdadala rin ng hinanakit
Gamit ang araw, tinatago niyang pilit
Sa likod ng liwanag, may tinatagong sakit
Parang tayo ring mga tao
Mahilig magbalatkayo
Laging sasabihing ayos lang tayo
Pero ang totoo, puso ay nagmumugto
Pero buti pa ang langit nagpapakatotoo
Lungkot at galit, minsanang binubuhos
Para malaman ng buong mundo
"Tama na hoy, napapagod din ako"
"Nakakapagod magbigay ng liwanag
Kaya ang lungkot ko hindi maaninag
Nakakapagod magmukhang lagi kang masaya
Kung ang puso mo'y hapong-hapo na"
Parehas lang rin pala kami ng kalangitan
Marami na ring mga pinagdaanan
May saya, lungkot, iyak, at tawanan
Mga pangungutyang hindi na mabilang
Pero hindi tulad ng nasa itaas
Na magbubuhos ng ulang pagkalakas-lakas
Na magbibigay-buhay sa lupang tigang
Na magbibigay-lamig sa hapong katawan
Katulad ako ng isang bulkan
Na biglang sasabog ng 'di nalalaman
Sa loob iipunin lahat ng galit
Lungkot, kawalan ng pag-ibig, lahat ng sakit
Ngayon alam ko na kung bakit
Hindi tayo katulad ng langit
Dahil gusto natin tayo'y manahimik
Kasya naman sa iba'y makasakit
BINABASA MO ANG
Bigyan Mo ng Title ang Tula
RandomMga tulang hinugot ng isang simpleng tao sa kanyang malikot na kaisipan kung saan pinagsama-sama ang tamis ng realidad, pait ng pantasya, at sampal ng kanyang mundong ginagalawan. Samahan pa ng kanyang mga kaunting karanasan, mga hugot, mga kabaliwa...