Trabaho, kayod, uuwing pagod
Daing mo sa'kin tuwing magkikita tayo
Maghapong pagtuturo, malayo pa ang biyahe mo
Kaya pag-uwi, ang nais ay matulog
Kapag nagkakatagpo tayo pagkatapos ko sa klase
Ang iyong mukha, may gustong imensahe
Sa kabila ng hapo sa iyong mga mata
Ninais mo pa ring tayo ay magkita
Tagtag ang katawan sa mahabang biyahe
Pagod ka na agad bago ka pa makapagklase
Tapos uuwi kang walang madadatnan
Walang sasalubong ni pagkain sa hapag kainan
Minsan nga sa sobrang kayod mo nagtatampo na ako
Hindi lang dahil sa hindi mo na ako naaasikaso
Pero dahil nakakalimutan mo na ang sarili mo
Para sa ikakabuhay niyo ng mga kapatid mo
Nakakalimutan mo na ang salamin mo sa mata
Pati kalusugan mo'y unti-unting nagkakadipirensya
Ayos na'ng makalimutan mo ang anibersaryo nating dalawa
Kaysa naman maging sakitin ka kapag tayo'y nagsama na
Sa totoo lang naiinis ako sa tatay mo noong iniwan kayo
Matapos ng ilang buwan ng paglisan ng nanay mo sa mundo
Tumakas sa problema, biglang parang bula ay naglaho
Responsibilidad niya, biglang iniwan sa'yo
Ang dami nang nangyari pagkatapos niyon
Iba't-ibang pagsubok na ang binato ng panahon
Nakita ko ang sakripisyo mo sa bawat sitwasyon
At naging matibay ka hanggang sa ngayon
Tapos ngayon babalik siyang parang walang nangyari
"Malaya ka na" sa iyo'y ayan ang sinabi
Sa mga kapatid mo'y siya na ang bahala
Alam kong hindi ka papayag dahil kilala na kita
Nasaan siya noong kailangan niyo siya?
Nagpapakasaya sa piling ng ibang pamilya?
Ngayon babalik siyang may binibitiwang pangako
Maibibigay daw niya ang gusto ng mga kapatid mo
Sige, gawin niya na ang hangad niya sa mga kapatid mo
Pero hayaan niya rin ang magiging desisyon mo
Tandaan mo, nandito lang ako palagi sa likod mo
Kahit na minsa'y nagtatampo, ako'y susuporta sa gusto mo
Pero sana'y hindi makalimutan ng ka-edad ko ang pagkalma mo sa kanya
Sana'y hindi malimot ng bunso ang isang libong binigay mo sa kanya
Sana'y hindi mabura sa pangalawa ang malasakit mo sa kanya
Sana'y laging maalala ng pangatlo ang mga sakripisyo mo para sa kanila
Sabihin na nating pinakamatanda ka lang sa inyong lima
Panganay ka lamang sa mga mata ng kinilala mong ama
Pero mahal ko, mas ayos na nasa pangangalaga mo sila
Dahil alam kong sa mata ng madla, ikaw ang mas mabuting ama
BINABASA MO ANG
Bigyan Mo ng Title ang Tula
RandomMga tulang hinugot ng isang simpleng tao sa kanyang malikot na kaisipan kung saan pinagsama-sama ang tamis ng realidad, pait ng pantasya, at sampal ng kanyang mundong ginagalawan. Samahan pa ng kanyang mga kaunting karanasan, mga hugot, mga kabaliwa...