Chapter 6 - Parusa at ang ilang kabanata ng nobela

123 1 0
                                    

Sinunod ng binata ang payo ng kaibigan at kasintahan. Subalit, kahit maganda at maayos ang kanyang pahinga ay manaka-naka siyang sinusumpong ng pananakit ng ulo at pagsusuka.

Kung kaya, binagabag siya ng kakatwang nararamdaman na sumusumpong. Halos araw-araw iyon at napakasakit ng nararamdaman niya kapag nananakit ang kanyang ulo.

Napansin ni Omad ang pagiging matamlay, maputla, ngarag na hitsura ng binata. Kung kaya pinayuhan  niya ito na magpa-konsulta sa manggagamot. Nagpasama si Axel sa kaibigan sa isang klinika sa Sime Derby Medical Centre sila nagpatingin.

Isang babaeng espesyalista ang tumingin sa binata tungkol sa mga nararamdaman nito sa nakalipas na isa’t kalahating buwan.

Sinabi ng binata na pasumpong-sumpong ang pananakit ng kanyang ulo, pagsusuka, pagkaduling ng paningin, nawawalan minsan ng balance, hirap lumulon,panghihina ng mga kalamnan sa kamay at paa kung kaya nahihirapan minsang maglakad, pakiramdam ay laging pagod, at nagiging antukin.

Nang matapos suriin ang binata ay inihayag ng doctor na maaaring mayroon siyang Ependymoma o kaya Medulloblastoma na kung saan ay mayroon siyang tumor sa utak. Pero, mas sinusugan ng neurologist na mas malapit sa sakit na primitive neuroectordermal tumor (PNET) ang karamdaman ni Axel.

Nanghina si Axel nang marinig ang pahayag ng doktor. Parang nawalan ng panimbang ang binata sa nalaman na mayroon pala siyang malalang sakit na maaari niyang ikamatay kung sakali.

Na kung di maaagapan at magagamot agad ay magkakaroon ng tubig ang kanyang utak at maaaring kumalat sa kanyang spinal cord.

Inalo ni Omad ang binata na bahagyang namutla at lalong nanamlay. Sinabi ni Omad na huwag mawalan ng pag-asa. Lahat ng problema ay may solusyon. Ang mga karamdaman aniya ay may katapat na lunas.

Tinanong ng binata sa doktor kung ano ang lunas sa kanyang karamdaman. Malulunasan aniya ang tumor sa pamamagitan ng surgery o dili kaya’y ng chemotheraphy. Maaari ring daanin an iya sa radiation ng utak at spine.

Pumanatag si Axel sa narinig. May lunas pala sa kanyang karamdaman. Mabuti na lamang at hindi pa malignant ang kanyang tumor at maari pang maagapan.

Ipinakita sa binata ang scan ng kanyang brain tumor na halos kasinlaki ng buto ng atis. Ang ipinagtataka niya lalang ay kung papaano siya nagkaroon ng matinding sakit gayung malusog naman siyang tingnan. Pakiwari niya, baka sa paggamit niya ng ipinagbabawal na gamot, pakikipagtalik, masyadong expose sa kemikal sa kanilang palimbagan. O dili kaya’y parusa ng Diyos sa kanyang mga nagawang kasalanan.

Kung parusa nga ng Diyos, bakit ngayon pa raw kung kailan nagbabagong buhay na siya at nagmamahal ng wagas. Kung kalian nahanap na niya ang kanyang sarili at ang babaeng magpapaligaya sakanyang buhay.

“Pare, ilihim mo itong karamdaman ko. Huwag na huwag mong sasabihin kay Chahaya. Di bale, magpapagamot na naman din ako,” pagsusumamo ni Axel sa kaibigan. Nangako si Omad na ililihim ang karamdaman ng binata.

Nagpasya na rin ang binata na sumailalim sa chemotherapy session at isang round ng radiation sa susunod na dalawang linggo. Hihingi pa kasi siya ng budget sa kanyang mga magulang. Malaking halaga ang gugugulin sa chemo session niya.

 Tinawagan ni Axel ang kanyang mommy na padalhan siya ng kaukulang salapi dahil kailangan na kailangan niya.

Nagtataka naman ang kanyang ina kung bakit palaki ng palaki ang hinihingi  niyang allowance. Nagdududa na tuloy ito.

“ Baka kung anu-anong kalokohan ang pinaggagawa mo dyan, Axel? Kapapadala ko lang sa iyo ng P30,000 nung isang linggo ‘a! Inuusisa na nga ako ng daddy mo at mga kapatid mo. Kinukonsenti raw kita. Ano ba talaga ang ginagawa mo dyan, anak?” alalang tanong ng mommy ni Axel.

“ Pasensiya na po kayo, mom! Kailangan ko lang talaga. Kaya nga po kayo ang tinawagan ko dahil alam kong pagbibigyan nyo po ako. Huwag nyo nang ipapa-alam kay daddy at sa mga kapatid ko ang hinihingi ko. Wala po akong ginagawang kalokohan dito sa Malaysia. Tinatapos ko lang po ang nobela ko.”

“ O siya. Magkano ba ang kailangan mo?”

“ Mga P50,000 po sana. May ipon pa naman po ako.”

“ Ha? Ang laking halaga niyan,anak! Nagtataka na nga ang daddy mo kung bakit nababawasan ang pera sa vault.”

“ Sige na po, mom. Please. Baka sa susunod po ‘e pamasahe ko na pauwi ang hihingin ko,” paglalambing ni Axel sa kanyang mommy.

“ Sige na nga. Ba’t namamaos na namamalat ‘yang boses mo? Maysakit ka ba?” tanong ni mommy ni Axel.

“ Wala ‘to, mom! Puyat lang po. Asahan ko po bukas ang padala nyo ha. Love you, mom,” lambing na paalam ng binata sa ina. Kinabukasan, umaga pa lang ay nakuha na ng binata ang perang padala sa isang money transfer branch. Nagtungo agad siya sa botika at binili ang mga gamot na lunas sa kanyang pananakit ng ulo’t pagkahilo na nireseta sa kanya ng doktora.

Pagkatapos ay bumalik agad siya sa inuupahang bahay at nagpahinga dahil pakiramdam niya ay antok na antok siya. Alas nueve y medya ng umaga iyon.

Nang sumapit ang alas onse ymedya ng umaga ay nagising ang binata. Nagtimpla ng kape. Nagprito ng ham at tinapa. Nagluto rin siya ng sinangag sa kabilang kalan. Saging at salad ang kanyang inihandang panghimagas at nagtimpla rin ng orange juice. Habang nagluluto siya ay nakaramdaman siya ng double vision at nahihilo. Nagsuka din siya sa lababo.

Narinig naman ni Omad na nasa hardin lang ng mga sandaling iyon habang nagdidilig ng mga bulaklak ang kalabog sa bahay ni tinutuluyan ng binata. Itinigil muna sandali ni Omad ang ginagawa at hangos na dumako sa tinutuluyan ng binata. Nadatnan ni Omad na nakahandusay si Axel sa ilalim ng mesa. Naninginginig ang buong katawan. Natapunan pa ng niluluto niyang sinangag.

Inalalayang makatayo ni Omad ang kaibigan. Pinaupo at pinasandal sa sopa sa sala. Sinabihan ni Omad ang binata na magpahinga na lang muna at siya na ang magpapatuloy ng pagluluto.

“ Okay, you may take rest. I’ll continue to cook fried rice,” ani Omad na nginitian ang nananamlay na binata.

Bahagyang ipinikit ni Axel ang mga mata. Umiikot ang kanyang diwa... ang kanyang kalamayan. Natatakot siya sa maaaring mangyari. Hindi dahil sa nanganganib ang kanyang kalusugan... ang kanyang buhay. Kundi, natatakot siyang mawalay kay Chahaya.

Hangga’t maaari’y ayaw niyang malaman nito ang kanyang karamdaman. Napapansin kasi ng dalaga nitong nakalipas na mga araw na matamlay siya at nangangayayat. Medyo nalalagas at numinipis na ang kanyang buhok. Dahilan niya ay stressed lang daw siya.

Napansin din ng batang si Tera na nagsuka siya at namumutla nang minsang namasyal sila sa Sun Way Lagoon. Parang Enchanted Kingdom sa Sta. Rosa, Laguna ang siste ng naturang pasyalan.

Sandaling umidlip siya at pagkagising ay maayos na ang kanyang pakiramdam. Niyaya agad siyang kumain ni Omad at inalalayang lumakad patungo sa mesa. Pakiramdam ng binata, parang lasing siya at nahihirapang ihakbang ang mga paa. Pero, mabuti-buti na ang pakiramdam niya sa bandang ulo. Hindi na siya nahihilo.

Kumain siya ng marami. Pinagsabay na niya ang almusal at tanghalian. Niyaya niya si Omad at nagpaunlak naman ito. Pagkatapos kumain ay uminom siya ng gamot.

Tinawagan niya si Chahaya na hindi siya makakapasyal sa bahay ng dalaga dahil masama ang kanyang pakiramdam. Naiintindihan ng dalaga iyon at nagsabing ito na lang ang papasyal sa bahay na tinutuluyan niya. Pumayag ang binata.

Si Omad na ang nagligpit ng kanilang pinagkainan at naghugas ng pinggan at kubyertos. Habang nakaupo sa mesa’y binuksan ni Exal ang kanyang lap top at binuksan ang isang file. File iyon ng ginagawa niyang nobela. Bale chapter 6 to 7 na ang kanyang natatapos at sisimulan na niya ang chapter 8. Tumipa siya.

Pinilit niyang tapusin ang ikawalong kabanata na tungkol sa kanilang pamamasyal nina Chahaya sa Sun Way Lagoon. Sa naturang pook ay nangako siya sa dalaga na bibigyan niya ito ng puhunan upang makapagsimula ng isang negosyo kasama ang kaibigan ni Chahaya. Nangako rin siya na si Chahaya na ang babaeng iibigin niya habangbuhay. Sa loob ng isang oras na pagta-tayp ay natapos ni Axel ang Chapter 8 ng nobela niya na hindi pa nalalagyan ng pamagat.

Ang sumunod niyang ginawa ay in-edit ang bawat chapter ng nobela at nilagyan ng kaukulang larawan batay sa akmang kabanata nito.

MEMORIES IN SUBANG JAYATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon