"Next week na yung final guesting niyo. After nun, tapos na ang pagpapanggap niyo." Masayang sabi ni Ms. Joy sa amin.
Tiningan ko naman si Thomas pero hindi ko mabasa kung masaya ba siya o malungkot na malapit nang matapos ang pagpapanggap na 'to.
"Yes! Finally!" Kunwari masaya kong sabi, tiningnan naman ako ni Thomas at ngumiti. Ano kayang iniisip nito?
Bigla namang nag-ring yung phone niya at sinagot niya 'to mismo sa harap namin ni Ms. Joy.
"Yes baby? Oh sure sige, I'll be there in 15 minutes."
Wow! Lakas naman! Nag-lalatch pa ba yan para tawagin mong baby? Kaimbyerna! Teka nga Ara, bakit ka ba ganyan? Hindi ka nagseselos okay, naiinis ka lang.
"Ms. Joy I'll go ahead, sunduin ko pa po si Arra." Sabi niya sabay tayo. "Uy una na ako." sabi naman niya sa akin tsaka naglakad palabas.
So may bago na pala akong pangalan. Gaano ba kahirap para sa kanya sabihin yung Ara/Ars/Labsy?
"Ara, ayos ka lang ba?" Biglang tanong sa akin ni Ms. Joy, nagulat naman ako at narealize kong sinundan ko pala ng tingin si Thomas.
Tumago naman ako bilang sagot pero tumawa lang siya. "Ang hilig niyo talagang mga kabataan sa taguan." Nakangiting sabi niya tsaka umiling-iling.
"Ano pong ibig niyong sabihin?" Tanong ko.
"Sabihin nalang natin na may isang tao akong kilala na grabe magtago ng feelings. Minsan akala mo nakakasakit siya pero ang di alam ng marami siya talaga yung nasasaktan." Seryosong sabi niya. Mas lalo tuloy akong naguguluhan.
"Sige na Ara, umuwi ka na. Baka hinihintay ka na sa dorm."
"Sige po... Una na po ako Ms. Joy" sabi ko tsaka naglakad palabas.
Nang malapit na ako sa gate ay natanaw ko yung kotse ni Thomas, medyo nakababa yung bintana kaya kita agad sila. Mabuti nalang at walang masyadong tao dito. Nang medyo nakalapit na ako ay nakita ko sila... na naghahalikan.
Hindi ko alam pero bigla nalang tumulo yung luha ko at sumikip yung dibdib ko bago pa nila ako makita ay tumakbo na ako papalayo. Bakit ang sakit? Hindi naman dapat ganito yung nararamdaman ko pero ang sakit... ang sakit sakit. Hindi ko namalayan na nakarating na pala ako sa tapat ng dorm napaupo nalang ako sa gutter at doon umiyak.
"Uy baks, anong ginagawa mo dito?" Sita sa akin ni Carol "At bakit ka umiiyak?" Nag-aalalang tanong niya at umupo ito sa tabi ko.
Tiningnan ko naman siya. Sasabihin ko ba sa kanya? "Si Thomas..." Humikbing sabi ko. "Nakita ko sila ni Arra na naghahalikan."
Iniexpect ko na na i-cocomfort niya ako ganun naman kasi kapag may nakakita sayong umiiyak. Papatahanin ka nila nakakatawa lang na habang pinapatigil ka nila sa pag-iyak eh mas lalo ka namang naiiyak. Nakapa-ironic. Kaya hinihintay kong patahinin din ako ni Carol pero hindi niya ginawa. Nilingon ko naman siya.
"Uy, bakit umiiyak ka din?" Nagtatakang tanong ko sa kanya.
"Eh kasi umiiyak ka. Tsaka para pag may nagtanong kung bakit ka umiiyak hindi lang ikaw yung tatanungin, para din di ka mahirapang mag-explain." Sabi niya sabay pahid ng sipon.
Bigla namang dumaan si Martin at nilapitan kami ni Carol. "Anong nangyari? Bakit kayo umiiyak?" Tanong niya sa amin.
Nagkatinginan naman kami ni Carol "Wala 'to!" Sabay naming sabi at umalis na si Martin. Natawa naman kami ni Carol.
