Mabilis na nilisan ni Luna ang paaralan. Kung kahapon ay nandyan si Cyrus para hindi siya gambalain ng The Great, ngayon ay wala ang lalaki. Isa pa ay maglalakad siya tulad ng nakagawian. Sayang ang pera kung magt-tricycle pa siya.
Kumpara dati, maaga siyang makakauwi dahil kailangan niyang tingnan ang kanyang ina. Matanda ito at mahina na. Kailangang mapatingnan sa doktor pero paano iyon kung walang pera. Ang tanging bumubuhay sa kanila ay ang paminsan-minsang paglalabada ng kanyang nanay na kahit siya mismo ay tutol. Minsan ay tumutulong siya rito para mapagaan man lang ang trabaho. Buti na lang at may tanim silang gulay sa likuran ng bahay kaya nakakatipid kahit papaano.
Napailing na lang ang babae ng matapos bilangin ang pera sa kanyang pitaka. Dalawandaang piso. Iyon ang perang naipon niya sa kanyang baon. Binilisan niyang maglakad dahil mukhang uulan. Makulimlim ang langit at wala na ang haring araw.
Pumila siya sa botika at saka bumili ng gamot ng kanyang ina. Ngayon, bente pesos na lang ang natira para sa baon niya kinabukasan. Mukhang hindi siya makakakain kung walang maaaring ibaon na pagkain sa kanilang bahay.
Nakakailang hakbang pa lang niya ay bumuhos na ang malakas na ulan. Tunakbo siya at sumilong sa isang waiting shed, hindi kalayuan sa botika.
"Dapat pala ay sa botika malapit sa amin na lang ako bumili. Ang kaso'y mas mahal doon."
Napatingin siya sa kanyang itim at mumurahing relo. Sa ala sais y media nakaturo ang dalawang kamay ng orasan. Tiningnan niya ang langit na madilim na.
Umupo siya sa upuang bakal ng shed at saka yinakap ang bag. Malamig ang hangin na humahampas sa kanyang mukha at katawan. Iwinawagayway nito ang buhok niyang itim.
"Akala ko maaga ako makakauwi. Baka magalala si nanay." Napanguso ito at saka hinigpitan ang yakap sa kanyang bag. Itinaas niya ang kanyang paa dahil tumataas na ang tubig.
Isang oras bago tuluyang tumila ang ulan. Panaka-naka ang ambon ngunit tuluyang umalis sa kinauupuan si Luna upang makauwi.
Huminto siya at umakyat sa hagdan ng isang tindahan. Itinaas ang pang-ibabang damit ng kanyang PE uniform. Tiniklop ito hanggang tuhod. Tinanggal niya rin ang kanyang medyas at isinilid ito sa isang bulsa ng kanyang bag.
Kalahati ng kanyang binti ang taas ng tubig. Lumusong siya at nagsimulang maglakad sa kalsada.
Nakarinig siya ng busina ng kotse kaya tumabi siya lalo sa gilid ng kalsada.
"Sakay na, Luna." Napalingon siya sa kanyang gilid kung saan nakahinto ang isang pulang sasakyan.
Tiningnan niya ito ng matagal. "Umuwi ka na. May makakita pa sayo dito."
"Sasakay ka ba o sasakay ka?" Iritadong tanong sa kanya.
Napabuntong-hininga na lang ang babae at binuksan ang pinto ng sasakyan.
Mas mabuti na iyon dahil mas mapapadali ang pag-uwi niya sa bahay. Kahit na delikado na makasama ang lalaking nagda-drive.
Nagtama ang kanilang paningin sa salamin. Napailing ang lalaki habang pinagmamasdan siya. Bumaba ang kanyang mata sa sapatos na basa at hindi na nag-angat pa ng tingin.
"Andito na tayo."
Mabilis niyang binuksan ang pintuan. "Salamat pero hindi mo na sana ginawa. Del-delikado, m-mahal na hari." Nanginginig niyang sabi sa lalaki na siyang nakapagpangisi rito.
"Huwag mo akong pangungunahan, Luna. Alam ko ang ginagawa ko....at mas lalong alam ko ang ginagawa mo." Tiningnan siya nito ng seryoso sa mata. "Pero hindi ko pa rin alam at maintindihan kung bakit gusto mo yung ganyan."
"S-sorry." Lumunok ito bago magpatuloy. "Sige, papasok na ako. Salamat."
Bumuntong-hininga ang nasa sasakyan bago iniabot ang isang plastik. "Huwag mong tatanggihan, Luna." Mariin nitong sabi. "Aalis na ako...ingat ka."
Hinintay ni Luna na makalayo ang sasakyan hanggang sa hindi na ito makitang ng kanyang mata. Binuksan niya ang gate at nakitang nakabukas pa ang ilaw sa loob ng bahay.
Gising pa ang kanyang nanay. Tiningnan niya ang nasa laman ng plastik. Napangiti siya ng makitang dalawang order ito mula sa isang sikat na kainan. Tamang tama para sa kanilang hapunan kung wala pang naihahanda ang kanyang ina. Maari ring iinit na lang para sa kinabukasan.
Ikinabit niya ang lock ng kanilang gate at sinusian ito para maisarado.
Nahagip ng kanyang tingin ang puno di kalayuan. Kumunot ang noo niya ng makitang may gumalaw doon. Inihaba niya ang kanyang leeg dahil sa kuryosidad.
"Wala naman. Baka guni-guni ko lang." Aniya habang kinukusot ang mata.
Patalikod na siya ng nakarining siya ng tunog ng naapakang kahoy di kalayuan. Nilingon niya ito saglit at saka muling naglakad paloob ng bahay.
Kinabahan siya sa nangyari kaya minabuting huwag na lang niya ito pansinin.
Inilapag niya sa mesa ang pagkain at lumabas mula sa kusina ang kanyang nanay.
"Bakit ngayon ka lang, 'nak?"
"Umulan po habang naglalakad ako. Kumain ka na po ba?"
"Hindi pa. Hinihintay kita."
"Dapat po ay kumain ka na. Baka magkasakit ka niyan lalo." Nag-aalalang turan ng bata.
Umupo sila at kumain.
"Ano yan?" Tinuro ng matanda ang dala dala niyang plastik.
"Pagkain po. May nagbigay sa akin."
Pinanliitan siya ng mata ng kanyang ina ngunit hindi na ito nagtanong pa. "Bukas, yan na lang ang umagahan natin ha."
Tumango ang dalaga.
"Sino ang nagbigay? Kay bait naman ng taong iyon. Kaibigan mo ba?"
Muling tumango si Luna.
Kaibigan, iyon ang alam niya pero sa loob loob ay higit pa roon.....Pero ayaw niya. Ayaw niyang malaman ng iba. Nakakahiya dahil ang mahal na hari ay hindi bagay para sa kanya. Sa tulad niya.
Malayo ang kanilang agwat. Isang malaking kalawakan ang nasa kanilang gitna. Madaming tututol, madaming magagalit, madaming hahadlang.
Mas dadami ang taong mananakit sa kanya.
Mas lalo siyang pahihirapan.
At higit pa roon, madadamay ang lalaki na walang alam....sa totoo lang. Akala ng binata ay alam nito ang lahat, pero hindi. Nagkakamali ito sa inaakala.
Napailing siya sa kanyang iniisip at patagong pinunasan ang luha sa gilid ng kanyang mata.
BINABASA MO ANG
11:11
Mystère / ThrillerIsang sikretong kumakalat Isang grupo ng kabataan Isang laro Isang nakaraan At sa isang itinakdang oras May isang mamamatay Sa pagsapit ng oras na yaon ay may malagim na nangyayari . Sa pagsapit ng 11:11, wala ka ng magagawa kundi ang humiling.