Kabanata 8
Anino
Namumugto ang mata ni Luna habang nakaupo sa damuhan. Hinawakan niya ang lapida at nagsimula muling tumulo ang kanyang mga luha. Umaagos ang mga ito at tila walang pagod ang kanyang mga mata.
"Mercedes Palma. June 25, 19** - January 18, 20**. Rest in Peace."
Nangininig at mahinang basa ng dalaga sa nakasulat.
"Iha, umuwi ka na't maggagabi na. Kanina pa tapos ang libing."
"Pasensya na po sa abala...Mauna na po kayo."
"Naku! Patay ako kay Mareng Mer nito dahil pinababayaan ko ang anak niya." Napatawa ng pagak ang ale. "Pasensya na't kapos din kami, alam mo naman iyon, Luna."
"Opo. Salamat po ulit."
"O sige...Alis na ako dahil marami pa akong kailangang asikasuhin. Mag iingat ka."
Tumango ang dalaga at muling binalingan ang puntod ng ina. Masaya siya dahil hindi na mararanasan ng magulang ang hirap ng sakit nito. Hindi na ito mahihirapan pa na kumayod. Ngunit bakas pa rin sa kanya ang kalungkutan na wala na ang tanging tao na sinasandalan niya. Ang dahilan kung bakit siya nagiging matatag at malakas.
Nagsimulang pumatak ang ulan. Hindi ito alintana ng dalaga. Nanatili siyang nakaupo. Tumingala siya at pumikit. Binuksan muli ang kanyang malulungkot na mata at pinagmasdan ang kalangitan. Madilim at nagbabadya ng isang malakas na bagyo.
Umihip ang malakas na hangin. Dinama ito ni Luna. At ilang segundo lamang ay mas dumami ang patak ng tubig galing sa itaas. Hanggang sa ang kaninang ambon ay naging isang malakas na ulang sinasabayan ng kulog at kidlat.
"Inay...Mukhang nakikidalamhati rin sa akin ang panahon, 'no?" Hinawi niya ang putik na tumalsik sa lapida ng ina. "Inay...ang sakit sakit talaga."
Hilaw na ngumiti ang dalaga habang humahalo ang kanyang luha sa tubig ulan. Ulan. Parang kailan lang na bumagyo rin noon matapos niyang bumili ng gamot sa botika. Gustong gusto niyang umuwi para maibigay sa ina ang medisina. Gustong gusto niyang umuwi dahil gustong gusto niya na makita ang ina. Gusto niya ng umuwi sa piling ng kanyang ina.
Gusto niya...pero ngayo'y wala na siyang uuwian pa.
Naramdaman niya ang paghinto ng ulan sa pagdampi nito sa kanyang katawan. Nagtataka siya dahil nakikita niyang patuloy ang pagbagsak nito sa paligid. Umangat ang kanyang tingin at nakitang pinapayungan siya.
"Hindi ako naka attend."
"Okay lang."
"May ginawa lang ako...sorry."
"Okay lang."
Ilang minutong nagkaroon ng katahimikan kasabay ng paghina ng ulan.
"Let's get you home, Luna."
"Ayoko! Ayaw kong iwanan si Inay!"
"Dumalaw ka na lang bukas!"
"Ayoko! Pabayaan mo na ako, please..."
"You're soaking wet. Hindi matutuwa ang nanay mo kung makikita kang ganyan!" Nagtagpo ang kilay ng lalaki at pilit na kinakalma ang sarili.
Umiling ang dalaga. Huminto na rin ng tuluyan ang ulan.
"Magkakasakit ka..."
"Huwag mo akong pakialaman, Cyrus! Pabayaan mo nga ako!"
Isinara ng lalaki ang payong at inilapag ito sa damuhan. Kinuha niya ang basang kamay ng dalaga at hinila ito palabas ng tahimik na sementeryo.
BINABASA MO ANG
11:11
Mistério / SuspenseIsang sikretong kumakalat Isang grupo ng kabataan Isang laro Isang nakaraan At sa isang itinakdang oras May isang mamamatay Sa pagsapit ng oras na yaon ay may malagim na nangyayari . Sa pagsapit ng 11:11, wala ka ng magagawa kundi ang humiling.