"Life is a dream for the wise, a game for the fool, a comedy for the rich, a tragedy for the poor."
-Sholom Aleichem
"N...nagkakagulo na po sila doon. Inay. Ano pong gagawin natin?" tanong ni Ruth. Agad namang natigil sa paglalaro sina Helena, Jek at Cherry. Napatayo na lamang si Aling Tess.
"Aba'y tara na't puntahan na natin, hindi na pupwede ang mga ginagawa nila. Aba'y gusto yata nila tayong mamatay sa gutom!" wika ni Aling Tess habang papalapit kay Ruth at papalabas ng pinto.
"Sasama po ako." Tumayo din si Helena at tiningnan naman siya ng matanda.
"H...hindi pwede iha. Makikita nila ang aparato sa bumbunan mo. Baka madamay ka pa sa gulo doon."
"Sasama po ako," sagot muli ng dalaga, "gusto ko pong malaman kung ano ang nangyayari." Nagkatinginan na lamang sina Aling Tess at ang anak niyang si Ruth.
"Hindi ko alam kung ano ang iniisip mo pero ito...kunin mo ito at itakip sa ulo mo."
Kinuha ni Aling Tess ang balabal na nakasukbit sa balikat niya at inilagay niya iyon sa ulo ni Helena. Kapag nakita kasi siya ng mga tao sa supply station na mayroon siyang memory gene ay baka siya ang pagbuntunan ng galit ng mga bid doon. Hangga't maaari ay ayaw niya sanang palabasin muna ng bahay si Helena ngunit mukhang desidido itong makita kung ano ang nangyayari sa supply station.
"Jek, ikaw na muna ang bahala sa mga kapatid mo ha? Isara niyo ang pinto at kahit na anong mangyari, 'wag na 'wag kayong lalabas o magpapapasok nang kahit na sino," paalala ng matanda sa kanyang mga anak. Tumango lamang si Jek at agad na lumabas ng bahay ang tatlo. Suot ni Helena ang tila dumihing puting balabal ni Aling Tess habang siya ay nakaduster na lagpas hanggang tuhod ang palda.
Ganoon din si Aling Tess at si Ruth naman ay nakaitim na palda at nakaputing sando, at niyayakap lamang ng balabal na pula. May dala siyang payong dahil bumabagsak na naman ang niyebe nang mga oras na iyon. Pinapayungan niya ang kanyang ina, gayundin si Helena. Naglakad sila sa tila nagdedeliryong kapaligiran na makalat pa rin at pati ang mga tao ay nakakalat sa iba't ibang parte ng kalsada. Nag-uusap sila tungkol sa kung ano ang nangyayari ngayon sa kabilang kalsada kung saan naroon ang supply station.
"Mareng Tess..." wika ng isang babaeng papalapit sa matanda. Umiiyak ito at akmang yayakap sa kanya.
"Oh bakit napano ka?" tanong ng matanda.
"Ano nang gagawin natin? Kinukuha nila lahat ng pagkain sa supply. Wala man lang dahilan...huu...huu." Patuloy na umiyak ang babaeng iyon at niyakap na lamang ito ng matanda.
"Hindi nila iyon pwedeng gawin! Sumosobra na talaga ang mga bidder na yan!" tila galit na sambit ng matanda. Napaluha na lamang sina Ruth at si Helena ay parang nabibigla dahil sa kaguluhan sa paligid niya. Tila umiikot ang kanyang paningin at sa bawat sulok na makita niya ay may umiiyak, may natatakot at mga batang nagsisigawan.
May iba ring mga kalalakihan ang galit na galit at nagdala ng mga pamalo, kutsilyo at itak. Tila alam nila ang gulo na kahahantungan sa pagpunta sa supply station na iyon.
"Tara na, puntahan natin ang supply. Hindi na maganda ang ginagawa nilang ito. Tayo ang naghihirap at nagtatanim ng mga pagkaing iyon para may makain tayo at kukunin lang nila? Hindi! Hindi ako papayag," wika ni Aling Tess. Patuloy silang naglakad papunta sa kabilang kalye kasama ang babaeng tumatangis at nakayakap lang sa kanyang tabi.
Halos mabangga naman ang balikat ni Helena ng ilang kalalakihang nagtatakbuhan papunta sa supply. Nang makarating sila sa kanto papasok sa supply station ay agad nilang nakita ang dalawang military hover truck at ang Philippine Military na sakay nito. Sa gilid naman ng supply station ay nakita nilang kinakaladkad ng militar ang mag-asawang nagpapatakbo ng supply station. Ang supply station na iyon ay itinayo ng mga bid na taga-Antipolo at nagmistulang kanilang kaisa-isang supply ng pagkain.
BINABASA MO ANG
Philippines: Year 2300 (1st Published Filipino Sci-Fi from Wattpad)
Science FictionPhilippines: year 2300 Ang panahon kung saan ang Pilipinas ay nahahati sa tatlong paksyon na tila caste system na pamumuhay; una, ang mga bid (ang pinaka mababang uri ng pamumuhay o ang pinakamahirap). Pangalawa, ang mga commoner (middle class napam...