"Better to die fighting for freedom than be a prisoner all the days of your life."
-Bob Marley
Kalungkutan, hinagpis, pagkabigla at pagkabagot. Ito ang mababakas sa mukha ng mga sundalo at ilang katao ng New Order. Pansamantala silang namalagi sa isang liblib na bayan ng Lubao, Pampanga kung saan nagkalat din ang mga bid. Sa lugar na ito, kilala ang kanilang grupo. Isa ito sa mga lugar na pinoprotektahan nila laban sa mapang-aping sistema ng gobyerno. Maraming pamilyang bid ang nandito ngunit hindi ganoon kahirap ang kanilang buhay dahil na rin sa marami na ang maitatanim sa lugar na ito. Nakakapagpalaki rin sila ng mga alagang hayop para mapagkuhanan ng karne at iba pa.
Karamihan sa mga nandito ay mga sundalo rin ng naturang grupo. Ang iba ay nagbabantay sa lugar at ang iba naman ay sa siyudad nakadestino upang ipabatid sa gobyerno ang kanilang maling ginagawa lalo na ang sistema ng memory gene.
Napakarami nilang sugatan nang makarating sila sa bayang ito. Ang iba ay akay-akay ang ibang mga kasama. Gumawa naman ng higaan ang iba para maihiga ang mga kasamang halos duguan na at naghihingalo. Ang ibang hindi pinalad ay namatay na lang nang makarating.
Halos nanlulumo ang pinuno ng grupong iyon habang dahan-dahang naglalakad sa gitna ng isang kalye kung saan nakahiga sa gilid ang mga miyembrong naghihingalo at sinusubukang gamutin ng mga kababaihan. Madilim na sa buong paligid. Lampara na lamang at ilang mga lumang generator ang nagpapailaw sa buong lugar.
Tila karimarimarim na sitwasyon ang matutunghayan. Halos magsigawan na ang iba sa sobrang sakit ng kanilang nararamdaman. Ang iba naman ay halos hindi magkamayaw dahil kabi-kabila ang kanilang ginagamot. Ang isang babae ay halos matapon pa ang hawak na banyera na puno ng maligamgam na tubig dahil sa kamamadali.
Dahan-dahang tinanggal ng pinuno ang kanyang itim na maskara. Halos nangingitim ang gilid ng kanyang bibig dahil sa usok. Iniabot niya ang baril sa isang kasama at siya'y nagtanong.
"Wala pa ba sila?"
"Sir wala pa po, hindi pa po sila dumarating."
"Alam ni Maria ang lugar na ito, 'di ba?" tanong ng pinuno.
"Opo, dito po siya ipinanganak sa Lubao. Nagtatanong na nga rin po ang kamag-anak niya kung nasaan siya."
Tinuro ng lalaking iyon ang isang pamilya. Makikita roon ang isang matandang lalaki, matandang babae, isang batang babae, at isang binatilyo. Ang matandang babae ay halos maglupasay na sa kaiiyak at katatanong sa mga sundalong nagdaraan kung nasaan na ba ang apo niyang si Maria.
"Sir...nag-aalala lang po ako. Paano po kung namatay sila doon? Masusundan pa rin tayo ng mga militar pati na ang mga prototype," wika ng lalaki.
"Huwag kang magsalita ng tapos. Sa ugali ni Johan siguradong malalampasan nila 'yon. Hindi man siya malakas, matalino siyang bata. Ang kasama niya ring babae. Ang papaslangin dapat natin, may lakas siya na gaya ng mga prototype. Kapag pinagsama silang dalawa sigurado akong mayroong magbabago. May pag-asa pa rin ang Pilipinas," tugon naman ng pinuno.
Napayuko na lamang ang lalaki ngunit nabigyan siya ng pag-asa dahil sa mga kataga ng kanyang pinuno. Agad namang lumapit ang isang batang babae patungo sa kanila. Dala niya ang isang kuwintas ng sampagita. Ngumiti ito nang matamis at tumingin sa pinuno.
Inilapat ng pinuno ang kanyang kaliwang tuhod sa lupa na animo'y nakaluhod at isinuot ng bata ang sampagita sa leeg nito at pagkatapos ay tumakbo ang bata palayo patungo sa kanyang ina at saka tumingin ulit sa kanya. Ngumiti na lamang ang pinuno at muling tumayo.
"AYUN SILA, SIR!" sigaw ng isang sundalong nakatayo sa bubong ng dalawang palapag na lumang gusali. Tila may nakikita ito sa lente ng kanyang sniper.
Agad tumakbo ang pinuno at ang ilang mga tao papunta sa malawak na daan kung saan sila nanggaling. Tinitigan nilang mabuti ang malawak at maabong daang iyon na hinaluan na rin ng kalat-kalat na niyebe. Madilim sa daan kaya't mahirap makita kung sino ang papalapit ngunit naaaninag ng pinuno ang anino ng dalawang tao.
BINABASA MO ANG
Philippines: Year 2300 (1st Published Filipino Sci-Fi from Wattpad)
Science FictionPhilippines: year 2300 Ang panahon kung saan ang Pilipinas ay nahahati sa tatlong paksyon na tila caste system na pamumuhay; una, ang mga bid (ang pinaka mababang uri ng pamumuhay o ang pinakamahirap). Pangalawa, ang mga commoner (middle class napam...