"You either die a hero or you live long enough to see yourself become the villain."
-Harvey Dent/Two Face, The Dark Knight
Nakaupo lamang si Johan sa isang office chair sa loob ng isang kwarto, kung saan makikita ang napakaraming hologram screen na nakabukas sa kanyang harapan. Tila hinahawakan niya lamang ang kanyang ulo at hinihimas-himas ito. Unti-unti ay pinupunasan din niya ang parte ng kanyang ulo kung saan dumaplis ang balang nanggaling sa baril ni General Linford. Animo'y namomroblema din siya sa mga pangyayari sa labas. Dinig na dinig sa kwartong iyon ang mga pagsabog at kaguluhang nagaganap.
Natutunghayan niya rin mula sa mga hologram screen na iyon ang madugong bakbakang nangyayari, maging ang ilang camera na nakakabit sa paligid ng Malakanyang ay nasira na. Ang iba naman ay halos mamula na ang imaheng nakikita dahil sa dugong tumilapon dito.
Kapansin-pansin naman ang isang malaking hologram screen na nakapuwesto sa bandang kanan sa itaas nito kung saan makikita ang mga katagang:
'Memory Control Maneuver'
'Analyzing Data Sequence...'
'Transferring Data to Users...'
'Total Count: 6,278,980,426 Users'
'84% Complete'
'ET: 4 hrs - 27 mins - 42 secs'
Tila napapapikit naman ang binata sa kinauupuan habang pinapanood ang patuloy na pagbilang ng total count nito. Ito marahil ang populasyong nadetect na ng programa ng MCM. Sa reaksyon ng binata ay parang may gumugulo sa kanyang isipan. Sa loob-loob niya ay tila mayroon siyang pinagsisisihan. Mayroon din siyang inaasahang mangyari ngunit hindi naganap. Puno siya ng panghihinayang at lungkot. Mabigat ang kanyang pakiramdam at animo'y nadidismaya.
"Johan Klein? Naririnig mo ba ako?"
Isang boses ang narinig ng binata. Dahan-dahan siyang dumilat at tumingin sa isang hologram screen na nasa kanyang harapan. Nakita niya ang isang lalaking nakasalamin. Nakaitim itong longsleeves at animo'y nakangiti at nakatingin nang matalim sa kanya.
"Sino ka? Ano'ng kailangan mo?" marahang tanong naman ni Johan.
"Edward Vitore, ang inyong lingcod," sagot ng binata. Sa hitsura niya ay tila may banyaga siyang dugo katulad ni Johan. Kitang-kita rin ang pagkatuso sa ekspresyon ng kanyang mukha.
"Kung negosasyon din ang kailangan mo, 'wag kang mag-alala. Libre kang pumunta dito at harapin ang iyong kamatayan," nakangiting sagot naman ng binata.
"Katulad ng inaasahan kong sasabihin mo. Hindi ako nagkamali. Ikaw nga 'yan Johan Klein. Ang 'Subject 6,' ang pinakamataas at hinirang na pinuno ng MEMO at ng buong mundo." Tila nanlaki naman ang mga mata ni Johan sa sinabi ng kausap.
"Kumontak ako upang tulungan ka. 'Wag kang mag-alala. Lahat ng pag-uusap natin ay hindi madedetect ng kahit anong server ng iba't ibang bansa. Gumawa ako ng sariling network relay kaya hindi tayo magkakaroon ng problema," dagdag pa ng binata.
"A-anong ibig mong sabihin na pinuno ng lahat ng eksperimento ng MEMO? Bakit marami kang alam tungkol sa akin at sa MEMO?" tanong ni Johan.
"Huwag kang mag-alala. Isa akong kaibigan. Isa ako sa mga dating admin at network relayer ng MEMO. Nakatutok ang trabaho ko sa technical at storage ng bawat mahahalagang files ng kompanya, maging ang kapasidad ng programang gagamitin mo. Ang MCM ang tinutukoy ko. Ginawa ang programang 'yan para sa 'yo. Ang programa ay hindi lang para kontrolin ang buong populasyong gumagamit ng memory gene. Maging ang lahat ng eksperimento ng MEMO, puwera lang si Helena. Dahil alam mo naman kung bakit. Si Helena lang ang katangi-tanging subject ng MEMO na walang MCM program sa kanyang memory gene," sagot naman ni Edward.
BINABASA MO ANG
Philippines: Year 2300 (1st Published Filipino Sci-Fi from Wattpad)
Science FictionPhilippines: year 2300 Ang panahon kung saan ang Pilipinas ay nahahati sa tatlong paksyon na tila caste system na pamumuhay; una, ang mga bid (ang pinaka mababang uri ng pamumuhay o ang pinakamahirap). Pangalawa, ang mga commoner (middle class napam...