Chapter 14: Darkness to find Light (Kadiliman para mahanap ang Liwanag)

13K 279 85
                                    

"A revolution, woven in the dim light of mystery, has kept me from you. Another revolution will return me to your arms, bring me back to life."

-José Rizal, El Filibusterismo


*BAAG*

*BAAG*

Dalawang magkasunod na kalabog ang nagpagising kay Johan at sa iba pa. Napansin nilang tumigil ang hover truck na kanilang sinasakyan maging ang pangatlong nasa likuran ng kanilang sasakyan.

"Checkpoint, alerto kayo," wika ng driver nang buksan ang tila maliit na bintana sa likuran nito.

Agad namang humawak ng mga baril ang ilang mga sundalo sa likurang bahagi ng hover truck at itinago ito sa kanilang mga makakapal na kumot.

Mayamaya pa'y dalawang sundalong militar ang sumilip sa kanila. Nagtago naman ng mukha ang iba. Tinapik naman ni Johan si Maria.

"Magpanggap ka na ikaw ang bantay namin," wika niya.

Agad namang tinanggal ni Maria ang nakatalukbong na kumot.

"Mga bid ang mga ito, dadalhin namin sa Maynila para sa auction," wika niya.

Sumilip pa rin ang dalawang iyon. Hinatak naman ni Maria ang kumot ni Johan kasabay ang ballcap nito at nakita nilang walang memory gene ang binata.

Bahagya namang nabahala si Johan at tumagilid upang hindi siya makilala ng mga ito. Halos kinakabahan na ang lahat ng mga sundalong nasa truck maging si Helena. Kapag nagkabukuhan ay siguradong dadanak na naman ang dugo.

"Sige, clear!" sambit ng isang sundalo at lumayo na ang mga ito maging ang ilang sundalo ng militar na nagche-check din sa kabilang hover truck.

Napabuntong hininga naman ang lahat nang muling umandar ang truck.

"Bakit mo ginawa 'yon?!" inis na sambit ni Johan.

"A-ang alin?" pagtataka naman ni Maria.

"Tinanggal mo ang cap at ang kumot... paano kung nakilala nila ako? Eh 'di lalong lagot tayo!" wika ng binata.

"P-pasensiya na, kailangan kasi nila ng pruweba. Naalala ko kasi na wala kang memory gene kaya 'yong ulo mo ang pinakita ko. Nakalimutan kong wanted na nga pala kayo. Pasensya na," pagpapaumanhin naman ni Maria.

Tumahimik na lamang si Johan at muling sinuot ang cap at ang makapal na kumot.

"Hayaan mo na. Buti na lang talaga hindi ako nakilala," wika niya

"Nasaan na ba tayo?" tanong naman ni Helena.

Mapapansin ang ilang mga bid na nakapaligid at nakakalat sa kanilang dinadaanan. Payat ang pangangatawan ng mga ito at halos kamukha ng mga zombie na palakad-lakad sa kalsada. Nakapaligid sa kanila ang ilang armadong sundalo ng militar. Ang iba ay pinapaipon na lamang sa isang sulok habang nakakapit ang kanilang mga kamay sa kanilang ulo na animo'y may ginawang masama. Tila delubyo na ang maaaninag sa paligid.

"Nasa Bulacan na tayo, hindi tayo dumaan sa expressway. Mas mahigpit ang seguridad doon," sagot naman ng isang lalaking sundalo sa kanilang likuran.

Tila humahabol naman ang ibang mga batang bid sa mga sasakyang dumaraan, at nanlilimos ang mga ito ngunit binibilisan na lamang ng driver ang pagpapatakbo.

"Pasensiya na wala kaming maibibigay. Mga bid lang ang mga nandito pasensiya na," wika naman ni Maria. Agad namang nalungkot ang mga bata at lumayo na sa umaandar na sinasakyan.

Halos manlumo naman si Johan sa nakikita. Napakarumi at napakagulo ng paligid, halos sira-sira ang kalsadang dinadaanan at nagkalat ang mga bid sa paligid na naging dahilan ng pagbagal ng kanilang sinasakyan.

Philippines: Year 2300 (1st Published Filipino Sci-Fi from Wattpad)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon