Chapter 2: A New Born Memory (Isang Bagong Silang na Memorya)

34.4K 714 160
                                    

Those who do not remember the past are condemned to repeat it.

-George Santayana


Alas-siyete na ng umaga nang makita ni Aling Tess si Johan na nakatayo lamang sa harapan ng kanyang hover car at tila namomroblema.

"O, akala ko iniwan mo na 'yong kasama mo eh," wika ni Aling Tess.

"Ay, pasensiya na po, babalik din po ako sa loob. May aayusin lang po ako dito," sagot ni Johan.

"Ganoon ba?" sambit ni Aling Tess habang nakatingin kay Johan.

"Itago mo ang kotseng 'yan doon sa gilid. Baka kasi manakaw kung anuman ang nasa loob. Alam mo naman siguro kung anong klaseng mga tao ang nandito," ani Aling Tess.

"Sige po, salamat po."

Binuksan ni Johan ang hover car. Pinaandar ito nang marahan papunta sa abandonadong building na katabi lamang ng pinagparadahan niya. Napansin niyang tila may sira ang kanyang kotse dahil sa tunog at mabagal na pag-andar nito. Pinatay niya ang makina at dahan-dahan naman itong naglapat sa semento.

Binuksan niya ang pintuan ng kotse at akmang bababa. Ngunit may napansin siya sa dashboard ng kanyang kotse--- ang kanyang cellphone at ang handgun na may silencer na inagaw niya sa isa sa mga lalaki kaninang gabi lamang. Naalala niya ulit ang nangyari at hindi siya makapaniwala. Nakabaril siya ng tao at sa sarili niya ay parang nagugulumihanan siya. Marami na namang tanong sa isip niya.

Napatay niya ang lalaking iyon. Sigurado siya doon, ngunit hindi niya alam kung nakaligtas ba ang memory gene nito. Pwedeng mamatay ang pisikal na utak ng taong iyon ngunit hindi ang memorya nito lalo na at gumagamit ito ng memory gene. Pwede niya pa ring ipalipat ang kanyang memorya sa isa pang katawan kung gugustuhin niya at kung hindi natamaan ng bala ang kanyang memory gene. Ang mas malubhang mangyari ay hanapin siya nito upang maghiganti.

Ang isa pa niyang nabaril ay hindi naman siya sigurado kung tinamaan niya. Umiwas lamang kasi ito nang itinutok na ni Johan ang baril habang yakap niya ang babaeng iniligtas. Nakaramdam siya ng takot.

Kinuha niya na lamang ang kanyang cellphone at ang baril na iyon at inilagay sa kanyang bewang. Maliit lamang ang baril na iyon kaya't kasyang-kasya sa bewang niya at hindi mahahalata. Bumaba siya ng kotse at muling lumapit kay Aling Tess.

"Gising na po ba siya?" tanong ni Johan.

"Oo...gising na."

Ikinagulat ni Johan ang sinabi ng matanda. Siguradong nakita niya ang memory gene ng babae kaya't napatingin siya sa matanda.

"May itatanong ako sa iyo, iho."

Tila alam na ni Johan ang itatanong ng matanda kaya't inunahan niya na ito.

"Nakita niyo na po pala," wika ni Johan.

Nakatingin lamang ang matanda sa kanya. Hindi naman galit ang mukha nito ngunit parang maraming tanong ang nababakas sa kanyang nangungulubot nang mukha.

"Kung lalabas kayo, takpan mo na lang ang bumbunan niya," paalala ng matanda.

Nagkaroon ng kaunting pag-asa si Johan na kung sakaling makita siya ng ibang tao ay ipagtatanggol ito ni Aling Tess at siguradong hindi niya ito sasabihin kahit na kanino.

Unti-unti namang naglalabasan ang mangilan-ngilang tao mula sa kanilang mga tent. Ang iba ay nagluluto at nagsasaing na. Ang iba naman ay abala sa pag-iigib ng tubig sa pinakamalapit na gawang bukal. Ang iba ay abala sa pagpapaligo ng bata at ang iba naman sa paglalaba. Ginagawa nila ito ngunit iisa lang ang napansin ni Johan--- lahat sila ay nakatingin sa kanya.

Philippines: Year 2300 (1st Published Filipino Sci-Fi from Wattpad)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon