I

38.7K 602 12
                                        

KABANATA I

__________

NAG-AAGAW na ang liwanag at dilim noong oras na iyon. Walang kibo na bumaba si Lara mula sa pampasaherong traysikel na sinakyan nila ng kanyang Lola Caridad. Bitbit n'ya sa kanang kamay ang may kalakihang maleta na naglalaman ng kanyang mga damit at ilang personal na kagamitan mula Maynila. Pinagmasdan n'ya ang dalawang palapag na lumang bahay sa kanyang harapan. Isa iyong ancestral house ng pamilya ng kanyang yumaong ina sa isang maliit na bayan sa Bulacan.

"Lara pumasok ka na," tawag sa kanya ng kanyang Lola na noo'y nabuksan na pala ang kinakalawang na gate.

Hindi niya ito kinibo at tahimik na lamang n'ya itong sinundan patungo sa pintuan ng bahay. Nagkalat ang mga tuyong bulaklak at dahon ng naglalagas na puno ng narra sa may kalakihang bakuran. Tila isinasayaw ang mga iyon ng mahinhing hangin. Para bang may sariling buhay na nagdiriwang sa pagdating ni Lara.

"Lara," narinig niyang tawag sa kanyang pangalan. Tila boses ng isang lalaki na galing sa napakalalim na hukay. Napakalamig no'n na literal na nakapagpatayo sa kanyang mga balahibo. Mahina lamang iyon ngunit pakiramdam niya'y ibinulong sa kanyang tainga.

Napahinto siya sa paglalakad at nilinga-linga ang paligid. Walang tao. Walang kahit na ano. Dumako ang paningin n'ya sa nakabukas na bintanang gawa sa kapis sa ikalawang palapag ng bahay. Isang pulang pigura ang nahagip ng kanyang paningin ngunit bigla rin iyong naglaho na maihahambing sa alikabok na inihip ng hangin.

"Lara?" Isang malamig na kamay ang humaplos sa kanyang braso. Doon lamang siya natauhan nang salubungin n'ya ang mga mata ng kanyang Lola na kababakasan ng pag-aalala.

"May problema ba?" usisa sa kanya ni Lola Caridad.

Iling ang itinugon n'ya sa matanda.

"Ang batang 'to talaga. Mauuna na ko sa'yo at magluluto pa ko ng hapunan natin. Sumunod ka na lang sa loob ha?" saad ng kanyang Lola nang hindi manlang ito nakatikim ng kahit isang salita mula sa kanya. Kinuha pa nito ang bitbit niyang maleta at nagpatiuna na sa paglalakad.

Muli n'yang sinulyapanan ang naturang bintana ngunit tulad ng inaasahan ay walang sino man ang naroroon. Ang ipinagtataka nga lang niya ay nakasarado na iyon ngayon. Kung hindi siya nagkakamali'y nakaawang ang bahaging iyon ilang minuto lamang ang nakakalipas.

Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang nakita. Kinumbinsi n'ya ang sarili na marahil ay guni-guni at pinaglaruan lamang siya ng matamlay na mga mata. Dalawang linggo na kasi niyang pinagmaramutan ang sarili ng maayos at sapat na tulog. Hindi niya iyon maitatago dahil nasa ibaba ng kanyang mga mata ang patunay. Dagdag pa ang pamamayat ng dati'y malusog niyang katawan na ngayon nga'y litaw na litaw sa suot niyang maikling itim na bestida.

Mula noong bumigay na ang kanyang inang nakipaglaban sa sakit na kanser ay napabayaan na n'ya ang sarili. Dalawang linggo na rin mula noong sumuko na ang mahinang katawan ng kanyang ina. At sa panahong iyon ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanya. Hindi niya kinikibo ang kahit na sinuman na nagnanais na dumamay at makisimpatya sa kanyang pinagdaraanan. Ang mukha niya ay hindi kababakasan ng kahit na anong emosyon, blangko lamang ito at walang buhay.

A Demon's Touch [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon