KABANATA VI
_________
NAPAPITLAG sa kanyang kama si Lara. Dumapo ang kanyang kanang kamay sa noo at bahagya iyong minasahe. Nakaramdam siya ng pagkirot sa sentido. Biglaan ang naging pagmulat niya ng mga mata. Kasabay noon ang pagbangon niya sa kama. Tila nabuhay ang nanlalata niyang sistema nang mapagtantong naroroon siya sa kanyang silid.
"Anong nangyari?" bulong niya.
Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng kanyang silid. Ang lahat ay nasa ayos. Nang dumapo ang kanyang paningin sa sariling mga paa'y napaawang ang kanyang mga labi.
Marumi ang kanyang mga paa. Puno iyon ng putik na natuyo na sa kanyang balat.
Sa isip-isip niya'y tila nangyari na ito noon. Ang pananakit ng kanyang sentido. Ang putik na nakakapit sa kanyang mga paa.
"Ang sakit," daing niya.
Napukaw ang kanyang malalim na pag-iisip nang muling umatake ang sakit na iyon. Kaagad niya iyong minasahe hanggang sa maglaho ang sakit.
"Parang nangyari na 'to dati?" wala sa sarili niyang tanong.
Ang liwanag na tumatagos sa siwang ng bintana.
Ang tilaok ng mga manok ng kanyang Lola Caridad.
"Si Lola?" Pagkasabi niya'ng iyon ay narinig naman niya ang pagtawag ng matanda sa labas ng pintuan.
"Lara! Gising ka na ba?" may kalakasang tawag ng kanyang Lola Caridad sa labas ng pintuan. Sunod-sunod din ang pagkatok nito.
Napakagat ng kanyang labi si Lara. Ipinukol niya ang paningin sa nakasaradong pintuan. Punong-puno ng kalituhan ang kanyang mga mata. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Lahat ng nangyayari ay pamilyar sa kanya. Pamilyar na para bang nangyari na ito noon at siya namang naulit lamang.
"Pero hindi. Hindi pwedeng nangyari na 'to," pangungumbinsi niya sa sarili.
"Lara?"
Tumayo si Lara. Tinungo niya ang tokador at binuksan iyon. "Opo, La! Bababa na po ako!"
Pinagmasdan niya ang mga damit na maayos na nakasalansan sa loob ng tokador. Naagaw ng kanyang pansin ang isang lumang kamiseta. Kinuha niya iyon at saka inilantad sa kanyang harapan.
"Ito mismo...Hindi maaari," usal niya.
Umiling-iling siya. Nabitiwan niya ang hawak na kamiseta. Akma niya iyong pupulutin nang muling magsalita ang kanyang Lola.
"Sumunod ka na sa baba, ha? At may bisita ka."
Napalingon siya sa pintong nakasarado. Hindi na siya muling sumagot pa.
"Nangyari na 'to," bulong niya sa sarili. Muli niyang ibinalik ang paningin sa kama. Napapailing siya habang pinagmamasdan iyon. Sa isang sulok ng kanyang isip ay tila rumaragasa ang mga alaala.

BINABASA MO ANG
A Demon's Touch [Completed]
HorrorAng makapanindig-balahibong karanasan ni Lara, nanaisin mo ba?