KABANATA VII
_________
LUMIPAS ang mga araw. Mga araw na para kay Lara ay puno ng kasiyahan. Ang minsang pagdalaw ni Jake sa kanilang tahanan ay nasundan pa. Mabait ang binata hindi lamang sa kanya kung hindi pati kay Lola Caridad kaya naman napalagay na rin ang loob niya rito.
"Ako na ho."
Napangiti si Lara habang pinagmamasdan sa hindi kalayuan si Jake na tumutulong kay Lola Caridad na magpakain ng mga manok. Naroroon siya sa kalapit na labahan at kumukuha ng mga nakasampay na damit na kanyang nilabhan noong umagang iyon.
"Naku! H'wag na, kaya ko na 'to. Ano ka ba naman, Jake? Baka marumihan iyang damit mo," saway ni Lola Caridad.
Napakamot ulo si Jake. Hindi siya nagpasaway sa matanda. Panay ang pag-iwas niya sa hawak na latang may patuka sa mga manok upang hindi makuha ng huli.
"Kayang-kaya ko ho ito, La. Magpahinga na po kayo roon."
"Ikaw talagang bata ka, oh! O siya, ipaghahanda ko na lang kayo ni Lara ng meryenda."
"Naku! Mabubusog na naman ako nito. Baka tumaba na ko niyan. Ang sarap niyo ba naman magluto, La." Bakas sa mukha ni Jake ang kasiyahan habang hinihimas ng isa niyang kamah ang tiyan.
Tumawa ang matanda. Kasunod noon ang pagmamartsa niya patungo sa pintuan sa likod-bahay. "Hindi mo na ko kailangan pang bolahin. Bitiwan mo na 'yan, ha? Ako na ang bahala d'yan mamaya pagkabalik ko."
Umihip ang hangin sa paligid. Lumagasgas ang mga luntiang dahon ng puno ng mangga malapit sa luma at kinakalawang nang poso. Ang mga tuyo namang dahon ng narra na nagkalat sa paligid ay panay ang paggalaw na tila may sariling buhay.
"Lara..."
Napalingon si Lara sa kanyang likuran. Hindi siya sigurado pero sa palagay niya'y mayroong boses ang tumawag sa kanyang pangalan sa gawing iyon.
Walang tao. Sino nga ba naman ang mapupunta roon? Bukod sa malayo ang kapitbahay ay mataas na pader at puro mga puno lamang ang nasa likod-bahay.
Isang duyan na gawa sa lumang gulong ng sasakyan. Ang duyan na dati niyang pinaglalaruan kasama ang nakatatandang kapatid na lalaki ang malayang gumagalaw sa ilalim ng puno ng caimito. Nakuha nito ang kanyang buong atensyon. Walang tao ngunit kusa iyong dumuduyan.
Muling umihip ang hangin. Sa pagkakataong iyon ay mas malakas. Ramdam nga niya ang paghampas ng sinampay na kobre kama sa kanyang likuran. Ang ipinagtataka nga lang niya ang biglaang paghinto ng paggalaw ng naturang duyan.
"Lara..."
Tumindig ang mga balahibo ni Lara sa buo niyang katawan. Wala siyang ibang maisip kung hindi ang mukha ng demonyo sa kanyang panaginip. Sa tuwing maririnig niya ang mahina ngunit malamig na tinig na iyon ay kakaibang pakiramdam ang umuukopa sa buo niyang sistema.
BINABASA MO ANG
A Demon's Touch [Completed]
HorrorAng makapanindig-balahibong karanasan ni Lara, nanaisin mo ba?
![A Demon's Touch [Completed]](https://img.wattpad.com/cover/9601043-64-k540076.jpg)