X

13.8K 307 4
                                        

KABANATA X

__________

KINABUKASAN ay umalingawngaw sa buong kabahayan ang sigaw ni Lola Caridad. Panay ang tawag niya sa apo habang kinakalampag ang pinto ng silid nito.

"Lara! Gumising ka na d'yan. Magmadali ka!" pasigaw na tawag ni Lola Caridad sa labas ng pintuan.

Sa loob naman ng naturang silid ay ang pupungas-pungas na si Lara. Alas-nueve na ng umaga pero heto siya't antok na antok pa rin. Hindi kasi siya pinatulog ng magandang nangyari noong nakaraang gabi. Hindi niya mapigilan ang sariling balik-balikan sa kanyang isipan ang muli nilang pagkikita ni Jake. Ang pagkikitang nauwi sa pagkakabalikan at pagpapatuloy ng naudlot nilang relasyon.

"Opo, La! Palabas na po," sagot ni Lara.

Hindi na siya nag-abala pang ayusin ang pinaghigaan. Mamaya na lamang niya iyon liligpitin pagkatapos kausapin ang matanda. Sa tingin niya'y masyadong mahalaga ang pakay ni Lola Caridad sa kanya. Hindi kasi nito ugali ang gisingin siya lalo pa't mas gusto nitong mahaba ang oras ng pagtulog niya.

"Lara!"

Takang pinihit ni Lara ang hawakan ng pinto. Sumalubong sa kanya ang tila ninenerbiyos na matanda. Bakas sa ekspresyong nakapinta sa mukha nito ang pinaghalong pagkabalisa at takot. At isa pa'y palipat-lipat ang tingin nito sa kanya at sa daan patungo sa kanilang hagdanan.

"Lola, bakit po? May nangyari po ba?" nag-aalalang tanong ni Lara.

Hinawakan niya ang kamay ni Lola Caridad. Noon niya nakumpirma na mayroong masamang nangyari. Ramdam na ramdam niya panginginig at panlalamig ng mga kamay nito.

"L-Lara," pautal-utal na sabi ni Lola Caridad.

Hindi niya maituloy-tuloy ang sasabihin. Halos malaglag na nga rin ang salamin niya sa mata.

"La? Ano po ba'ng nangyari? H'wag niyo naman po akong panerbiyosin nang ganyan."

Mas lalong kinabahan si Lara. Mas lalo siyang nangamba na baka mayroon na namang nangyaring hindi kaaya-aya.

"L-Lara, halika sa labasan," sambit ni Lola Caridad. Imbes na sagutin ang tanong ng dalaga'y hinawakan niya ang braso nito't hinila pababa ng hagdanan.

Naguguluhan man ay walang nagawa si Lara kung hindi ang magpatangay sa matanda. Laking pasasalamat niya na shorts at t-shirt ang kanyang pinantulog, hindi na niya kailangan pang bumalik sa loob at magpalit ng damit.

"Lola, ano po ba talaga ang nangyari? Ano bang meron sa labasan?" tanong niya nang sa wakas ay nasa pintuan ng sala na sila.

Umiling si Lola Caridad.

Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang ikinikilos ng kanyang Lola. Kung kanina'y tila mayroon itong nakitang masama, ngayon nama'y tahimik lamang. Ang isa pa niyang ipinagtataka ay ang pag-iwas ng tingin nito habang naglalakad sila sa kanilang bakuran. Na para bang iniiwasan nito na magkasalubong ang kanilang mga mata.

A Demon's Touch [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon