V

19.5K 407 14
                                    

KABANATA V

__________

NAPAKISLOT si Lara sa kanyang kinahihigaan. Dumapo ang kanyang kanang kamay sa noo at bahagya iyong minasahe. Nakaramdam siya ng pagkirot sa sentido dahilan upang hindi muna idilat ang mga mata. Nagpatuloy lamang siya sa ginagawa hanggang sa mabawasan ang nararamdamang sakit.

"Ang sakit," daing niya.

Naghikab pa man din siya habang kinukusot ang mga mata. Iniupo na rin niya ang sarili sa gilid ng kanyang kama.

Sarado man ang mga bintana ng silid na iyon ay tumatagos naman sa maliit na siwang sa gilid nito ang liwanag na nagmumula sa labas. Ang mga tilaok ng mgaalagang tagalog na manok ni Lola Caridad sa likod bahay dinig din sa loob ng silid.

"A-Ano 'to?" tanong ni Lara sa sarili.

Napasinghap siya nang mapagmasdan ang sariling mga paa. Punong-puno iyon ng putik na natuyo na sa kanyang balat. Maliban sa marumi niyang mga paa ay wala siyang makitang mali. Ni walang sugat o gasgas.

"Putik? Paano? Saan ba ko nagpunta?" sunod-sunod na tanong ni Lara sa kanyang isip habang nakatingin sa kawalan.

Lalong nadagdagan ang pagkakakunot ng noo ng dalaga nang wala manlang siyang mapiga sa kanyang isip. Ni hindi niya maalala kung paano siya nagkaroon ng putik sa paa. Sa tanang buhay niya'y hindi pa niya hinayaan ang sariling matulog nang marumi ang katawan. Pati ang pagtulog niya sa kanyang silid ay hindi niya maalala. Sa kanyang isipan ay ang pagpapalit niya ng pantulog na damit noong alas-otso ng gabi ang huli niyang alaala. Pagkatapos noon ay wala na.

"Awww!" reklamo niya sa muling pag-atake ng kirot sa kanyang ulo. Alertong hinawakan niya iyon at itinukod ang dalawang siko sa kanyang hita.

"Lara! Gising ka na ba?" may kalakasang tawag ng kanyang Lola Caridad sa labas ng pintuan. Sunod-sunod din ang pagkatok nito.

Kaagad umayos si Lara ng upo. Hindi man maganda ang pakiramdam niya'y nagawa pa man din niyang halughugin ang kalapit na tokador.

"Lara?"

"Opo, La! Bababa na po ako!" sagot niya habang natataranta sa paghahagilap ng kahit na anong maaaring ipanlinis sa putikan niyang mga paa.

"Sumunod ka na sa baba, ha? At may bisita ka."

Napahinto sa kanyang paghahanap si Lara. Napalingon siya sa pintong nakasarado. Bakas sa mukha niya ang pagtataka nang marinig sa matanda na mayroon siyang bisita.

"Bisita? Sino po?" tanong niya.

Walang sumagot. Nahinto na rin ang pagkatok ni Lola Caridad.

"Lola?" tawag ni Lara.

Sa ikalawang pagkakataon ay wala pa ring tumugon. Nagkibit-balikat na lamang si Lara at ipinagpatuloy ang paghahanap sa tokador. Isang lumang kamiseta ang kanyang nahanap. Naupo siya sa sahig at mabilis na nilinis ang paa. Napangiwi siya sa pagpunas niya roon. Hindi niya malubos maisip na nakatulog siya ganoong kalagayan.

Nang matapos makakuha ng damit pambahay ay bumaba na si Lara. Dahan-dahan pa man din siya sa pagbaba sa hagdanan upang hindi makaagaw ng eksena. Lalo na sa bisita raw niyang hindi naman niya alam kung sino.

"Lola?" tawag ni Lara sa matanda nang tuluyang makababa.

Walang tao sa kanilang salas.

"Lola?" muli niyang tawag nang sumaglit siya sa kusina.

Ni anino ni Lola Caridad o ng kanyang bisita na tinutukoy nito'y wala rin.

Takang pumasok si Lara sa banyo. Napagdesisyunan niyang maligo muna upang maging presko ang pakiramdam. Lihim siyang nagpasalamat at naisipan niyang kumuha na ng pampalit nang sa gayon ay hindi na siya muling pumanhik sa kanyang silid.

A Demon's Touch [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon