KABANATA IX
__________
SINUNDAN lamang ni Lara ng tingin si Lola Caridad habang ito'y papalayo na papuntang kusina. Sa isip-isip niya'y alam niyang nais ng kanyang Lola na bigyan sila ni Jake ng oras na mag-usapan na sila lamang. Isang piping pasasalamat ang kanyang inilaan para sa matanda. Pasasalamat sa pag-unawa nito sa kanya sa lahat ng oras kahit pa sa usaping tulad nito. Usaping hindi ginagamitan ng bibig kung hindi ng puso.
Ilang saglit pa'y natagpuan na lamang niya ang sariling yakap-yakap na ng binata. Sa bilis ng pangyayari'y ni hindi niya namalayang nakalapit na pala ito sa kanya. At ngayon nga'y nakayakap sa kanyang likuran.
"Lara...Lara, I'm sorry, I'm sorry..." paulit-ulit na bulong ni Jake sa dalaga habang nakasubsob ang kanyang mukha sa balikat nito.
Ramdam ni Lara ang pag-init ng gilid ng kanyang mga mata. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya pinigil pa ang pagbuhos ng masagana niyang mga luha sa kanyang mga pisngi.
"J-Jake..." impit niyang sabi sa pangalan nito.
Hinaplos pa man din niya ang braso nitong nakapalupot sa kanyang beywang. God knows kung gaano siya nasabik sa yakap at presensiya ng binata.
Naghari ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Tanging ang impit na iyak ni Lara ang siyang maririnig. Hindi lihim sa kanya ang panunubig din ng mga mata ng dating nobyo. Hindi man niya marinig ang pagdaing nito'y ang ebidensiya naman ay nasa kanyang balikat. Ramdam niya roon ang bawat patak ng luhang lumalabas sa singkit na pares ng mga mata ni Jake.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagpakita ng ganoong emosyon ang binata. At ang katotohanang dahil sa kanya ang pagtangis nito'y parang pinipiga ang kanyang puso. Mahal na mahal niya si Jake. Kahit sino man siguro na nagmamahal ay hindi nanaising maging dahilan ng pagluha ng taong idinadambana sa puso nito.
Ilang minuto rin silang magkayakap nang kusang humiwalay si Lara. Marahan niyang inialis ang dalawang braso ng lalaki sa kanyang katawan at humarap dito. Nahuli pa niya itong nag-iwas ng tingin at nagpunas ng luha sa mga mata.
"Jake, nandito ka na nga talaga," sambit ni Lara.
Hinaplos niya ang kanang pisngi ng binata at pinunasan ang mamasa-masang pisngi nito. Hindi niya napigilang mapangiti nang mas lalo pang nag-iwas ito ng tingin na para bang ayaw ipakita ang mapupula nitong mga mata.
Sumimangaot si Jake. Alam niya ang dahilan ng pagngiti ni Lara. Ito ang kauna-unanahang beses na umiyak siya sa harapan ng ibang tao. Isang bagay na bihirang gawin ng isang lalaki.
Kinuha niya ang kamay ng dalagang yumayapos sa kanyang pisngi. Dinala niya iyon sa tapat ng kanyang bibig at ginawaran ng matamis na halik.
"I love you," aniya.
Nagdiwang ang kalooban ni Lara nang marinig iyon sa binata. Ang buong akala niya'y hindi na niya iyon muling maririnig. Ngunit heto siya kaharap ang lalaking mahal niya'y habang sinasabi sa kanyang mahal siya nito. Sa likod ng kanyang isipan ay ang dalanging huwag sanang maginf panaginip lamang ito.
"Mahal din kita, Jake," halos pumiyok na tugon niya.
Kitang-kita niya sa mga mata ni Jake ang pagkislap nito sa kasiyahan. Ganoon din siya, walang pagsidlan ang nararamdaman niyang tuwa na hatid ng pagkikitang ito. Na sana'y bumagal ang takbo ng oras upang mas manamnam pa niya lalo.
"Mas mahal kita," sagot naman ng binata.
Napapikit si Lara nang maramdaman niya ang pagdampi ng mainit na labi ni Jake sa kanyang noo. Isang gawi ng binata na sobra niyang namiss. Noong sila pa kasi'y ganoon ang palagi nitong gingawa. Gusto niya iyon. Pakiramdam niya'y walang sino man ang maaaring makasakit sa kanya. Na may isang Jake na nariyan upang siya'y ipagtanggol. Na handang kalabanin ang lahat masiguro lamang ang kanyang kaligtasan.

BINABASA MO ANG
A Demon's Touch [Completed]
HorrorAng makapanindig-balahibong karanasan ni Lara, nanaisin mo ba?