KABANATA VIII
_________
SININDIHAN ni Lara ang kulay puting kandila na nakapaloob sa crystal na baso. Nakapatong iyon sa harap ng maliit na altar kung saan payapang naghihintay ang mga poon. Kabilang doon ang krus na siyang pinagtiyagaang buuin ni Lola Caridad matapos sirain ng dalaga.
Tila bulang naglaho sa hangin ang usok na galing sa gamit nang posporo. Ipinagpag niya iyon upang mamatay nang tuluyan ang natitira nitong baga at saka inilapag sa isang gilid.
"Sigurado ka bang hindi ka na maghahapunan dito?"
Napalingon si Lara sa kanyang likuran. Naroroon na sa labas ng pintuan si Jake at nagpapaalam sa kanyang Lola.
"Hindi na ho," magalang na sagot ni Jake habang hinihimas pa ang likod ng ulo.
"Sandali lang naman kami, hijo. Isang rosaryo lang at maghahain na ko. Sumabay ka na sa'min, ano?" pamimilit ni Lola Caridad.
Napailing na lamang si Lara. Sanay na sanay na siya sa ganyang eksena. Magmula noong makilala nila ang binata ay palaging ganyan ang nangyayari sa tuwing magpapaalam na itong umuwi.
Hindi nga lang niya mapigilan ang sariling malungkot kung minsan sa tuwing pagmamasdan niya ang kanyang Lola. Masyado na kasi itong napalapit kay Jake. At wala naman siyang tutol doon dahil bukod sa mabuting tao naman ito'y kasiyahan ang dulot ng binata sa kanyang Lola.
Hindi naman kasi lingid sa kanya na sa binata ibinubuhos ng matanda ang pagkamiss nito sa kanyang kuya, na siyang kaisa-isa nitong apong lalaki. Ayaw lamang niyang masaktan ang nag-iisang tao na karamay niya ngayon kung sakaling dumating ang araw na mawala sa buhay nila ang binata.
"La, pakawalan niyo na po iyang si Jake. Baka hinahanap na 'yan sa kanila," singit ni Lara sa usapan ng dalawa.
Gumanti ng ngiti si Jake at saka muling ibinaling ang pansin sa matandang kaharap. "H'wag po kayong mag-alala, dadalawin ko ho ulit kayo rito ni Lara bukas. Kailangan ko lang ho talagang umuwi na."
"Bukas? Pupunta ka ulit dito bukas?" gulat na tanong ni Lara. Ngayon nga'y iniwan na niya ang altar at tumungo na rin sa may pintuan.
Umalingawngaw sa kabuuan ng salas ang paghalakhak ni Jake. Ipinamulsa niya ang dalawang kamay sa suot na pantalon at saka hinuli ang mata ng dalaga.
"Ayaw mo na ba kong pumunta rito? Gano'n ba, Lara?" aniya.
Kaagad iwinagayway ni Lara ang isa niyang kamay at saka dumepensa. "H-Hindi, hindi! Hindi iyon ang ibig kong sabihin, 'no ka ba? Ang sa'kin lang baka mapagalitan ka sa inyo at lagi ka na lang nasa amin. Hindi ba, La?"
Marahan ang naging pagtango ni Lola Caridad sa apo.
"Oo nga pala, hijo. Pasensiya ka na kung kinukulit kitang magpunta rito. Ayos lang ba sa kanilang nagpupunta ka rito nang madalas?" malungkot niyang sabi.
Mabilis ang naging paghugot ni Jake sa mga kamay niya mula sa kanyang bulsa. Iniakbayan niya ang katapat lamang na matanda at marahang hinaplos ang likod nito.
"Hindi po, h'wag po kayong mag-alala. Tutal bakasyon naman kaya malaya akong makapunta rito sa inyo. Masaya sila para sa'kin na nagpupunta ako rito. At isa pa'y masaya pong kasama si Lara...pati na rin po kayo Lola."
Lumiwanag ang mukha ni Lola Caridad nang marinig iyon sa binata. Iniayos pa niya ang suot na makapal na salamin sa mata at sinipat ang antigong orasan na nakasabit sa dingding. Labing-limang minuto bago ang ika-anim na gabi ang oras.
"Mag-aala sais na ho pala. May gagawin pa po kayo, hindi ba?" tanong ni Jake.
Mula sa pagkakatingin sa naturang orasan ay inilipat niya iyon sa altar na siyang nagliliwanag dulot ng kandilang mayroon nang sindi. Madilim ang kanyang mukha na tila may hindi kaaya-ayang nakita. Ang mga mata niya'y tila handang pumatay. Hindi naman iyon napansin ng mag-Lola dahil sa nakatalikod ang binata sa liwanag.
BINABASA MO ANG
A Demon's Touch [Completed]
HorrorAng makapanindig-balahibong karanasan ni Lara, nanaisin mo ba?
![A Demon's Touch [Completed]](https://img.wattpad.com/cover/9601043-64-k540076.jpg)