IV

19.9K 401 11
                                        

KABANATA IV

___________

NAPAKAGAT ng kanyang labi si Lara. Kasabay no'n ang paglapat ng kanyang kamay sa tapat ng dibdib. Napabuga siya ng hangin nang mabungaran niya si Lola Caridad na nakatunghay sa kanya.

"O, anong nangyari sa'yo, Lara? Namumutla ka. Para kang nakakita ng multo," kunot-noong usisa ni Lola Caridad sa apo.

Luminga si Lara sa paligid. Sa gawing kanan ng kusina'y hinahangin ang manipis na kulay kremang kurtina ng bintana. Madilim na sa labas kaya't wala siyang matanaw doon maliban sa mumunting ilaw na nagmumula sa may kalayuang poste ng ilaw sa kalsada.

"Lara?"

Kaagad niyang binawi ang tingin mula sa pagkakatanaw sa bintana. Dumapo ang kanyang paningin sa matanda na ngayon nga'y nakalapit na sa kanya.

"May problema ba?"

Umiling si Lara. Kaagad siyang yumuko upang kuhanin ang nalaglag na takip ng kaldero. "Wala po, La. Dumulas lang po sa kamay ko 'yung takip. Maupo na po kayo do'n."

"Sigurado ka bang ayos ka lang?" muling tanong ni Lola Caridad.

Napilitang ngumiti si Lara. Ayaw niyang mag-alala pang muli ang matanda kaya't sinagot niya itong ayos lamang siya kahit hindi naman talaga. Lihim siyang nagpasalamat na hindi na siya muling inusisa pa nito.

"Opo. Maupo na po kayo. Medyo pagod lang po sa biyahe."

"O siya, pagkakain natin ay umakyat ka na, ha? Ako na'ng bahala mag-urong nire mamaya."

"Pero, La. Kaya---"

"Walang pero-pero Lara."

Hindi na nakipagtalo pa si Lara. Alam niyang hindi siya mananalo sa kanyang Lola kaya't tinungo na lamang niya banggera upang kumuha ng mangkok. Nanuot sa kanyang ilong ang mabangong amoy ng dinuguang baboy. Muli na namang sumagi sa kanyang isip ang binatang nakilala niya sa bus. Hanggang ngayon ay hindi mawaglit sa kanyang isipan ang makisig nitong mukha. Ang malambot nitong kamay na dumampi sa kanyang palad ay talaga naman nag-iwan sa kanya ng kakaibang pakiramdam.

"Lola, sa kwarto ko na lang ulit ako matutulog," maya-maya'y saad ni Lara nang mangalahati na ang laman ng kanayang pinggan.

"Ayos na po ako, La. H'wag na po kayong mag-alala," dagdag niya bago pa man makapagsalita ang matanda.

Ibinaba ni Lola Caridad ang hawak na kubyertos. Matama niyang tinitigan ang apo na para bang inieksamina ito kung nagsasabi nga ba ng totoo.

"La, ang sarap ng luto n'yo. Baka maparami na naman kain ko nito," ngiting-ngiti na sabi ni Lara. Nais niyang pawiin ang agam-agam ng kanyang Lola.

Lihim siyang napangiti sa sarili nang hindi na nangahas pang mag-usisa ang matanda. Ngumiti lang din ito sa kanya at saka nagpatuloy sa pag-ubos ng pagkain.

______

MARAHANG hinila ni Lara ang pinto ng bahay. Bawat pagbukas niya'y lumalangitngit ang lumang pintong iyon na gawa sa kahoy. Pigil niya ang paghinga. Nang tuluyang bumukas ang pinto'y saglit pa niyang nilingon ang likuran. Napabuga siya ng hangin. Wala roon ang kanyang Lola Caridad. Sa isip-isip niya'y mahimbing na marahil ang pagkakatulog nito kaya't hindi manlang nito napansin ang kanyang paglabas ng kwarto at pagbaba sa unang palabag ng bahay.

Halos mapatalon pa siya sa saya. Tila nakalaya siya sa isang kulungan kung saan siya'y mahigpit na binabantayan.

Ang kwintas. Ang kwintas na binagay ng kanyang ina, na siya namang iniregalo ng kanyang ama noong hindi pa ito mag-asawa, ay nawawala. Kahit anong gawin niyang paghalughog sa loob ng kanyang kwarto, sa sala, at pati na rin sa kusina'y hindi niya ito matagpuan. Halos baligtarin na nga niya ang kanyang mga gamit at kobre kama mahanap lamang ang mahalagang pamana ng yumaong ina.

A Demon's Touch [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon