Kabanata 12

1.3K 47 10
                                    

"May isang bagay ang darating na hindi mo inaasahan. Labis na pag-iingat angkinakailangan. Sapagkat ang bagay na ito ay maghahatid ng pangyayari nakailanman ay hindi mo papangaraping maranasan..." 

-The Cursed Book   

*** 


Papalubog na ang araw at unti-unti na rin na nababalot ng kadiliman ang buong kapaligiran. Subalit hindi alintana ni Kim ang maglakad ng mag-isa pauwi sa kanilang tahanan. Kagagaling lamang ng dalaga sa burol ng namayapang kaibigan na si Janella. Mugto pa ang mga mata nito at mababakas ang malungkot na ekspresyon sa kanyang mukha. Kamakailan lamang ay ipinagluksa nila ang pagkamatay ni Marlo at ngayon ay ito na naman, isa sa kanyang kaibigan ang muling binawian ng buhay.


Masakit para sa kanila ang sinapit ng dalaga. Hindi pa rin sila makapaniwala sa kahindik-hindik na sinapit nito. Natagpuan kasi itong nakahandusay sa sahig habang naliligo sa sariling dugo. Basag rin ang bungo ng dalaga dahil sa pinto na bumagsak sa kanya. Subalit hindi lamang iyon, maging ang matandang katulong ay natagpuan rin na nakabigti habang dilat na dilat ang mga mata.


Nakipagtulungan na sila sa mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng pagpatay sa kanilang kaibigan at sa matandang katulong na kasama nito sa bahay. Subalit walang maibigay na kasagutan ang mga pulis. Nananatiling palaisipan ang pagkamatay ng mga biktima. Labis rin na nakapagtataka ang itim na krus na nasa noo ng dalaga na kagaya rin ng sa kamamatay lamang na si Marlo.


Habang naiisip ang mga nangyari ay hindi maiwasan ni Kim ang maluha. Ilang takas na luha ang umagos mula sa kanyang mata. Agad rin niya itong pinunasan. Labis man siyang nalulungkot dahil sa kinahantungan ng mga kaibigan, kailangan niyang tanggapin na wala na siyang magagawa dahil huli na ang lahat. Ang tanging magagawa niya sa ngayon ay ang ipagdasal ang kaluluwa ng yumaong kaibigan.


Sa halip na mag-isip pa ng kung ano-ano, itinuon na lamang nito ang atensyon sa paglalakad.

Hanggang sa isang matanda ang hindi sinasadyang nakabanggaan ng dalaga.


"Naku! Lola, pasensya na po." Bulalas ng dalaga na nabigla rin sa nangyari. Inalalayan nito ang matanda na makatayo habang panay ang paghingi ng pasensya. Kuba na ito at kulay abo na rin ang buhok nito. Sinubukan niyang kausapin ang matanda. Subalit wala siyang nakuhang tugon mula rito, bagkus ay nakatitig lamang ito sa kanya ng may seryosong ekspresyon. Ilang saglit pa'y hindi na ito nakatiis pa. Muli niyang binalingan ng tanong ang matanda.


"Lola, okay lang po ba kayo? May problema po ba?" tanong nito habang nakakunot ang noo. At sa pangalawang pagkakataon, wala siyang nakuhang tugon mula dito. Hinawakan ng matanda ang kanyang kanang palad na tila ba masusing pinagmasdan ang bawat bahagi nito. Nakita rin niya kung paano nanlaki ang mga mata nito na bakas na bakas ang pagkagulat. Gayon na lamang ang kanyang pagtataka dahil sa inasal ng matanda. Hindi niya mawari ang nais iparating ng ikinikilos nito.


"Teka lang po Lola, ano po bang problema?" saad ng dalaga habang pilit inaalis ang kamay ng matanda mula sa pagkakahawak sa kanyang palad. Subalit nanatiling mahigpit ang pagkakahawak nito sa kanya. Namimilog rin ang mga mata nito na tila may nais talagang iparating.


"Mag-iingat ka! Nakikita ko sa iyong palad ang nakaambang kapahamakan." Puno ng pagbabanta ang tinig ng matanda na labis niyang ikinabigla. May kakaibang kilabot rin ang hatid nito sa kanya. Hindi na niya nagawa pang makapagsalita dahil sa narinig. Tiningnan lamang ng dalaga ang matanda at hinintay ang sunod pa nitong sasabihin.

The Cursed BookTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon