···♥♥···
Nakahiga ako dito sa may paanan ng malaking puno, malilim kasi dito at mahangin. Kakatapos ko lang tumulong kay Aling Maring sa karinderya kaya medyo pagod ako at masakit ang katawan. Nagpunta lang ako dito upang sumagap ng sariwang hangin. Nagbabasa rin ako ng librong hiniram ko kay Kuya Serge.
Buwan-buwan na lang kami nagkikita ni Kuya Serge dahil nag-aaral na ito sa kabilang syudad. Mura lang ang pag-aaral do'n sa pinapasukan niyang paaralan pero malayo ang biyahe mula do'n hanggang dito. Kahit sabihin na mas afford ang pag-aaral do'n ay hindi ko pa din ginustong mag-aral dahil walang makakasama si Aling Maring dito. Ayoko namang iwan siyang mag-isa.
Tuwing umuuwi dito si Kuya Serge ay pinapahiram niya ako ng libro niya tungkol sa mga pinag-aaralan nila. Minsan din naman ay tinuturuan niya ako. Para ko na talaga siyang tunay na kapatid.
Minsan nga ay napapaisip ako. Paano nga kaya kung nandito pa ang mga magulang ko? Mapapag-aral kaya nila ako?
Sayang lang at hindi ko sila nakilala. Pagkasilang ko pa lang kasi ay namayapa na din sila. Hindi ko man lang nasilayan ang kanilang mga mukha. Ni ang pangalan nila ay hindi ko alam. Nakakalungkot mang isipin pero kailangan kong tanggapin ang aking kapalaran.
Alam ko namang may dahilan kung bakit ito nangyari sa akin. Alam kong may dahilan ang Diyos kung bakit sa akin niya pinadanas ang ganitong estado ng buhay. At naiintindihan ko naman iyon.
Siguro nga'y kinakailangan kong malampasan ang lahat ng ito upang mas tumatag pa ako at para makayanan ko ang mga pagsubok na darating.
Mahirap mabuhay ng mag-isa, alam ko yun. Kaya nga malaki ang pasasalamat ko sa Panginoon ng ibinigay niya sa amin si Aling Maring upang alagaan ako. Kung hindi dahil sa Mercy Niya sana ay wala na ako dito ngayon.
Tumayo ako at nag-inat. Kailangan ko ng umuwi ng sa gayon ay makapagpahinga na ako. Maaga pa ako gigising bukas upang samahan si Aling Maring mamili sa palengke. Lagi kasing maraming tao sa palengke kaya inaagahan namin ang pagpunta para makabili kaagad ng dapat bilhin katulad ng mga sangkap sa pagluluto ni Aling Maring at ang iba pang kailangan sa bahay.
"Let go of me!" rinig kong sigaw ng isang babae ng mapadaan ako sa isang eskinitang hindi masyadong dinadaanan ng ibang tao dahil madilim ang lugar na yun at usap-usapang madaming napapahamak doon.
Hindi na ako nagdalawang isip at pinasok ko ang eskinita. Mukha kasing may nangangailangan ng tulong. Kahit naman sabihin na babae lang ako ay kaya ko namang ipagtanggol ang ibang taong inaapi.
Basta hindi makatarungang gawain ay hindi ko pinahihintulutang mangyari.
Nang makarating ako sa madilim na parte ng eskinita ay may nakita akong babaeng naka coat ng itim na umaabot hanggang sa paa nito at may hood din itong suot. Natatakpan ang ilong at bibig nito ng isang telang mistulang maskara. Tanging ang pulang mata at brown na buhok lamang nito ang aking nakikita.
Pinapalibutan ito ng limang lalaki na kung titingnan ay walang gagawing mabuti. Parang mga naka-drugs ito. At nakakainis pa ang mga ngiting iyon sa mga labi nito. Nakakabastos at ang sarap sapakin.
"Miss, sumama ka na kasi sa amin para hindi ka na masaktan."
"Hindi ka magsisisi kapag pinaunlakan mo ang aming kahilingan." Tumawa ang mga ito at nakakainis pakinggan yun.
Nagtangka ang isang hawakan yung babae pero tinapik lang nito ang kamay no'n.
"Don't you dare touch me!"
"Aba at nag-iinarte ka pa!" Nang hahawakan na ulit nito yung babae at nakigulo na ako. Hinawakan ko ang kamay nito bago ko ipinilipit ito patalikod saka ko siya tinulak. Dumaing naman ito sa sakit matapos nitong tumama sa pader dahil sa lakas ng tulak ko. Nagulat din ang mga kasamahan nito.
BINABASA MO ANG
Trained To Be a Guardian
Fantasia"It's my duty to protect her. I'd rather die by protecting her than to leave this world without doing anything for my friend's safety." ---- Yanderie Cassiopeia