Mga Sisiw at Kahon

22 2 0
                                    

#AKNDMaiklingIstorya

Malamig ang simoy ng hangin. Madilim ang kalangitan. Maingay. Mga hindi magkamayaw na hayop. May kakaiba akong nararamdaman. Hindi ordinaryo ang araw na ito. Espesyal...

***

Nanginginig. Nangangatog. Malamig ang simoy ng hangin ang humahaplos sa aking katawan, nagmumula sa bukas na bintana. Nakapikit ang aking mga mata ngunit ang aking diwa ay gising. Pilit kong kinakapa sa aking paligid. Asan na ba 'yun? Ngunit hindi ko makapa.

Hindi ko makapa ang kumot. Nalalag na pala sa sahig.

Maaga akong nagising ngayong araw na ito. Hindi tulad ng mga nagdaang araw, ang araw na ito ay espesyal. Espesyal dahil kaarawan ko ngayon, ika-14 ng hulyo.

Dahil na rin siguro sa walang tigil na pagtilaok ng mga manok ng kapit-bahay kaya ako nagising. At dahil na rin sa ingay ng pukpok ng martilyo sa labas. Sumilip ako sa bintana at may itinatayong damara. Siguro ay may malaking handaang magaganap.

Madilim ang kalangitan at tila nagbabadya ng masamang panahon. Isa lang ang sigurado ko. Hindi ordinaryo ang araw na ito. Espesyal.

Tuwing gigising ako ay sinisindihan ko ang ilaw sa munti naming sala. Madilim pa kasi mga alas-singko y medya ng umaga. Pero iba sa nakagawian ko, paggising ko ngayon ay nakasindi na ang ilaw. Siguro ay gising na si Nanay.

"Nay?!" Tinawag ko siya mula sa sala ngunit walang sumagot.

"Nay?!" Inulit ko pa ulit at halos maikot ko na ang buong bahay ngunit wala siya.

Walang tao sa bahay. Ay meron pala, ako. Ako lang mag-isa. Siguro ay nagtungo si Nanay sa bayan para bumili ng handa, mas sariwa kasi yung mga karne at mas madaming pagpipilian kapag maaga, ito ang agad kong naisip. Pero alas-singko y medya? May bukas na ba no'n?

Kaming dalawa lang ni Nanay ang nakatira sa bahay. Hindi ko masasabing mahirap lang kami. Nakakaluwag-luwag. Solong anak lang ako. Si Tatay naman ay nagtatrabaho sa isang talyer sa Maynila. Sapat lang ang kita niya para sa aming pamilya. Isang beses lang sa isang linggo kung umuwi siya.

Nagluto na ako ng umagahan at naghanda sa pagpasok sa eskwelahan. Siya nga pala, ako si Itoy. Grade 11 na ako ngayong taon. At pangarap kong maging isang pulis.

Sa aking pagmamadali ay natabig ko ang isang picture frame na nakapatong sa isang maliit na lamesita sa gitna ng sala. Family picture namin. Naku! Lagot ako nito kay Nanay.

Maingat si Nanay sa mga bagay sa bahay. Hindi siya materyalistikong tao pero ika nga may sentimental na halaga sa kanya lahat ng bagay na mayroon siya.

Nilinis ko ang mga bubog na nagkalat sa sahig. Hindi ko namalayan nasugatan na pala 'ko, naramdaman ko nalang bigla ng may dugong umagos sa aking hintuturo. Ayaw tumigil ng pagdurugo. Hala! Lagot na. Napatakan ng dugo ang family picture. Sakto sa magkahawak naming kamay ni Nanay.

Natagalan din ako sa paglilinis. Bibili nalang ako ng picture frame mamaya pag-uwi ko. Ang inaalala ko ay yung larawan. Paano ko matatangal yung mga bahid ng dugo?

Baku-bako. May mabahong amoy. At di magkamayaw sa paglipad ang alikabok. Sa paglalakad ko patungong paaralan. Oo tama, naglalakad lang ako papunta at pauwi. Medyo may kalayuan, mga tatlumpung-minuto din siguro mula sa amin ang paaralan pero mas gusto ko ng maglakad para naman makatipid at para na rin ma-exercise ako. Medyo may katabaan kasi 'ko.

Sa aking paglalakad, nakasalubong ko si Senya. Nagniningning na mga mata. Mahahabang buhok. At balingkinitan na katawan. Walang kupas ang kanyang kagandahan. Mas matanda sa'kin ng dalawang taon si Senya. Matagal na akong may lihim na pagtingin sa kanya. Nginitian ko siya. Ngunit hindi siya ngumiti pabalik. Hindi naman siya mataray pero hindi ko alam kung ano 'yung nakain niya ngayon. Siguro ay may problema.

Ang Kwaderno Ni DodongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon