Plastic Bag

47 2 0
                                    

#AKNDMaiklingIstorya


Balisa. Butil-butil ang mga pawis. Hindi mapakali. Namumula at nanlilisik ang mga mata. Tila hinihingal at takot na takot. May malansang amoy na nanggagaling mula sa hawak niyang itim na plastic bag.

***

Ako si Cho, labing-limang taong gulang. Panganay ako sa aming tatlong magkakapatid. Si Carlos ang sumunod sa akin, sampung taong gulang. Sinundan naman ni Marie, anim na taong gulang. Huminto na kami sa pag-aaral dahil na rin sa hirap ng buhay. Hindi kaya ni Nanay ang gastusin sa paaralan dahil naglalako lamang siya ng mga daing sa kabayanan. Gustuhin ko mang tulungan siya sa pagtatrabaho ay ayaw niya, mas mabuti raw na alagaan ko nalang ang aking mga kapatid habang wala siya.

Isang araw na ang nakalipas at sariwa parin sa aking isip ang aking natuklasan na si Tiyo Manuel ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Si Tiyo Manuel ang kinakasama ni Nanay. Pumanaw na ang aking tatay limang taon na ang nakalilipas. Walang maaasahan kay Tiyo Manuel, parang wala siyang pakialam sa amin, lagi siyang lasing at sumasabong.

Maliit lang ang aming bahay. Mga tagpi-tagping tarpulin ng kung anu-anong produkto ang nagsisilbi naming dingding. May yero naman kami kaso puro tapal na ng goma—goma ng mga sirang tsinelas. Iisa lang ang sala at kwarto. At may maliit na kusina sa bandang likuran.

Sa apat na sulok lamang ng aming bahay lumilipas ang maghapon naming magkakapatid. Para kaming preso sa sarili naming bahay. Maaga pa lang umaalis na si Nanay, gano'n din si Tiyo na kun'di na sa inuman ay na sa sabungan na. Kaya kaming magkakapatid lang ang naiiwan dito sa bahay.

Isang hapon habang naglalakad ako papuntang tindahan upang bumili ng sardinas para sa hapunan nang madaanan ko si Tiyo Manuel na nakikipag-inuman sa isang madilim na parte ng kalsada. Napansin niya ako at tinawag, "Cho! Tara dito tagay ka." Marami nang nainom si Tiyo at may inalok pa siya sa akin na tikman ko raw, nang kuhanin ko ay nagulat ako. Pinagbabawal na gamot pala. "Ayoko po, Tiyo Manuel," sabi ko at mabilis na kong lumakad patungong tindahan.

Hindi na ako nagsumbong kay Nanay dahil hindi rin naman siya maniniwala. Katulad na lang noong nahuli ko si Tiyo Manuel na nambababae, sinumbong ko siya pero 'di naniwala si Nanay. Hindi ko alam kung ano ang nagustuhan niya kay Tiyo Manuel at pilit siyang nagbubulag-bulagan.

Ngayong araw, gaya ng ibang mga araw, maagang umalis si Nanay upang maglako ng mga paninda. Si Tiyo naman ay wala na rin paggising ko palang.

Sunud-sunod na maiingay na katok na nagmumula sa pintuan ang gumising sa akin. Pagtingin ko sa orasan na nakasabit sa dingding ay alas-tres na pala ng tanghali. Nakasanayan na naming magkakapatid na matulog sa tanghali at dahil bilin na rin ni Nanay upang lumaki raw kami.

"Buksan mo yung pinto, Cho!" si Tiyo at tila sumisigaw. Agad ko namang binuksan ang pinto. Tumambad sa akin si Tiyo na tila balisa, butil-butil ang mga pawis, hindi mapakali, namumula at nanlilisik ang mga mata, tila hinihingal at takot na takot. Hawak niya sa kanyang kanang kamay ang isang malaking itim na plastic bag na may malansang amoy, siguro ay karne para sa aming hapunan.

May kung anong kaba ang bumalot sa aking dibdib. Agad na pumasok si Tiyo at pabulong niyang sinabi, "Isara mo yung mga bintana at pinto. Papatayin nila tayo!" Tila ibang tao ang aking kaharap at hindi si Tiyo Manuel.

Agad ko siyang sinunod. Kinandado ko ang pinto na sa tingin ko ay kahit nakakandado ay mabubuksan pa rin dahil marupok na ito.

Sa papag, natutulog parin ang aking mga kapatid na hindi man lang natinag sa ingay ni Tiyo. Hindi mapakali si Tiyo Manuel. Nagtungo siya sa kusina. At maya-maya pa pagbalik niya ay may hawak na siyang itak.

Nanginginig ang aking kalamnan sa takot lalo na nang titigan ko siya sa kanyang mga mata na nangangalit at pulang-pula. "Papatayin nila tayo!" ang muli niyang sambit. "Huwag kang gagalaw, diyan ka lang," sabi pa niya. Pinaupo niya ko sa isang sulok katabi ang itim na plastic bag na dala niya kanina.

Takot na takot ako at di ko alam kung ano ang gagawin. "Tiyong wag po," pakiusap ko sa kanya ng unti-unti niyang lapitan ang mga natutulog kong kapatid.

"Sino sila?" tanong niya na aking kinagulat, "mga alagad sila ng demonyo!" sigaw pa niya.

"Waaaaaaaaaaaaag-----!" ang tanging sigaw ko nang magtalsikan ang mga dugo sa paligid. Wala akong nagawa. Masyadong matulin ang mga pangyayari nang bigla niyang pagtatagain ang aking mga kapatid na tila mga karneng tinadtad. Naglalawa ang mga dugo na tumutulo mula sa papag. Nasaksihan ko ang kaniyang kalupitan, natunghayan ko kung paano niya hinati sa dalawa ang katawan ni Marie at kung paano niya winasak ang musmos na ulo ni Carlos.

Halos mabingi ako sa sarili kong hiyaw. Panalangin ko na sana ay may nakarinig sa'kin. Ngunit wala nga pala kaming kapit-bahay. Wala pa rin akong tigil sa pag-iyak kahit wala ng mga luha ang tumutulo sa'king mga mata, at pilit pa rin akong sumisigaw kahit wala ng tinig na lumalabas mula sa aking lalamunan.

"Diyan ka lang at wag kang aalis!" utos niya at nagtungo sa likuran ng bahay.

May kung ano akong nahawakan sa tabi ko, basa at malagkit. Pagtingin ko sa aking kamay ay kulay pulang likido at nagmumula sa plastic bag. Unti-unti ko itong binuksan sa takot na baka marinig ni Tiyo ang kaluskos.

Malansa ang amoy na bumungad sa akin. Kinuha ko ang laman at sa aking gulat ay naibato ko ito. Hindi ako nakakilos sa aking nakita. Parang huminto ang aking paligid. At mas lalong tumindi ang pagnginig ng aking kalamnan.

Tumambad sa akin ang pugot na ulo ni Nanay. Nakadilat pa ang kanyang mga mata at nakabuka ang mga bibig na tila may gustong sabihin.

"Anong ingay 'yan?!" galit na tanong ni Tiyo pagkabalik niya. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang aking leeg. "Bakit mo binuksan 'yan!" nanlilisik ang mga mata niya. "Kasabwat ka rin ba nila?! Kampon ka rin ba ng kadiliman?!" tanong pa niya.

Patuloy sa pagnginig ang aking kalamnan at naninikip na rin ang aking dibdib. Maya-maya pa ay hindi ko na alam ang mga sumunod na pangyayari. Biglang dumilim ang paligid nang may kung anong matalim na bagay ang dumampi sa aking leeg.

***

Nagising nalang ako sa sunud-sunod na malalakas na katok na nagmumula sa pinto. Lumingon ako sa tabi ko at nakita ang aking mga kapatid na mahimbing na natutulog. Napabuntong-hininga ako. Hay! Panaginip lang pala. Tumingin ako sa orasan na nakasabit sa dingding, alas-tres na pala ng tanghali.

"Buksan mo yung pinto, Cho!" si Tiyo at tila sumisigaw. Agad ko namang binuksan ang pinto. Bumungad sakin si Tiyo na tila balisa, butil-butil ang mga pawis, hindi mapakali, namumula at nanlilisik ang mga mata, tila hinihingal at takot na takot. May malansang amoy na nanggagaling mula sa hawak niyang itim na plastic bag.

Pabulong niyang sinabi sa akin, "Isara mo yung mga bintana at pinto. Papatayin nila tayo!"

Ang Kwaderno Ni DodongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon