Ang kaibigan kong taksil

46 2 0
                                    

#AKNDDagli

Walang tigil sa pagtalon at pag-indak ang mga tao habang sumasabay sa pagkumpas ng makabasag bamban ng tainga na musika. Nagsisiksikan at nagkakagulo na tila mo ngayon lang nakawala sa kural. Hindi alintana ang nakahihilong amoy ng alkohol at nakasusulasok na usok ng sigarilyo. Patuloy lang sa pag-indak kasabay ang makukulay na ilaw na tila umiindak din sa ritmo ng tugtugin.

Nakahihilo. Per parang hindi ako nauubusan ng lakas kahit kanina pa 'ko umiindak. Para mo 'kong lumilipad--- lumilipad sa kawalan. Parang ang saya-saya ko kahit 'di naman. Nakakalimutan ko ang mga problema ko kahit sa sandaling panahon lang. Mabuti na lang at gabi-gabi mo 'kong dinadamayan, kaibigan. Mabuti na lang at lagi kitang maaasahan.

May bigla akong kakaibang naramdaman...

Parang may sumakal sa aking leeg. Hindi ako makahinga. Naninikip ang aking dibdib. Naninigas ang aking mga kalamnan. Hindi ako makakilos.

Taksil ka! Ang akala ko ay masaya na 'ko. Tinraydor mo ako. Niloko mo lang ako sa pangako mong paglipad sa alapaap at paglimot sa pait ng buhay.

Bukas ng gabi, hindi na 'ko makababalik pa sa dati nating tagpuan. Ninakaw mo na ang buhay ko. 'Wag mo na akong hintayin sapagkat malayo na 'ko. Permanente ko nang nilisan ang pait ng buhay. Ang panandaliang saya at paglipad ay hindi 'ko akalaing ito ang magiging kapalit.

Taksil ka, Green Amore!

Ang Kwaderno Ni DodongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon