Katorse

32 3 0
                                    

#AKNDDagli

Sa kaniyang kamusmusan ay namulat na sa makamundong gawain. Sa kaniyang kamuwangan ay binalot na ng dilim ang pagkatao. Sa mura niyang edad na katorse ay natuto nang magbanat ng buto. Ngunit sa maling paraan. 

Kasabay ng ritmo ng musika ay ang walang tigil na paggiling ng beywang. Hindi alintana ang mga matang-gutom na nakatingin sa balingkinitan niyang katawan na nababalutan lamang ng kapirasong tela.

Noong una ay hindi pa siya komportable sa ganitong mundo ngunit kinamalaunan ay nasanay na rin. Unti-unti na niyang tinanggap na ito ang mundo niya. Nasanay na siyang umindak habang patay-sindi ang mga ilaw. Nasanay na siyang maging putahe ng kung sinu-sinong gutom sa laman. Tinanggap na niyang maging parte ng kanser na sumisira sa lipunan.

Pikit-mata na lamang sa bawat pagdampi ng mga sari-saring laway. Hindi parin niya maiwasang maluha sa bawat paghaplos ng kung sinu-sino sa musmos niyang katawan.

Siya si Maria Isaiah ngunit "Maria Magdalena, ang sawsawan ng bayan," ang bansag nila sa kaniya. Kaya't nagta-taingang-kawali na lamang siya sa tuwing dadaan sa masikip na eskinita pauwi sa kanilang bahay. Manhid na siya, hindi na siya makaramdam ng poot, nabingi na siya sa mga naghuhumiyaw na tinig na pilit ipinamumukha sa kaniya ang halimaw niyang mundo na lumamon sa buo niyang pagkatao. Sapagkat ito lang ang alam niyang trabahong nararapat sa isang katulad niyang walang pinag-aralan. 

Nakasusuka, nakapandidiri, nakapangingilabot. Ngunit titiisin niya ang lahat. Lahat ng panghuhusgang ibato sa kaniya kahit na tuluyan pang malubog sa kumunoy na humahatak sa kaniya. Marahil ito lamang ang alam niyang paraan upang makatapos sa pag-aaral ang kaniyang dalawang nakababatang kapatid, upang makaipon nang pang-piyansa sa kaniyang tatay, at upang matustusan ang lahat ng bayarin sa ospital ng komatos niyang nanay. 

Sa kagustuhan niyang makatulong sa pamilya, sa pagnanais niyang makaahon mula sa putik ng kasarinlan, nakulong siya sa mala-impyernong hawla na kaniyang ginagalawan. Na habang tumatagal ay unti-unting sinusupok ang kaniyang dignidad at kaluluwa.

Ngunit... 

Sa bawat paggiling ng beywang habang patay-sindi ang mga ilaw, sa bawat pagtikim ng mga takam na takam na nilalang sa sariwa niyang laman, sa pag-aakala niyang pera ang nagpapatakbo ng buhay, sa kabila nang pagtira niya sa negatibong mundo, isa lang ang positibo niyang nakamtan.

Nakamtam niya ang kanyang karma, nagpositibo siya sa sakit na hanggang ngayon ay wala paring lunas.  

Ang Kwaderno Ni DodongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon