Oo

7 1 0
                                    

#AKNDDagli
#150WordStory

Abot-kamay mo na ang iyong pangarap. Halos isang taon din ang ginugol mo para mapasagot ang nililigawan. Hindi madaling talunin ang iyong mga karibal sapagkat katulad mo rin sila—mabulaklak kung magsalita.

Naikot mo na ang maraming simbahan—sinamba ang napakaraming santo—para lang magwagi sa labang ito.

(Halos) ‘di ka na makatulog sa gabi sa kaiisip ng maaaring gawin upang mga katunggali’y tuluyan nang maungusan.

Sa bandang huli, sa dinami-rami niyong mga nanligaw—ikaw ang nakapagpasagot ng “oo”—ikaw ang nagwagi.

Ito na ang pinakahihintay mong araw. Pinahiran mo ang pawis na tumatagaktak sa iyong noo. Tumayo ka nang matuwid at inayos ang suot na magarang barong.

“...ang ika-labing pitong Pangulo ng Pilipinas.”

Dumagundong ang palakpakan ng mga tao. Pinagmasdan mo sila—nababakas sa kanilang mga mukha ang pagkauhaw sa pag-asa.

Napangiti ka. “Yayaman na ‘ko,” sa isip-isip mo.

Napakarami niyong nanligaw ngunit ikaw ang tuluyang nakapagligaw sa kanila.

Ang Kwaderno Ni DodongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon