Tik-Tak!

35 1 0
                                    

#AKNDMaiklingIstorya

#IncognitoWWIIIBlitz1Entry

+++


Malamig ang simoy ng hangin na tila nagbabadya ng masamang panahon. Nagkukubli ang mga bituin sa makakapal na ulap sa kalangitan. Nilamon ng dilim ang liwanag na nagmumula sa buwan.

"Bilisan mo, Charles!" Wika ni Marlon, kaibigan ko.

"'Wag kang maingay baka may makarinig sa atin." Kasalukuyan kaming patungo sa may kalayuang abandonadong garahe ng aming bahay.

"Buksan mo na," mahinang wika ni Marlon.

Nanginginig ang aking mga kamay. Kinakabahan. Natatakot akong may makakita sa amin. Lalo na si Papa na siguradong magagalit sa'kin.

Naka-ilang ulit ko ring ipinasok at pinihit ang susi bago pa tuluyang magbukas ang pinto.

Bumungad sa amin ang mabahong amoy ng langis at patay na insekto. Inilibot namin ni Marlon ang mga hawak naming ilaw sa paligid. Tumambad sa amin ang mga nagkalat na sirang kagamitan.

"Charles, nasaan na?" Naiinis na si Marlon.

"Nandito lang 'yon, baka natabunan lang." Sabi ko sa kanya habang hinahawi ang mga nagkalat na kagamitan.

May kalawakan ang garahe at halos isang oras na rin kaming paikot-ikot dito.

"Uuwi na lang ako. Kanina pa tayo naghahanap," sabi ni Marlon.

"Marlon! Tara rito, dali." Pagmamadali ko sa kanya upang makita ang aking natuklasan.

Pinakita ko kay Marlon ang isang maliit na pinto patungo sa ilalim ng garahe. Binuksan niya ito at tumambad sa amin ang isang makipot na hagdan, at maingat kaming bumaba rito.

Gamit ang dalang ilaw, aming pinagmasdan ang paligid. Maagiw at maraming alikabok. May nakapa akong pindutan sa pader na aking sinasandalan, pinindot ko ito, nagliwanag ang buong paligid.

Nakaagaw ng aming pansin ang isang malaking bagay na natatakpan ng puting tela. Lumapit si Marlon dito at tinanggal ang nakapatong na tela. Nagulat kami sa aming natagpuan, nahanap na rin namin sa wakas.

"Totoo nga, mayroon kayong makina ng panahon," pagkamangha niya. May kalakihan ang makina at may isang pinto papasok sa loob. Sa gilid nito'y nakasabit ang isang maliit na orasan.

Si Papa ang may gawa ng makinang ito, isa siyang imbentor at pangarap ko ring maging katulad niya. Madalas niyang nai-kukwento ang tungkol dito. Ngunit pinagbabawalan niya 'ko na pakielaman ito. Dahil na rin sa aking kuryosidad ay nagawa kong suwayin si papa.

"Subukan na natin," sabi ni Marlon.

Kinuha ko ang maliit na orasan na nakasabit sa gilid ng makina, sa tingin ko ay ito ang nagpapatakbo rito. Simple lang ang pagkaka-disenyo rito at dahil na rin siguro madalas ko nang nababasa sa mga libro ang tungkol sa makina ng panahon ay naging madali na lang para sa'kin na paganahin ito. Pinihit ko ang orasan at nagbukas ang pinto, pumasok kami ni Marlon at sinara ito.

Masikip. Sapat lang para sa isang tao ang espasyo. Sa magkabilang-gilid ay mayroong hawakan. Pinindot ko ang mga numero sa gilid ng makina.

"784 A.D.?" Tanong ni Marlon. Hindi ko siya sinagot. Gusto kong bumalik sa kasaysayan, at ito lang ang panahong biglang pumasok sa aking isipan, nabasa ko na ring minsan ang tungkol dito.

Pinindot ko ang pulang pindutan. Unti-unting nagliwanag sa loob at unti-unti na ring lumalakas ang pag-alog. Napahiyaw na lang kami ni Marlon ng magsimula nang umikot at umaldag ang makina ng panahon.

Ang Kwaderno Ni DodongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon