Nagpunta ako sa isang lugar kung saan tinutulungan nila ang mga babaeng tulad ko. Mga taong wala nang pag-asa. Mga taong hindi tanggap ng lipunan. Mga taong walang-wala. At isa na ako dun. Pinindot ko ang doorbell. Basang basa pa naman ako dahil sa ulan kanina. Maga-alas onse narin ng gabi. Sana lang may magpapasok sakin.
Sa pangatlo kong pindot, biglang bumukas ang gate. Bumungad sa akin ang isang babae na nasa mid-forties na yata na edad. Kinusot-kusot pa niya ang kanyang mga mata. Malamang nagising 'to dahil sa ingay ng doorbell nila. Pagbaba niya ng kanyang kamay, nanlaki agad ang mga mata niya. Siguradong nagulat siya sakin. Eh nagmumukha kase akong basang sisiw na nanginginig.
"Ija! Anong nangyari sa iyo? Bakit basang-basa ka? Halika dito, pumasok ka! Baka mapano ka pa sa labas!" aniya. Inimbita niya ako sa loob at pinapunta niya ako ng banyo. Binigyan niya rin ako ng mga tuyong damit. Nakapagbihis na rin ako. Mabuti nalang at mabait siya.
Nasa sala o receiving area yata kami ng establishimentong ito. Two-storey building ito na medyo malapad at di naman gaanong mataas. Marami siguro ang pinapatuloy nila dito. Nagpalinga-linga ako. Inoobserbahan ko ang lugar nang dumating ang ale. May dala siyang isang baso. Inilapag niya ito sa mesa sa harap ko at tumabi naman siya sa akin sa sofa.
"Ija, inumin mo muna itong mainit na tubig.. ano ba ang nangyari sa iyo at basang basa ka kanina? Ano rin ba ang ginagawa mo sa ngayong oras?" dire-diretso niyang tanong habang iniaabot ang baso ng hot water. Halatang naaawa siya sa akin dahil kitang-kita sa mukha niya ang pag-alala.
Tinanggap ko ang tubig at bago ako magsalita, dahan-dahan ko itong ininom. "Ano po kase, 17 pa po ako at buntis ako. Kinausap ko kanina sa park ang ama ng bata ngunit ipinagtabuyan niya kami.." putol ko dahil yumuko ako at unti-unti nanamang nanlalabo ang aking mga mata. Napuno nanaman ito ng luha. Pinipigilan kong umiyak para matapos ko ang aking sasabihin. Lumunok ako. "Tapos po, hindi na po ako umuwi kase alam kong ipagtatabuyan ako ng mommy at daddy ko dahil sa kagagahan ko." dagdag ko ngunit bumagsak nanaman ang mga leshe kong luha.
Napahagulhol nanaman ako. Bakit ko ba inaaksayan ng luha ang taong nang-iwan sa'min? Hindi ko kaya.. mahal ko pa kase siya. Tinakpan ko ang aking mukha gamit ang mga kamay ko. Sa bawat hikbi, sa bawat luha na nasasayang, iniisip ko ang walang muwang na bata sa tiyan ko. Paano ba kami mabubuhay? Tinapik-tapik ng ale ang likod ko at niyakap niya ako. Mabuti nalang at may mga tao pa na handa akong damayan sa mga oras na ito.
"Tama na ija, shh shh.. hayaan mo, tutulungan ka namin dito. Hinding hindi ka namin pababayaan." aniya sabay angat ko ng ulo ko. Pinunasan niya ang aking mga luha gamit ang kamay niya. Tiningnan ko siya. Nakangiti siya kaya naman napagaan niya ng konti ang nararamdaman ko.
"Salamat po..ale.." sambit ko sa kalagitnaan ng paghikbi. Pinupunasan ko rin ang sarili kong luha na walang preno sa pag-agos.
"Nanay Mila nalang ang itawag mo sa akin. Nga pala, ano bang pangalan mo?" tanong niya habang inaayos ang buhok kong magulo.
"Cattleya Rose po." sagot ko.
"Ang ganda naman ng pangalan mo ija! Mahalimuyak katulad ng mga bulaklak!" sabi niya na puno ng pagkagalak. Natawa ako ng bahagya.
"Nakakatawa po ano? Mabulaklakin, mahalimuyak at maganda ang pangalan ko pero kabaligtaran naman ang nangyari sa akin na mas masahol pa sa isinukang pagkain." sambit ko na dahilan para mapasimangot siya. Tama naman ako diba?
"Huwag kang ganyan ija, ang isinukang pagkain ay natatapon. Ngunit ang isang babaeng katulad mo, hinding hindi mapapalitan. Ano pa't ganyan ang pangalan mo? Balang araw, mamumulaklak ka rin. Isang hakbang na rin yang bata sa tiyan mo patungo sa mas mabangong kapalaran."