"Lumayas ka! Hindi ka namin kailangan dito!"
"P..pero.. nay.." mangiyak-iyak kong pagmamakaawa sa aking inay.
"Alis!" inihagis na ni inay ang aking mga gamit. Hindi ako makapaniwala.. nakatunganga lang ako habang humahagulhol sa harap ng kubo namin. Niyayakap ang mga damit ko.
--
Napanaginipan ko nanaman ang malagim na pangyayari sa buhay ko. Mahirap lang kami. Walang trabaho ang aking inay at mangingisda lang ang tatay ko. Siyam kaming magkakapatid. Ako ang bunso. Grade six lang naabot ko at hindi nga ako nakagradweyt. Umalis ako at nagtungo sa paaralan ko. Doon ako sumilong dahil umuulan nun.
Labindalawang taong gulang palang ako nung pinalayas ako ni inay. Wala si tatay nun kaya nagawa sakin yun ni inay. Hindi niya ako mahal kahit ako ang bunso. Pinabayaan nya lang ako. Kami.. kaming siyam na magkakapatid. Napakasugarol niya. Ang perang ibinibigay ni tatay para ipambili ng makakain namin, pinagsusugal niya lang.
Noong ganun ring taon, naghanap ako ng trabaho. Nagbabakasakali na matanggap kahit labandera o katulong. Para kahit papano, may matutuluyan ako. Swerte naman ako at natanggap bilang katulong ng marangya at mababait na amo. May anak silang lalaki na sampung taon ang agwat sa akin. Nagtatrabaho na siya nun at tinulungan nila ako para makapag-aral ulit. Natatandaan ko pa yung sinabi niya sa akin..
--
Nasa hardin kami ng bahay nila. Nagdidilig ako ng halaman at siya naman ay nakatayo sa tabi ko habang iniinom ang kanyang kape.
"Bilisan mong lumaki ha.." nabigla ako dahil bigla siyang nagsalita. Hindi ko nakuha ang ibig niyang sabihin kaya naman napatanong ako..
"Bakit naman po?" napatingin ako sa kanya pero, nakatitig lang siya sa mga halaman habang hawak-hawak ang baso ng kape.
"Bilisan mo lang.. maghihintay ako sayo"
"Mapapabilis ba ang paglaki ng tao?" taka kong tanong sa kanya.
Napatingin din siya sa akin, "Haha.. hindi naman.. basta hihintayin kita.." sabi niya sabay tawa at humigop ng kape.
"Hindi po kita maintindihan.." sabi ko nalang habang iniwas ang tingin sa kanya at patuloy na nagdidilig ng halaman.
"Maiintindihan mo rin balang araw. Tsaka wag mo nga akong ipo-po! Ang bata ko pa ah" nakatitig parin siya sakin.
"Sige po.. ay.. sige" sagot ko nalang habang nakayuko.
---
Ngayong dalawampu't-isang taong gulang na ako, grumadweyt na ako sa kurso na education. Hindi na ako naninilbihan sa mga Marquez. Pero tinutulungan at ginagabayan parin nila ako sa aking pag-aaral at tinulungan pa nila akong mag sari-sari store kahit sa gabi lang ako nakakapagtinda. Wala na akong komunikasyon sa anak nila simula nung pumunta siya ng ibang bansa.