CM-1

12.4K 284 2
                                    


Kabanata 1

"Huh!" Napaubo ako at napahilamos ng aking mukha. Ang lakas nang kabog ng aking dibdib at hindi ko alam kung normal pa ba ito. Hindi ko namalayang matagal na pala akong nakababad sa tubig. Kasalukuyan kasi akong naliligo at naisipan kong magbabad muna sa malaking batyang paliguan. Nahilot ko pa ang aking sintido. Dahil sa pagbabad ko ng matagal sa tubig ay nakatulog ako at nanaginip ng hindi maganda. Ito ang unang beses na nagkaroon ako ng ganoong klaseng panaginip sa tanang buhay ko. Masyado siyang kakaiba at nakakatakot.

"Señorita Hollian? Bilisan niyo na po dahil maaga raw aalis ang inyong ama," tawag pa sa akin ni Manang Bebeng.

"Opo!" sagot ko naman din agad.

Agad din naman akong kumilos. Nang makalabas ako ng aking banyo ay nakahanda na sa aking kama ang damit na aking isusuot. Hindi rin naman ako nag-atubili pa dahil agad din naman akong nag-ayos ng aking sarili.

Matapos ang ilang minuto ay tuluyan na akong lumabas ng aking silid. Halos talunin ko na ang hagdan dahil sa aking pagmamadali. Muntikan pa akong madapa dahil nga sa aking pagmamadali.

"Hollian, magdahan-dahan ka nga anak ko," utas ng aking ama.

"Pasensya na po ama," paumanhin ko ko rin naman agad. Matamis naman nito akong nginitian.

"Anak, huwag mo sana bigyan ng sakit ng ulo ang iyong Manang Bebeng habang wala ako rito. Alam mo namang may trabaho ako sa ibang bayan. Gusto ko sana ay maging maayos ka habang wala ako rito." Malungkot naman akong napatungo.

"Kailangan po ba talaga na umalis kayo? Malaki naman po ang kinikita natin dito sa asyenda ama." Narinig ko naman ang buntong-hininga nito.

"Pagtatalunan na naman ba natin ito Hollian." Agad akong umiling. Gusto ko pa sana ang sumagot ngunit alam ko namang talo pa rin ako sa bandang huli. Alam ko naman ang totoo. Mas mahal nito ang pangalawang asawa niya kaysa sa akin na tunay niyang anak. Sana hindi na lang namatay ang ina. Sana ay kapiling ko siyang ngayon at sana'y buo kami.

"Ayos lang po ako rito ama. Maari na po kayong umalis."

Tinalikuran ko na ito at bumalik nang panhik sa aking silid. Agad na nag-unahan sa pagtulo ang aking mga luha. Hanggang kailan ba ito magsisinungaling sa akin. Matagal ko ng alam alam na may bago na itong asawa sa ibang bayan. Lagi lang nitong inirarason sa akin ang kanyang trabaho gayong alam ko naman ang totoo. Marahil ay ayaw lang nito na masaktan ako, pero sa totoo lang ay matagal na akong nasasaktan. Martir na nga siguro ako dahil ni minsan ay hindi ko naman ito sinumbatan.

Napabuga ako ng hangin at pinunasan ang aking mga luha sa mata. Lumapit ako sa aking bintana at hinawi ang kurtina. Tanging pagtanaw na lamang ang aking nagawa habang unti-unting nawawala sa aking paningin ang kalesang sinasakyan ng aking ama.

Mula sa ibaba ay tiningala ako ni Manang Bebeng sa aking silid. Isang mapait na ngiti lamang ang ibinigay ko sa kanya.

Napahugot ako ng malalim na hininga. Limang taon kong kinaya na wala ang aking ama sa aking tabi at kakayanin ko ulit iyon.

"Señorita Hollian, bumaba na po kayo. Kakain na po tayo," tawag pa sa akin ni Manang Bebeng.

Walang kabuhay-buhay akong lumabas ng aking silid at bumaba sa hagdan. Tinungo ko agad ang kusina. Naghila ako ng isang silya at umupo rito.

"Ayos ka lang ba?" tanong nito. Tumango lang ako. Nagsimula na akong kumain at pilit na pinapasigla ang aking sarili.

"Hollian..." Pumaling ako kay Manang Bebeng.

"Sigurado ka bang ayos ka lang?" anito. Tumango ako ulit.

"Wala naman pong magbabago, 'di ba po? Nasanay na po ako," sagot ko at tipid na ngumiti. Bumuntong-hininga naman ito.

"Narito ako Hollian," anito.

"Alam ko po iyon nay," sagot ko. Ngumiti lang din naman ito sa akin. Ipinagpatuloy ko na ang aking agahan.

~

Nang matapos kami sa pagkain ng agahan ay dumiretso ako agad sa kuwadra ng mga kabayo para magmando sa aking mga trabahador. Kailangan ko na kasing ihiwalay iyong mga ibebenta at ang mga bata pang kabayo. Pagkatapos ay sa kulungan na naman ako ng mga baka para mag-gatas.

"Señorita Hollian, narito na po iyong balde," wika pa ni Des, isa sa mga tauhan ko.

CARITAS MEATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon