CM-11.3
"Hindi kita anak!" sigaw ni ina at biglang sinugod si Keyne.
Ngunit agad siyang naawat ni Keyne at nahawakan sa leeg.
"Sana'y pinaslang ka na lang ni ama kaysa naman makita kitang ganito. Nakakaawa."
"B-bitiwan m-mo a-ko!"
Panay ang pagpupumiglas niya kay Keyne ngunit ayaw nitong matinag.
"Ipararamdam ko sa iyo kung paano lapastangin ng isang demonyo."
Bigla niyang inangat si ina at sinakal ng mariin. Nang hindi pa siya makuntento ay ibinalibag niya ito sa pader. Nabutas pa ang pader at nagkabitak-bitak pa ang mga semento dahil sa lakas ng epekto nang pagkakatama nito sa pader.
"Ayos ka lang ba ina? Sabik na sabik akong makita kang nahihirapan."
Halos ayaw kumurap ng aking mga mata habang humahakbang palapit si Keyne kay inang Shaurine. Panay ang pag-igting ng panga nito at halatang galit na galit.
"Huwag mo akong tatawaging ina! Hindi kita anak!"
"Aray," ani Keyne. Umarte pa siya na para bang nasasaktan ngunit nakangisi naman. Ibang-iba siya kay Emil at mas lalong walang bahid bilang si Kaloy.
Bigla siyang sinugod ni ina ngunit agad din naman siyang nakaiwas. Ibinalibag niya itong muli ay sa isang kurap ko lamang ay agad niyang napulot ang punyal at biglang itinarak sa dibdib ni ina.
"Dugo man kita at laman ngunit hindi ko kayang makita kang pakalat-kalat sa lugar na ito ina. Minsan ka nang nabuhay ngunit sinayang mo ang pagkakataong mamuhay ulit ng tahimik. Ngayon ina, pagbayaran mo ang lahat ng iyong kasakiman."
Nang hugutin nito ang punyal ay biglang bumagsak si ina sa sahig. Umagos ang kulay itim nitong dugo mula sa kanyang sugat hanggang sa unti-unting nangitim ang kanyang balat. Namimilipit siya sa sakit hanggang sa bigla na lamang itong naging abo.
Tulala lamang ako. Lumapit naman siya kay Kanyue at tinanggal ang pagkakaposas nito. Parang wala lang sa kanya ito dahil nagkadurog-durog pa ang bakal. Nang matanggal niya ito'y diretsong bumagsak si Kanyue sa sahig. Ako naman ang binalingan ni Keyne. Tinanggal niya ang pagkakatali sa akin. Nang matanggal niya ito ay agad akong lumapit kay Kanyue.
"Mahal ko, gumising ka," umiiyak kong ani.
Bigla namang hinila ni Keyne ang aking kanang palad at agad na lumabas sa akin ang itim na tangkay ng isang rosas. Bigla niyang hiniwa ang aking palad at itinapat sa bibig ni Kanyue.
"May ginawa si Shaurine sa kanya kaya siya nagkakaganyan. Huwag ka mag-aalala Hollian. Dugo mo naman ang makakagamot sa kanya. Pakisabi nga pala kay ama. Wala na akong utang sa kanya. Pasalamat siya at iniligtas ko siya."
Sa pagkasabi niyang iyon ay bigla na lamang itong nawala. Grabe. Ang presko niya at ang yabang. Anak nga talaga siya ni Kanyue. Tinuyo ko ang aking mga pisngi at hinintay na magkamalay si Kanyue.
Mataman ko lamang siya na pinagmasdan hanggang sa unti-unting gumalaw ang kanyang mga daliri.
"Kanyue," anas ko.
Narinig ko ang marahan niyang pag-ungol. Piniga ko ng husto ang aking palad at ibinuka ang kanyang mga labi. Muli siyang umungol hanggang sa tuluyan na itong napadilat. Muli akong napaluha.
"May masakit ba sa iyo, ha?"
Bumangon naman siya at umupo sa harap ko.
"Ano ang nangyari?"