CM-7
Sa sobrang pagkagitla ko sa aking mga narinig ay agad na kumilos ang aking katawan at agad na hinanap ng aking mga mata ang labasan ng bulwagan. Sa sobrang gulo ng aking utak ay 'di ko na namalayan na dinala na pala ako ng aking mga paa sa likurang bahagi ng gusali. Masukal na gubat na ito kung titingnan ngunit may espasyo naman sa gitna bilang maliit na kalsada. Mariin akong napapikit. Ang tanging nasa utak ko lamang ngayon ay ang makalayo sa lugar na 'to! Mabilis ang ginawa kong paghakbang habang panay pa rin ako sa pagpahid sa aking magkabilang pisngi. Bakit ba ako umiiyak ng ganito? Bakit ba ako nasasaktan ng ganito? Bakit pakiramdam ko'y parang lumalabas pa na ginagamit ko lang si Kanyue. Muli akong napahikbi at niyakap ang aking sarili. Alam ko sa aking sarili na hindi 'yon totoo ngunit parang pinipiga itong aking puso. Natutop ko ang aking bibig upang pigilan na kumawala ang aking pag-ungol. Muli kong pinunasan ang aking magkabilang pisngi gamit ang aking mga palad. Nanginginig ang aking mga tuhod kaya hindi ko na napigilan ang mapaupo sa damuhan. Muli akong napahagulhol. Oo nga't nakakalula ang kayamanang mayro'n si Kanyue pero bakit parang lumalabas pa na ginagamit ko siya. Ni hindi ko nga alam na nabibilang pala ito sa mahaharlikang angkan. Pumayag lang naman ako sa alok nito dahil nanganganib ang asydoda ko, lalong-lalo na ang mga tauhan ko. At dahil sa humantong ako sa walang pagpipilian ay napasugal ako. Alam 'yon ni Kanyue! Alam niya! Napatayo ako at muling humakbang. Sapo ang aking dibdib. Nasasaktan ako ng husto."Binibini, mag-isa ka lang yata?" Napahikbi ako. Hindi ko ito pinansin at mas lalo na lamang binilisan ang aking mga hakbang. Nang lingonin ko ito'y, tatlo silang nakasunod sa akin. Matalim kung tumitig ang mga ito kaya mas lalo ko pang nilakihan ang aking mga hakbang. Matinding kaba ang biglang umusbong sa akin. Hindi na ako nag-atubili pa kaya agad akong napatakbo kahit mahirap. Mataas ang aking takong at bukod pa ro'n ay may kahabaan din ang aking suot na damit. Ngunit mas lalong tumindi ang aking takot dahil nakasunod pa rin ang mga ito sa akin.
"Gusto mo pala ng habulan!"
Naghalakhakan ang mga ito at kay bilis na nahila ng isa sa kanila ang laylayan ng aking damit. Ito ang dahilan kung bakit napunit ang aking damit at umabot ang pagkawasak nito sa aking mga hita.
"Kutis porselana ka pala. Mukhang tama ng si Lorry, masarap kang paglaruan at masarap ka pang kainin." Natigilan ako. Si Lorry? Napaatras ako.
"Layuan niyo ako!" sigaw ko. Hindi na ako nakatakbo dahil nakapalibot na sila sa akin. Bigla naman akong itinulak ng isa sa kanila na may pagkabruskong pangangatawan.
"Parang awa niyo! Lubayan ninyo ako! Pera ba? Magbabayad ako! Pakiusap!" umiiyak at nanginginig kong wika.
"Alam mo binibining Hollian, mas malaki ang ibinayad sa amin. Sa tingin mo ba'y matatapatan mo 'yon?" Napahagulhol ako at nailing.
"Nakikiusap ako, pakawalan niyo na ako." Ngunit bigla na lamang akong hinubaran ng isa sa kanila. Napatili ako at nagpumiglas.
"Pakiusap! Bitiwan niyo ako! Nakikiusap ako!"
Hawak ako ng dalawa at ang isa naman ay nakatayo sa aking harapan. Nagulat pa ako nang bigla nito akong sampalin. Pakiramdam ko'y parang matatanggal ang aking ulo dahil sa lakas nang pagkakasampal nito sa akin. Hindi ako agad nakaimik.
"Ugh!" ungol ko nang hawakan nito ang aking buhok upang mai-angat ang aking mukha. Duguan ang aking labi at nagsisimula ng mabuwal ang aking mga tuhod. Akmang hahawakan na sana ako ng isa sa kanila para hubarin ang aking huling saplot sa katawan ngunit bigla na lamang may pumilipit sa leeg nito dahilan para ito ay mamatay at bumagsak sa lupa. Agad na pumalit sa kanyang puwesto si Kanyue. Ngunit ibang Kanyue ang nakikita ko dahil kulay pula ang kanyang mga mata at kulay puti naman ang kanyang buhok.
"Mamili kayong dalawa. Isusunod ko kayo sa impyerno o bibitiwan ninyo ang asawa ko," kalmado niya pang tanong. Napatulala lamang ako habang pinagmamasdan ang kabuoang anyo ni Kanyue. Ang dating maamo nitong mukha ay biglang naglaho. Pinagdikit nito ang kanyang mga palad at pinatunog ang kanyang mga buto sa daliri. Sa isang kurap ko'y parehong bumagsak ang dalawang lalaking nakahawak sa akin. Nanginginig ang buo kong kalamnan. Naghahalong takot at kaba ang umiiral sa akin. Unti-unti namang bumabalik sa dating anyo si Kanyue. Lumapit ito sa akin at niyakap ako. Hindi ako makagalaw para tumugon sana sa kanya. Parang sasabog ang utak ko dahil sa hindi ako makapag-isip ng matino sa mga oras na ito. Kumalas ito sa pagkakayakap sa akin at hinubad ang kanyang tsaketa. Itinakip niya ito sa aking katawan at agad din naman niya akong kinarga. Lumakad siya ng konti at sinalubong kami agad ng kanyang sasakyan. Hanggang sa makapasok kami sa loob ay kandong niya pa rin ako. Ayaw kong magsalita. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Hindi ko alam kung tama ba na magtanong ako, ngayon mismo. Naguguluhan na ako. Tahimik na lamang akong umiyak at itinago ang aking mukha sa kanyang dibdib.